Nangingibabaw ang ingay ng gabing iyon, ako, kasama ang aking kaibigan ay simpleng nagkukwentuhan at nagtatawanan. Sa ingay na nagmumula sa libo libong tao, wala paring makakatalo sa ingay na nagmumula sa aking puso.
Hanggang sa dumating na nga ang kinatatakutan ko. Ikaw at ako, pagkaraan ng ilang buwan ay muling nagkita. Ikaw ay ngumiti na parang walang sakit at parang walang nangyari. 'Kamusta?' , yan ang una mong binanggit. Lahat ng alaala ay muling bumalik.
Nakaraang taon ng tayoy magkakilala. Diko makakalimutan ang pangaasar na inabot ko noon sa aking mga kaibigan lalo na nung hinawakan mo ang aking kamay upang pormal na makipagkilala. Kahit ako ay kinikilig noon...noon. Bakit ang bilis ng panahon?
'Paganda ka ng paganda a?' , yan ang sunod mong binigkas. Bakit mas pinapakita mo na parang wala lang sayo? Sana ganyan din ako, pero sino bang niloloko ko? Diko parin kaya, ang sakit parin.
Noong nagkakilala tayo diko inaasahan na may mga alaala tayong mabubuo. Nagsimula sa mga pangaasar hanggang sa nagkaseryosohan. Sobrang saya, ikaw yung nagparanas sa akin ng ganong saya. Tanda moba nung kada nagkakaproblema ka ako ang unang nakakaalam? Tanda moba na kada nilalagnat ka kahit di kita kasama alam mong nandyan lang ako sa tabi mo. Tanda moba mga effort na ginagawa ko sayo kada nagkakaaway tayo? Eh nung mga panahon na malungkot ka at akala mo magisa ka? Alam mo bang andon lang ako palagi para sayo?
'Bakit mo ako binlock?' , ayan ang pinakamasakit. Isang bagay na ginawa ko nung nawala tayo, parang sayo wala lang. Isang bagay na ginawa ko para di na ako masaktan pa sa mga makikita kong nangyayari sa buhay mo. Pero, muli mong pinakitang wala lang sayo.
May mas sasakit paba don?
Noon alam ko malalapit ka talaga sa mga babae, selos na selos man ako ayoko nang pagawayan pa natin yon.
Mga panahong iyon paggising at pagtulog ikaw ang nasa isip.
Ngunit hanggang ngayon naman parang ganoon parin.
Noon ako ang una mong iniisip. Ako ang una mong inaalala. Ako ang una mong pinapasaya. Ako ang una mong kausap sa umaga. Ako ang unang gusto mong makita. Ako ang una mong pinoprotekahan. Ako yung pinaka-una sa una, noon.
Hanggang sa dumating sila sa buhay mo. Mga taong sa tingin koy ipinakita yung kasiyahan na dimo natatamo kapag kasama ako. Mga gabing ako na yung tumatawag at kahit parang wala kang gana pinapasaya parin kita, pero wala parin. Mga gabing nagaaway tayo at tinutulugan mo lang ako. Mga araw na kaya mo nang di ako makita at makausap. Naramdaman ko na yung pagbabago. Pero sakin? Walang nagbabago. Maraming dapat unahing problema pero ano? Ikaw parin nasa isip ko at pinaka-inaalala.
Sinubukan kong ibalik, pero dun ko napagtantong kung ayaw, kahit anong pilit at paghihirap, wala na.
At kung sa kanila mo nahanap yung kasiyahan na nais mo, mahal sige na sa kanila kana.
At ngayon, sa muling pagbabalik sa kasalukuyan. Muli akong tinutukso sa iyo ng iyong mga kaibigan. Ngunit iyon ay dahil na lamang sa mga nakaraan na ating pinagsamahan.
Pinilit kong ipakitang masaya na ako at nakangiti. Tumayo na ako sa kinauupuan dahil diko na kayang magpanggap pa. Gaano man kita gusto pang makasama, alam kong tama na. Tama na yung pananakit sa sarili ko. Oo mahal kita pero ayoko na.
Di na kita muling tiningnan pa. Naglakad ako ngunit diko alam kung saan papunta. At ikaw kasama ang bago mong kaibigan ay nagtahak narin ng ibang destinasyon.
Iyan, iyan ang isang gabi na hindi ko makakalimutan. Isang gabi na hindi ko kilala kung sino ako.
Sabi mo wag kitang iwanan? Oo pinangako ko iyon, na sa sobrang paghawak ko sa pangakong iyon iniwan mo na ako't lahat eto parin ako at nagiintay sa muli mong pagbabalik. Sabi mo sana ako na yung babaeng para sayo? Hanggang ngayon hinihiling ko parin na sana ako yon. Ako parin yung babaeng para sayo.
Ngunit tanda ko rin yung pinaka-huling pangako ko sa iyo.
Mahal makakakilala ka ng libo libong babae, pero hindi kana makakahanap pa ng katulad ko. At ako makakakilala rin ng libo libong tao na mas ipaparamdam na mahalaga ako at karapatan kong maging masaya.
Hahanapin kong muli ang aking sarili, bagay na naiwala ko nung nakilala kita...
At sa oras na tinalikuran kana ng lahat, andito parin ako, ngunit hindi kona ipapaalam sa iyo. Dahil mas mahal kona ang sarili ko, iyan ang natutunan ko simula ng iwan mo ako.
