"Iyon ay..."

Nagsisimula na siyang mairita. "Inakusahan niyo siya ng pagpaslang at ipinatapon sa Mizrathel kahit na naputanayan niyong wala siyang kasalanan. Pasalamat ka't hindi nagtatanim ng sama ng loob ang isang 'yon, dahil kung hindi siguradong luluhod ka sa harapan niya."

"....."

"Mawalang galang na kamahalan." Ipinatong ni Terry ang dalawang kamao sa lamesa at seryosong tumingin sa kanya. "Hindi kayo maaaring gumamit ng maji dahil sa kalagayan niyo, hindi ba dapat lang na pumili tayo ng isang babaeng malakas ang kapangyarihan bilang kapareha niyo?"

Napangiti si Riviel sa sinabi ng Punong Ministro. Sinasabi na nga ba niya at mapupunta rito ang usapan.

'Pagdating sa paggamit ng Maji, hindi sila papayag na isang mahinang nindertal ang uupo sa trono. Bukod do'n, pipili rin sila ng nindertal na siguradong mapapaikot nila sa kanilang palad. Ngayon pa lang nakikita ko na kung pa'no magwawala si Avanie. Excited na akong makita ang reaksiyon ng huwad na Prinsesa.'

"Ewan ko, pero maaari mong tanungin ang mga miyembro na nagpunta sa Idlanoa. Sa tingin ko may ideya na sila kung ga'no kalakas si Avanie."

Yumuko ang mga miyembro na lumitis kay Avanie. Hinding hindi nila makakalimutan ang araw na 'yon. Ang unang pagkakataon na naka-engkwentro sila ng gano'n kalakas na kapangyarihan.

"Totoong malakas ang kapangyarihan ng babaeng—"

"May pangalan siya Alde. Gusto kong tawagin mo siya sa pangalan niya."

Kumunot ang noo ni Alde. Kanina niya pa napapansin na kakaiba ang kilos ng kanilang Hari. Oo at nakakatakot ito kahit na hindi gumagamit ng maji pero madalas ay tahimik lang ito kapag nakikipagpulong sa konseho. Subalit iba ngayon, naging madaldal ito pero sa kabila no'n ay mas tumindi ang nakakatakot na aura nito.

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanila kung bakit ito nawala at bigla na lang nagbalik. Iniisip pa rin niyang may kinalaman dito si Avanie Larisla. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang hinala niya na si Avanie ang Quinra. Kung ito ang magiging Reyna siguradong malalagay sa alanganin ang buong konseho!

"Totoo kamahalan, malakas ang kapangyarihan ni Avanie Larisla subalit dapat pa rin natin isipin ang ginawa niya. Bilang isang nindertal na ipinatapon na sa Mizrathel, tumatak na sa isip ng lahat na isa siyang kriminal."

Binigyan ni Riviel ng isang mahabang tingin si Alde. Itong matandang 'to ang laging sumasalungat sa mga desisyon niya. Kahit maliit na bagay, basta't may pagkakataon nakikialam ito. Kung pwede niya lang sana itong balutin at iregalo sa mga Ginx kanina niya pa ginawa.

"Iyon ang inaalala mo?" taas ang kilay na tanong niya "Kesa pahalagahan ang reputasyon ng mga royal sa mata ng mga Ishgurian mas gugustuhin ko ang isang Reynang kayang gawin ng maayos ang kanyang tungkulin."

"Kung gano'n, dapat niyang patunayan sa'min ang kanyang sarili," singit ni Daji.

May hangganan ang pasensiya at malapit nang maubos ang kay Riviel. Kanina niya pa pinipigilan ang sarili na itaob ang lamesa.

"Regenni, ipaalala mo nga sa mga walang utang na loob na 'to ang ginawa ni Avanie." Ang grupo na lumitis kay Avanie ang tinutukoy niya. "Mukhang madali nilang nakalimutan ang pabor na ginawa niya dahil isa lang siyang hindi kilalang nindertal."

"Masusunod kamahalan." Hinarap ni Regenni ang mga maharlika sa pabilog na lamesa. "Nalagay sa panganib ang buhay ng kamahalan dahil sa isang lason subalit iniligtas siya ni Avanie-hana. Pinainom ni Avanie-hana ng isang uri ng lason ang kamahalan na kokontra sa lason na nanggaling sa Polent na ginamit ni Prinsipe Moon Siklogi sa naging laban nila."

QUINRA [Volume 2]Where stories live. Discover now