"Anak ng tokwa naman, o!" napasigaw ako nang malaglag ang baso mula sa lamesang pinag-iinuman namin. Nabasag 'yon sa sahig kaya't 'di ko maiwasang mainis.
"Sayang yung alak, isang shot rin 'yon. Langya!" asik ko pa. Halata kong nagulat ko 'tong tatlong kainuman ko. Ngunit ang dalawa sa'min ay agad ding pumikit dahil sa kalasingan. Natawa naman si Jun na nasa tapat kong upuan dahil sa inasal ko, "Rigor, P're, bago pa lang tayo, a? Lasing ka na agad?" Humalakhak pa siya matapos no'n. Kaming dalawa na lang ang matatag na nag-uusap ngayong kalagitnaan nang gabi rito sa gilid ng saradong tindahan. Noon din ay bigla s'yang tumahimik at ilang sandali pa'y nagsalita ulit, "Pare...." Base sa bilugan niyang mukha ay seryoso s'ya sa pagkakataong ito, "... may naalala lang ako sa itsura mo ngayon, medyo galit at aburido-" Tumigil s'ya sandali para tumingala na waring may inaalala atsaka muling nagsalita, " 'Di ko pa yata naikukwento 'to sa'yo Pare... 'di ko matandaan kung anong ginawa ko no'n, e... am... pero P're ganyan na ganyan yung itsura n'ong matandang babae dati na nakita ko nu'ng bata pa tayo, e... baliw yun, tinakot ako, Pero 'di ko matandaan, e. Sandali lang, isipin ko. Ano nga ba yun?" Muli na naman siyang tumigil at parang pilit na naghuhukay ng nakaraan sa isip. Medyo tinamaan ako ng kyuryosidad. Ngayon lang kasi nagkwento 'to tungkol sa takot n'ya. Minsan kasi, ang bukambibig nito ay tungkol sa mga taong binugbog niya magmula 'nong bata pa kami hanggang ngayon. Isa ako sa mga 'yon. Pa'no naman kasi, ang laking bulas, natural nang malaki ang katawan kahit na puro tambay lang ang ginagawa maghapon. Pero ang pinaka-ayaw ko lang ay halos ikuwento n'ya sa araw-araw ng pag-iinuman namin 'yong araw na binugbog n'ya ako no'n ding kabataan namin. 'Yon yung hapon na hinubuan ako ng sal'wal ng gago, pinagtawanan ng mga kalaro, at umuwing maga ang parehong mata na s'ya rin ang may gawa. Pero madalas n'yang ikwento sa 'kin yung tungkol sa nanay niyang namapaya nito lang isang buwan. 'Di halata pero isang beses no'ng mag-inuman kami, naging emosyonal s'ya habang nagkukwentuhan kami. Lasing na lasing ang mokong habang naghihinagpis, kesyo bakit daw s'ya iniwan ng pinakamamahal n'yang babae, 'yon nga lang, nagwala at binugbog ang sarili hanggang sa makatulog. Subalit bago ang pagkamatay ng ina n'ya, nauubos ang usapan sa kung paano siya pinalaki nito kahit walang ama at kung pa'no s'ya nito tinanggap kahit pa ga'non ka-batugan ang anak. Napapitlag ako sa kinauupuan ko matapos ang higit isa't kalahating minuto nang bigla s'yang sumigaw na parang may bagong natuklasang planeta sa kalawakan, "Ayun! P're, tanda mo no'ng binugbog kita?" tanong n'ya. Sabi na nga ba't isisingit na naman ng gagong 'to 'yong gano'ng usapan, e. Pero siguro nga naging paborito ako nito magmula no'n na parang una niyang pag-ibig. Tumango na lang ako at nagsalita, "O? Anong kinalaman no'n?" Mahirap na, baka gulpihin na naman ako nito. Nakakunot lang ang noo ko habang hinihintay ang sasabihin ni'ya. "Kinabukasan... grabe! Kinabukasan pagkatapos kitang bugbugin... nilapitan ako nung matandang babaeng kamukha mo lang 'pag nagalit. Para s'yang aswang, P're, aba! Natakot talaga ako. Ansabi baga naman, a..." Tumigil s'ya saglit para tumikhim at muling nagsalita na parang sinasaniban, "'Wag na 'wag mo nang gagawin 'yon! Ibibitin kita!" Matapos no'n ay biglang kumunot ang noo n'ya, "Nagtataka lang ako, P're. May sinabi pa 'yon sa'kin. Humingi daw ako ng tawad sa batang sinapak ko noon kundi puputulin daw n'ya 'tong kamay ko... Tapos no'ng nagmadali 'yon umalis. Ginawa ko yung sinabi nung baliw kasi natakot talaga ako, P're." Napatawa ako dahil alam ko na kung ano ang sinasabi ni Jun. Kaya pala kinabukasan, naging mabait s'ya sa'kin, kahit sinapak ko nang ilang beses, humingi pa rin ng tawad at yun nga, magmula no'n magkaibigan na kami. Pero agad ding naging seryoso ang mukha ko dahil sa biglaang sumagi sa isip ko na parang dahil do'n ay nahimasmasan ako. May isang bagay pala akong nakaligtaan... si Mama. Pero bakit? May sakit na 'yon sa pag-iisip magmula no'ng iwan 'yon ng walang kwenta at tarantado kong ama. Magmula no'n ako na ang nagt'yagang alagaan 'yong baliw na yon. 'Di ko rin pinapalabas at ikinukulong sa bahay. Pero bakit iba 'tong pakiramdam ko ngayon? Bigla akong nag-alala kay Mama sa pinakaunang pagkakataon. Para bang gusto ko s'yang makita ngayon na mismo. Biglang kumalabog ang dibdib ko. Parang kailangan ko na yatang umuwi. Tumingin ako sa may malapit na orasan at nakitang pasado ala-una na nang umaga. "P're, uwi na ako." pagpapaalam ko atsaka tumayo. Lalakad na 'ko paalis nang tawagin n'ya ako. "Rigor! Sa may labas niyo ulit ako matutulog. Para may kasabay ka pag-uwi." aniya sabay lapit sa'kin. Tumango na lamang ako at nagsimula kaming maglakad. Halos wala nang katao-tao rito sa madilim na kalsada. Ilang sandali pa'y may natanaw kaming tatlong lalaki at parang may kaaway subalit iisa lamang ito. Maya-maya pa'y narinig namin ni Jun ang ilang sigawan. "Tanda! Ibigay mo na kasi perang hawak mo kung ayaw mo pang mamatay!" wika ng isa sa tatlong lalaki. Sinubukan naming lumapit upang tulungan 'yong sa tingin namin ay matanda na base sa naturan n'ong lalaki. Ilang kilometro pa'y napatigil ako sa paghakbang maging si Jun dahil sa boses na tiyak na galing sa matanda, "H-hindi! Para 'to sa anak ko! Nagugutom na 'yon panigurado. Tara, samahan niyo 'ko... nasaan ba si Rigor? Alam niyo ba ku-" Halos mawalan ako ng hininga nang masaksihan ang ginagawang pagsaksak no'ng lalaki, higit dalawa, lima, pitong saksak ang tinarak sa walang kalaban-labang matanda. Kumaripas ng takbo ang mga walanghiya nang makalapit kami. Pinagmasdan ko ang nakalupasay na biktima. Nanlumo ako nang ako'y tingnan n'ya. Ngumiti ang duguang labi. Pilit itinataas ang kanang kamay at tila iniaabot sa 'kin ang halagang hawak n'ya. Nanginginig ma'y pinilit pa ring magsalita, "A-anak, ku-kumain ka na..." Kasunod ang pagpanaw n'ya.
