Prologue

171 7 8
                                        




Ako si Aelia De Guzman, labing anim na taong gulang at dito magtatapos ang kwento ng aking nakakabagot na buhay. Mayroon akong Hyperthymesia, ang sabi nila ay isa raw itong kaso na kung saan ay perpekto kong naaalala ang bawat pangyayari na nagdaan sa aking buhay. Sa tuwing sinasabi ko ito sa mga tao ay nakakatanggap ako ng mga walang kwentang tanong katulad nalang ng; "Kahit nuong inilabas ka sa tiyan ng nanay mo naaalala mo 'yon?" at ng; "Pakopya naman tutal naaalala mo lahat ng sagot sa mga exams natin 'di ba?"  

        Nakakaloko 'di ba? Isalaksak ko kaya yung mga libro namin sa kokote nila para maalala nila ang bawat sagot na nandoon. 

    Sabi ng mga taong nasa paligid ko ay isa raw itong regalo mula sa Diyos, pero para sa akin ay isa itong sumpa. Dahil ang mga bagay na pilit kong kinakalimutan ay hindi ko magawang kalimutan. Mga bagay na pilit kong tinatakasan, mga bagay na hindi kailanman ay hindi ko maibabahagi sa iba.

        Sabihin nalang natin na hindi naging masaya ang childhood days ko hanggang sa pagdating ko rin naman sa ganitong edad ay wala paring pagbabago. Kinasusuklaman ko itong regalong ito, kung alam lang nila kung gaano ko pinilit ang sarili kong kalimutan ang lahat ngunit hindi ko magawa.  

    Kaya ayon narito ako ngayon sa rooftop ng aming eskwelahan, pinagmamasdan ang mga nangyayari sa ibaba. Nakakabagot na buhay pa ulit-ulit nalamang ang nangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos. May kasabihan ako na hindi masayang gawin ang mga bagay na ginagawa na ng ibang mga tao.   

Matalino raw ako ngunit bakit gano'n, hindi ko parin mahanap ang sagot sa aking katanungan. "Ano ang dahilan kung bakit ako nabubuhay?" Lahat naman siguro tayo ay may dahilan kung bakit tayo nabubuhay hindi ba?


        Naisip niyo ba na minsan ay maling landas na ang tinatahak ninyo? Nabuhay kayo, nag-aral kayo at pagkatapos ninyong magaral ay mag ta-trabaho kayo na parang isang alagang aso na sunod-sunuran sa kanilang amo hanggang sa mag retiro kayo.


Kung ganon lang din naman ang mangyayari sa akin ay 'di bale nalang. Nakakawalang gana na rin namang mabuhay eh. Planado na ng mga magulang ko ang buhay ko, gusto nila akong mag-aral sa isang sikat na unibersidad at kumuha ng kursong medicine.

     Wala manlang nagtanong sa akin kung ano ba ang gusto kong mangyari sa buhay ko, basta ang alam lang ng mga guro at mga kaklase ko ay magiging doktor ako katulad ng mga magulang ko dahil hindi manlang nila ako sinubukang kilalanin.

  Sabagay, maski naman ako ay hindi ko rin alam kung ano nga ba talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Siguro ay tama na rin itong gagawin ko, siguro ay mas mahahanap ko ang excitement na hinahanap ko sa pamamagitan nitong gagawin kong ito.

        Inihakbang ko ang aking mga paa patungo sa dulo at inihanda ang aking sarili sa aking gagawin. Inihakbang ko ulit ang aking kanang paa, isang hakbang nalang at malalag na ako sa ibaba.          Bago ko tuluyang gawin ito ay napabulong ako sa aking sarili; "Masaya kaya sa kabilang buhay?" Nagulat nalamang ako ng biglang may sumagot sa aking katanungan mula sa aking likuran. 


        "Sabi ng karamihan kung sa langit ka mapupunta ay masaya raw doon. Pero para sa akin ay nakakabagot doon base sa kanilang mga ikwinento at sa aking nabasa sa mga libro. Punong puno daw ng katahimikan ang lugar na 'yon masyadong nakakabagot para sa 'kin 'yon noh." 


        Napalingon ako sa aking likuran at nakita kong nakangiti ang lalaking pakielamero. "Kung sa impyerno ka naman mapupunta ang sabi nila ay nakakatakot raw doon. Puno daw ng pasakit at kahirapan doon," nakangiting bigkas nito.


        Umihip ng malakas ang hangin, tila huminto ang panahon. Napatitig ako sa binatang nasa harapan ko, wala akong kamalay malay na sa mismong mga oras pala na ito ay mag u-umpisa na ang pinakahihintay ko.


Positive and NegativeWhere stories live. Discover now