🔥Chapter 1

7.9K 208 35
                                    

SA ISANG kaharian ng mga diwata ng apoy- ang Silvana ay masayang nagdadaos ng isang napakalaking piging ang mag-asawang hari at reyna para sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng kanilang panganay na anak, si Prinsesa Ameera sa nag-iisang anak ng pinakamataas na opisyal ng kanilang kaharian- si Argon.

Ang kaharian ng Silvana ay may dalawang uri ng nilalang na namumuno. Ang mga Diwata at ang mga Mira. Ang mga Diwata na dating mababang uri ng engkantado at siyang lahi na naghahari ngayon sa Silvana, at ang mga Mira na dating naghari na ngayon ay namumuhay ng tahimik malayo sa kaharian. Nagtatag din sila ng sarili nilang palasyo ngunit sa lupaing sakop pa rin ng Silvana. Kaunti lamang ang lahi ng mga Mira dahil sila ay ang lahing may angkin na natatanging kapangyarihan. Sa ngayon ay apat na Mira na lamang ang natitira sa Silvana.

Nagsasaya ang buong kaharian maliban kay Ameera na hindi natutuwa sa nalalapit na pag-iisang dibdib niya sa kinaiinisang diwata. Maliban sa wala siyang pag-ibig kay Argon ay hindi niya gusto ang mapagmataas na ugali nito.

“Ameera, bakit naririto ka pa sa iyong silid? Ang lahat ay nagkakasiyahan sa sentrong bulwagan at kanina pa naghihintay sa ‘yo si Argon. Mukhang inip na inip na nga iyon.”

Napaangat ng tingin si Ameera at nakita niyang papalapit sa kanyang kinauupuan ang tapat niyang dama, si Lusiya. Isa itong baguhan at kakasimula pa lamang nitong magsanay ng pakikipagdigma. Ngunit may natatanging kakayahan si Lusiya. Kaya nitong magpalit ng anyo katulad ng sa ibon.

Nararapat lamang na matuto ang lahat ng diwata sa pakikipaglaban at paggamit ng apoy bilang kapangyarihan. Kapangyarihan na dating ipinagkait sa kanila ng mga Mira.

Napabuntong-hininga si Ameera. “Wala akong ganang dumalo sa piging na iyon, Lusiya. Sapagkat hindi ko nais na maging kabiyak si Argon.”

Umupo si Lusiya sa kanyang tabi. Nag-iwan ng maliit na distansya sa pagitan nila ni Ameera. Bagamat itinuturing siyang kaibigan ni Ameera ay kumikilos pa rin siya ng naaayon para sa isang dama. Anak ng Haring Niro si Ameera at kailangan igalang niya ito bilang isang Prinsesa.

“Ano naman ang inaayawan mo kay Argon? Isa siyang matikas na diwata, magaling sa pakikipaglaban, matalino at higit sa lahat ay-”

“Napakayabang!” putol niya sa iba pang sasabihin ni Lusiya. “Kung hindi lamang magagalit sa akin ang aking ama ay tututol ako nang lantaran sa ginawa nilang pasya. Ngunit ayokong bigyan ng sama ng loob ang aking ama at ina.”

“Kung ganoon ay halika na at sumabay ka na sa akin pababa sa bulwagan. Magtataka ng labis ang mahal na hari at reyna kung hindi ka nila makikita roon. Tiyak na hahanapin ka nila sa akin.”

Isang beses pang napabuntong-hininga si Ameera. “Hindi ko alam kung paano ko matatakasan ang kasalang iyon, Lusiya.”

“Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano, Ameera. Tanggapin mo na lang si Argon na maging iyong kabiyak upang mapangalagaan niya ang ating kaharian. Sa tingin ko naman ay magiging mabuti siyang hari katulad ng iyong ama.”

“Hindi ko alam, Lusiya. Sadyang tumututol lamang ang aking loob. Hindi ko nakikita ang sarili kong makakasama si Argon sa hinaharap bilang isang kabiyak.”

“Marahil ay kinakabahan ka lamang dahil sa nalalapit ninyong pag-iisang dibdib, Mahal na Prinsesa.”

Tumayo si Ameera pagkatapos ng malalim na buntong-hininga. “Halika na, Lusiya,” yaya nito at nagpatiunang lumabas ng kanyang silid.

Pagdating nila sa sentrong bulwagan ay hindi pinansin ni Ameera ang ganda ng mga ilaw at dekorasyon. Tila ay wala siyang nakikita. Bawat masalubong niya ay binabati siya sa nalalapit niyang kasal ngunit ni hindi magawang ngumiti ni Ameera sa mga ito. Sumama lalo ang pakiramdam niya dahil hindi niya kayang tagalan ang titig ni Argon simula nang dumating siya sa bulwagan. Hindi siya nito nilalapitan ngunit tila siya sinasakal sa ginagawa nitong pagtitig.

THIRD EYE V: Eira (Hiwaga ng Pag-ibig)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz