1. Ang Kalinaw sa Pahimakas

362 6 0
                                    

Nakapangalumbaba lamang ako habang nakapatong ang mga siko sa bukas na bintana nitong sasakyan. Bahagya mang naiinip kakahintay kay Julian na siyang magmamaneho ay pilit ko na lamang nililibang ang sarili at pinagmamasdan ang kaingayan ng paligid.

Dito sa isang munting motel siya namalagi ng ilang araw nang bigla siyang lumayas ng bahay.

Hindi rin naman ako madalas na nakapupunta rito sa Maynila kaya’t nakaaaliw din naman pagmasdan ang mga taong naglalakad-lakad na animo’y parating nagmamadali. Kinagigiliwan din ng aking mga tainga ang ingay ng kalsada dahil sa mga samu’t saring usapan at busina ng sasakyan sa paligid.

Wala rin akong masyadong ideya kung saan mismo ang lugar na ito. Mabuti na lamang at sinagot na ni Julian ang kanyang cellphone nang makarating ako ng bus stop.

Napakahaba ng biyahe; halos masuka ako sa hilo dahil hindi naman ako sanay sa ganoong mga biyahe lalo na’t sa bus pa.

Labis-labis na rin kasi ang pag-aalala naming lahat nang biglang bumalik si Julian dito sa Maynila nang wala man lamang paalam sa aming lahat. Ilang gabi na rin akong hindi mapakali kaya’t naglakas-loob na rin talaga akong lumuwas mag-isa upang muli siyang makita.

Lumingon-lingon ako sa paligid dahil patuloy pa ring nahuhumaling ang aking mga paningin sa panibagong tanawin na hindi ko palaging nakikita. Mataas man ang sikat ng araw, hindi naman ganoon katindi ang init dahil na rin sa dami ng nagkakapalang ulap na paminsan-minsang ikinukumot ng haring araw sa sarili.

Kinuha ko ang aking cellphone upang tingnan kung anong oras na. Lampas alas-onse na pala.

May sumitsit sa akin kaya’t bigla akong napalingon pabalik sa bukana ng motel at nakita si Julian na bitbit ang isang malaking gym bag. Kahit na malaki ay kapansin-pansin na hindi naman ganoon karami ang laman niyon. Marahil ay iilang mga damit lang din ang kanyang nabitbit nang biglaan siyang lumuwas dito.

Sa kanyang paglapit ay patuloy ko siyang tinitigan.

Ang simple niyang pananamit at ganda ng tindig ay ilan lamang sa mga bagay na talaga namang mas nakakapagpa-guwapo sa kanya. May kakisigan si Julian dahil na rin sa kahiligan niyang pagpapapawis sa gym at pagtakbo-takbo sa aming subdivision.

Kaakibat niyon ay ang kanyang katangkaran at pagiging moreno ng balat.

Naalala ko noong kami ay mga bata pa, lagi niyang inihahambing ang kulay ng kanyang balat sa akin at ipagmamalaki na mas malakas daw siya sa akin dahil bukod sa mas matanda siya sa akin ng dalawang taon, ay may kalamlaman daw kasi ang aking pagkamoreno. Biruan lamang naman iyon, alam ko. Mag gunitang nakatutuwang balik-balikan kung minsan.

Katulad ngayon; ngayon ay isang minsan…

“Tagal ba?” tanong niya sa akin nang makasakay na sa driver’s seat. “Kinausap pa kasi ako sa reception desk. ‘Yung relo kong nawala, wala raw talaga silang nakita. Sana nasa bahay lang!”

Nakatingin lamang ako sa kanya at iniisip kung ano ba ang sasabihin. Initsa niya ang bag sa upuan sa likod bago dinukot ang cellphone at wallet sa bulsa at inilapag din sa dashboard ng sasakyan.

“Gutom ka na?” tanong niyang muli. “Drive Thru na lang tayo?”

Nakatingin din siya sa akin habang hinihintay ang aking sagot. Nakangiti at kitang-kita sa balintataw ng kanyang mga mata ang payapang pakiramdam. Iyon ang nais kong makitang muli sa kanya at hindi naman ako nabigo.

Tumango lamang ako at saka rin ngumiti. Aaminin ko, may pagka-ilang pa rin ako na kausapin siya. Hindi ko kasi mawari kung wala na ba talaga sa kanya iyong nagawa kong kasalanan o kung kasalanan ba talaga iyon para sa kanya.

BALINTATAW (BxB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon