Gospel Reflection - Fear Not!

11 0 0
                                    

Marami tayong mga kinatatakutan. Kabiguan. Broken heart. Pagkakasakit. Kamatayan. 

May mga dahilan tayo para matakot. Nasa balita ang mga nakatatakot na pangyayari. Kaguluhan. Aksidente. Krimen. Sakuna. 

Ang iba nama'y may iba pang kinatatakutan o ang tinatawag naphobia. Takot sa matataas na lugar. Takot sa gagamba o sa ibang insekto. Takot sa dilim. Takot sa tao. Takot sa masisikip na lugar.

Mayro'n pa tayong tinatawag na stage fright o takot sa pagharap, pagpe-perform at pagharap sa maraming tao.

At hindi maganda ang epekto ng takot sa atin. Natataranta tayo kapag takot tayo. Dahil sa taranta, hindi nagiging maayos ang ating mga desisyon. Sumasablay tayo. Nakagagawa ng maling hakbang.

Malinaw ang mensahe ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Huwag tayong matakot. Magtiwala tayo sa Diyos. Manalig tayong lagi natin Siyang kasama. Hindi Niya tayo pababayaan. 

Na kahit anupaman ang nangyayari sa buhay natin ngayon, may Diyos tayong makakapitan. May Diyos tayong laging nakasubaybay sa atin. Na laging magtatanggol sa atin.

Na mamatay man ang ating katawang-lupa, may buhay na walang-hanggan sa sinumang sumasampalataya kay Hesus at tinatanggap Siya bilang personal na Tagapagligtas. Na kung sinusunod at isinasabuhay natin ang Kanyang mga turo, hindi tayo dapat mangamba.

Sinabi ito ni Hesus sa Kanyang mga alagad para sabihin sa kanila ang mga paghihirap na darating sa kanila. Na daranas sila ng mga pag-uusig at mga pasakit sa pagpapahayag nila ng Mabuting Balita.

Hindi higit na dakila ang alipin sa kanyang panginoon. Kung si Hesus nga na ating Panginoon ay dumanas ng mga paghihirap, tayo pa kayang mga lingkod lamang. Hindi tayo higit na dakila kay Hesus.

Ipinangako ng Diyos sa bayang Israel, "Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas." (Isaias 41:10)

Sinabi pa ni Hesus sa pagtatapos ng ating Gospel episode, "ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."

Kaya huwag tayong matakot. 

( Ito ay mula sa Katolikong blog na Sa Isa Pang Sulyap - http://saisapangsulyap.blogspot.com )

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon - 25 Hunyo 2017Où les histoires vivent. Découvrez maintenant