"Okay naman na ho ako, salamat." Tipid akong ngumiti, kaya't sinuklian din naman ako nito ng isang matamis na ngiti na mas lalong nagpasingkit sa mga mata nito.

Agad din namang iniabot ni Olivia sa akin ang mga medisina. Simula ng magkamalay ako sa mundong ito, ay iniinom ko na ang mga medisinang ito. Ayon pa sa kanila ay nagkaroon daw ako ng trauma sa nangyari kaya't nakaapekto ito sa aking sakit na hindi na yata malulunasan.

Hindi nila nabanggit ang sakit ko. Hindi na rin naman ako nag-abalang magtanong pa dahil baka mag-alala lang sila sa magiging reaksyon ko kapag nalaman ko pa.

"Huwag kang magdalawang isip na magsabi kung may nararamdaman ka anak ha? Tawagin mo ako o si Kali." Hinaplos pa niyang muli ang aking pisngi dahilan ng pagpikit ko bago siya tumungo palabas ng aking kwarto.

Nanatali akong nakapikit, pinapakiramdaman ang kasama sa silid. Ngunit wala yatang balak magsalita si Kali kaya't idinilat ko na ang mga mata at itinuon ang pansin sa babaeng nananatiling nakatayo simula kanina pa na parang estatwa.

"Paninindigan mo 'yang pagtayo mo riyan?" Tinaasan niya ito ng kilay na nakapagpatinag kay Kali.

Katawa-tawa ang itsura nito habang lumalapit sa akin. Kung kanina'y namumutla ito, ngayon nama'y namumula na ang mataba nitong pisngi na siyang hudyat ng pag-iyak nito.

"Sorry, Tyn! Hindi ko sinasadya na magbalik iyang trauma mo at atakihin ka ng sakit mo, sorry hindi ko na uulitin." Pinagkiskis ni Kali ang dalawang palad habang papalapit ito.

"Okay lang." Nginitian ko ito para mapanatag siya ngunit bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito.

"Ngayon na lang kasi naulit iyan at 'di ko inaasahang ako pa ang dahilan kung bakit mauulit," diretsong sambit ni Kali at umupo sa tabi ko.

"Hindi naman ikaw ang dahilan 'wag ka ngang mag-isip ng ganiyan," naiirita kong sambit sa kaibigan habang pinapalis ang takas na luha sa pisngi nito. Pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang pagd-drama nito.

"Alam mo may napagtanto ako," saad ni Kali nang mahimasmasan.

Kunot-noo ko naman siyang nilingon. Mukha kasi itong nawawala na sa katinuan dahil sa paraan ng pagngiti nito.

"Ang pangit mo palang umiyak."

Kung kanina'y maluha-luha siya sa sobrang kaba't pag-aalala... ngayon nama'y naluluha ito sa katatawa.

Napailing na lamang ako habang pinapanood siya. Hanga rin talaga ako sa sarili dahil natiis kong maging kaibigan ito ng higit sa sampung taon.

Kung hindi ko lang talaga kilala ito mula pagkabata ay baka sinipa ko na ito palabas ng kwarto. Ngunit kahit madaldal ito at lagi akong kinukulit ay masaya ako na hindi ako iniiwan nito kahit lagi ko siyang binabara at inaaway mula noong mga bata pa lang kami.

Nang humupa ang pagtawa ni Kali ay tumikhim muna ito bago magsalita. "Seryoso na, dahil sa nakita ko kanina napagdesisyunan kong..."

Nagsalubong ang kilay ko dahilan upang magitla ang siya at halos mautal. "I-ito na nga eh! Kalma ka lang pwede ba?" ani Kali na nakataas pa ang dalawang kamay, animo'y sumusuko.

"Napagdesisyunan kong pumasok din sa La Luna!" masaya nitong sambit.

Mabilis ding napawi ang ngiti sa mukha ni Kali nang tingnan ko lamang ito. Hindi na talaga ako nagulat sa kan'yang sinabi. Alam kong susundan ako nito dahil alam niya ang binabalak ko sa lugar.

"Oh bakit ganiyan ang reaksyon mo? Hindi ka nagulat?" nakangusong sambit ni Kali.

Humalukipkip ako at matamang tiningnan ang kaibigan. "Alam ba 'to ng nanay mo?"

VendettaWhere stories live. Discover now