Kabanata 1: Hari at Reyna
"Grabe, ang-aangas talaga nila, 'no?"
"Oo nga eh."
"Sila na talaga ang hari at reyna rito sa eskwelahan."
"Walang duda diyan, brad."
"Wala talagang duda. Lahat nga takot sa kanila, eh."
"Check. Ang-aangas kasi at ang tatapang."
"Magaling pa sa bakbakan."
Iba-ibang bulung-bulungan at mga sulyap na may halong takot at paghanga ang sumalubong sa kanila habang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo. Ngunit para kina Ella, Jerick, Jonas, at JM, para na lamang itong mumunting ingay ng hangin-isang musika ng mga taong nagbubulag-bulugan at nagbibingi-bingihan sa presensya nila.
Sila ang tinaguriang The Royalties. Sila ang kinikilalang hari at reyna sa buong eskwelahan, hindi lamang dahil sa kanilang impluwensya o estado sa buhay, kundi dahil sa kanilang delikadong reputasyon. Sa kanila lumuluhod ang katahimikan ng campus, at sa isang kibit-balikat lang nila, kaya nilang patigilin ang buong klase.
Huling taon na nila ito sa Junior High School. Isang taon na lamang at aakyat na sila sa Senior High School. Gayunpaman, tila walang nagbago sa takbo ng mundo para sa kanila. Ganito pa rin ang tingin sa kanila ng mga estudyante-kahit pa nga papasok na sila sa ikaapat na taon. Para bang kahapon lamang ay mga bagong salta pa lang sila na nag-aagawan ng teritoryo. Dalawang buwan na ang lumipas mula nang magsimula ang bagong taon ng panuruan, ngunit ang presensya nila ay parang nagbabagang bagyo na laging abangers sa mga pasilyo.
Habang tinatahak nila ang daan patungo sa kanilang silid-aralan, isang grupo ng mga lalaki sa unahan ang nakaagaw ng kanilang atensyon. Nagkakagulo ang mga ito at tila may binabantaan.
Nagkatinginan ang grupo ni Ella. Walang salitang namagitan, ngunit sapat na ang mga matang iyon upang magkaintindihan sila.
Hindi na nag-atubiling humakbang si Ella palapit sa direksyon ng gulo, habang nakasunod naman ang kanyang mga kasama na may mga mukhang handang makipagpustahan sa kamatayan.
Marahas na hinawakan ni Ella ang balikat ng isa sa mga lalaki. Agad itong napalingon, ang mukha ay nagulat sa biglaang pagsulpot, subalit mabilis ding napalitan ng isang mapang-insultong ngisi.
Hindi nagpadaig si Ella; sinuklian niya ito ng mas matalim na ngisi kasabay ng pagdidilim ng kanyang mga mata.
Lalo pang lumawak ang ngisi ng grupo nila nang mapansin nilang bahagyang lumunok ang lalaking kaharap ni Ella-kahit pinipilit nitong magmatigas.
Takot din naman pala, eh, malamig na bulong ni Ella sa kanyang sarili.
Nang mapansin ang reaksyon ng kaharap, ibinaling ni Ella ang kanyang paningin sa iba pang miyembro ng grupo nito. Hanggang sa tumigil ang kanyang mga mata sa isang lalaking nakatayo sa likuran, mahigpit na umaakay sa isang babaeng nanginginig sa takot. Malinaw pa sa sikat ng araw: binubully na naman ng mga gagong ito ang walang laban.
"May problema ba rito, mga tol?" mahinahong tanong ni Jerick, ngunit may bahid na panganib ang bawat salita.
"Wala naman, tol," maangas na sagot ng kaharap, sabay sulyap kay Jerick. Matangkad ito, halos pantay kay Jerick, at kung susuriin ang pangangatawan, hindi rin ito papahuli.
Ngunit pagdating sa labanan? Buo ang tiwala ng buong tropa sa kakayahan ni Jerick-at lalo na kay Ella, ang nag-iisang babae sa kanilang grupo na kailanman ay hindi nagpatinag kanino man.
"So, anong pinupunto niyo?" diretsong tanong naman ni Jonas, malamig ang boses at walang bakas ng takot.
Kailan kaya titino ang mga 'to? Ang-aangas, ang susungit, walang pakundangan, himutok ni Ella sa isip habang pinagmamasdan ang mga kasamahan.
"Eh bakit ba ang-aangas niyo?" balik na tanong ng isa pa sa grupo ng mga lalaki.
"Eh bakit ba kayo nanggugulo?" sabat naman ni JM.
"Sino bang nagsabing nanggugulo kami?" depensa ng isa.
"Eh sino rin bang nagsabing may karapatan kayong manakot ng babae?" si Ella na ang tuluyang nagsalita. Deretso siyang nakatitig sa lalaking umaakay pa rin sa nanginginig na estudyante.
Naramdaman niya ang pag-init ng kanyang ulo; napamura na lamang siya nang tahimik sa kanyang isipan dahil sa nakikitang kawalang-hiyaan.
"Hala, away na naman."
"Sino 'yun? Sila Ella na naman."
"O diba, si Xylar 'ata 'yun at ang tropa niya?"
"Oo nga! Langya, kinakalaban nila ang Royalties?"
"Astig nila kapag natalo nila ang Royalties..."
"True."
Kahit umabot sa kanilang tainga ang bulung-bulungan ng mga nanonood na estudyante, wala silang pakialam. Ang tanging pokus ng buong barkada ay ang mga lalaking humaharang sa kanilang daan.
"Eh sino rin ba ang nagsabing mangialam kayo?" bulyaw ng kaharap ni Jonas, halatang napipikon na.
"Wala. Bakit, may angal ka?" mas maangas na ganting-sagot ni Jonas. Kung sa paangasan lang naman ang usapan, hinding-hindi magpapatalo ang Royalties.
"Tsk! Magsilayas na nga lang kayo kung wala kayong gagawin kundi ang mang-istorbo!" sigaw ng lalaking kaharap ni Ella-na nakilala niya sa pangalang Xylar.
"Kung kaya niyo kaming paalisin," nakalolokong ngisi ni Ella habang dahan-dahang humakbang palapit.
"Ah, ganunan ha!" galit na bulalas ni Xylar. Bago pa man ito makagalaw nang tuluyan, mabilis na kumilos si Ella; iniwasan niya ang tangkang pagsugod nito upang direktang marating ang pwesto ng nanginginig na babae at mabilis itong nailipat sa ligtas na dulo.
Kasabay ng pagtunog ng tensyon sa ere, nagsimula na ring sumugod ang iba pang miyembro. Handa na ang buong grupo para sa isang mainit na umaga sa loob ng eskwelahan.
.
.
.
.
@xiouxio20
