BONUS CHAPTER: BAGONG SIMULA

426 16 9
                                    



Kaharian ng Hathoria, makalipas ang ilang buwan....

"Mahal na Rama!"

Nilingon ko ang kawal na humahangos papalapit sa akin. May mga ganitong sandali na tila napapantastikuhan pa rin ako sa mga pagbabagong naganap sa aking buhay. Sino'ng mag-aakala na ang isang gaya kong mula sa tribo ng Punjabwe ay magiging rama ng Hathoria?

Ngayon nga ay kagagaling ko lang sa pag-iinspeksiyon sa aming mga tanggulan. Mula ng maikasal kami ni Pirena ay magkatulong na naming pinamamahalaan ang kaharian.

Natigilan ako nang maalala ang maselang kondisyon ng aking asawa.

"Kawal, bakit ka humahangos? May nangyari bang hindi maganda habang wala ako dito?"

Umiling ang kawal. "Hindi po sa ganoon. Sa katunayan ay nagmamadali lamang po akong maihatid sa inyo ang magandang balita."

"Ano iyon?"

"Rama Azulan, nagsilang na po ang mahal na hara! May bagong diwani na ang ating kaharian!"

Hindi ko napigilan ang malakas na halakhak kasabay ang mabilis kong paghakbang patungo sa silid ng aking asawa. Sumalubong sa akin doon ang aming panganay na si Mira.

"Ado! Sakto lang ang iyong pagdating."

Halos hilahin ako ni Mira papalapit kay Pirena na noo'y nakangiting tinutunghayan ang aming bagong silang na sanggol.

"Tingnan niyo kung gaano kaganda ang aking kapatid, ado! Napakasaya kong talaga!"

Maingat na inilipat ni Pirena sa aking mga bisig ang munting sanggol. Agad akong binalot ng lubos na kagalakan sa unang beses pa lang na nahawakan ko ang aming anak.

"Ano'ng ipapangalan natin sa kanya?" tanong ni Pirena.

Nginitian ko ang aking asawa at panganay na anak. "Zarrina. Siya ang Diwani Zarrina ng Hathoria."





Sa pangangasiwa ni Mira, isang piging ang inihanda namin sa Hathoria para ipagdiwang ang pagsilang ni Zarrina. Imbitado ang lahat ng aming pamilya at mga kaibigan. Mula sa Sapiro ay dumating si Rama Ybrahim kasama si Lira. Mula sa Lireo ay naroroon din ang bagong Hara na si Alena na ilang linggo lang ang nakararaan ay isinilang ang anak nito kay Memfes. Kasabay din niyang dumalo ang mag-asawang Danaya at Aquil. Nagdadalang-diwata na rin ang bunso sa magkakapatid na sang'gre.

Nakangiting pinagmasdan ko ang aming munting Zarrina na noo'y karga ng kanyang kapatid na si Mira.

"Napakaganda talaga ng aking mga anak. Napakapalad ko!" bulong ko.

  Gamit ang ivictus ay biglang sumulpot sa aking tabi si Pirena.  

"Kanino pa ba sila magmamana? Syempre sa kanilang magandang ina."

Masuyo kong inakbayan ang aking kabiyak.

"Sana'y kagandahan mo lamang ang kanilang manahin at hindi ang iyong kayabangan at pagiging matigas ang ulo." panunukso ko kay Pirena.

"Ashtadi! Di hamak na mas matigas ang iyong ulo kumpara sa ak--"

Mariing halik sa mga labi ang nagpatahimik sa napakatapang kong asawa na tila hindi kayang palipasin ang isang araw na hindi nakikipag-argumento sa akin. Kahit nagulat sa aking ginawa, awtomatikong tumugon si Pirena at kusang yumakap sa akin. Tila pareho naming nakalimutang hindi namin solo ang punong bulwagan sa mga sandaling iyon.

"Pustahan tayo, bessy. Masusundan agad itong si Zarrina. Tara, mag-isip na tayo ng ipapangalan sa magiging bagong kapatid mo. Sana kambal, para mas masaya." hirit ni Lira na ikinatawa ng lahat.

Pinamulahan ng mukha si Pirena. "Lira! Umiral na naman iyang kalokohan mo!" nanggigigil na sermon nito sa kanilang hadiya na noon ay pilyang tinawanan lang sila at nagtago sa likuran ng ama nito.

Masayang pinagmasdan ko ang aking pamilya. Tunay ngang wala na ang bakas ng dating Azulan na makitid ang pag-iisip at hindi marunong kumilala sa kakayahan ng isang babae. Marahil, nakatadhana talaga ang pagdating ni Pirena sa aking buhay upang baguhin ang aking paniniwala. Dahil sa minamahal kong hara, natutunan ko kung paano magmalasakit at magkaroon ng pakialam sa kapakanan ng buong Encantadia at hindi lang sa aking tribong pinagmulan. Dahil din sa kanya, nagawa kong makita ang katotohanang hindi dapat itali ang isang babae sa kung ano mang imahe na ibig mo. May karapatan silang mag-isip at magdesisyon para sa kanilang sarili.

Pagmamahal at respeto, iyan ang mayroon kami ni Pirena. Siguro nga ay may mga pagsubok pang darating sa aming pagsasama ngunit sa kabila ng lahat ay wala akong nararamdamang takot. Nagsisimula pa lamang ang kuwento ng aming lumalaking pamilya. Naniniwala akong lahat ay mapagtatagumpayan basta't kapiling namin ang isa't isa.

Ako at ang hara ng Hathoria.

END


-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

AUTHOR'S NOTE:

Avisala eshma sa lahat ng nagtiyagang magbasa ng 1st ever #AzPiren fanfic ko. Nakakainspire po ang mga comments ninyo. Pinag-isipan ko talagang maigi kung pahahabain ko pa ba ang kuwentong ito pero sa bandang huli, nagpasya akong isang bonus chapter na lang ang idagdag. Aside from my uber busy schedule (isang manuscript with 40,000 words ang kinakailangan kong tapusin this month at wala pa po ako sa kalahati.. ang sakit sa ulo, pramis!) naging factor din dito ang kagustuhan kong ibigay na kay Pirena at Azulan ang happy ending na para naman talaga sa kanila. :)

Pero sa pagtatapos ng "Ako at Ang Hara ng Hathoria", bubuksan ko naman po ang "Encantadia One-Shots". Doon ko po ipo-post ang mga one-shot stories ko about different Encantadia characters. Halo-halo na ang genre doon. May romance, humor, tragic etc. Mas madali kasing maisingit sa schedule ko ngayon ang pagsusulat ng one-shots kesa sa isang ongoing story. Hehe!

Sana magkainteres din kayong basahin  lalo pa at una kong ilalagay na kuwento doon ay tungkol sa panganay nina Pirena, si sang'gre Mira. Tatanggap din po ako ng requests or suggestions doon kung sinong Encantadia character ang gusto niyong gawan ko ng kuwento. 

Thank you po ulit! :)


-Lime Snowfall

AKO AT ANG HARA NG HATHORIAWhere stories live. Discover now