13th Prayer

22.3K 472 58
                                    

Prologue

                Hindi naman ako paladasal. Hindi rin ako palasimba. Hindi rin ako mabait. Sa katunayan nga, binyag, Pasko, at tuwing may okasyon lang ako nakakapasok ng simbahan. Wala eh, hindi naman kasi ako relihiyoso tulad ng iba. Normal lang akong tao.

                Eiffel ang tawag nila sa akin kahit pa Irish Faith Lim ang tunay kong pangalan. Relihiyoso ang nanay at tatay ko. Sa katunayan, pareho silang officers sa aming parokya. Samantalang akong nag-iisang anak nila, hindi ganoon karelihiyosa. Sa palagay ko, tama nang magsimba ako isang beses sa isang linggo. Minsan, pilit na pilit pa ako noon. Eh kasi, hindi naman ako katulad nila Nanay at Tatay. Hindi ako mabait.

                Lagi akong nagtatago kapag niyayaya nila akong magsimba. Lagi akong nakipaghahabulan kina nanay bago ako sumama sa kanila. Kulang na nga lang ay itali nila ako para maisama nila ako sa simbahan. Sobrang pilit talaga ang pagsisimba ko.

                Noong nag-college ako, mas madalang na akong sumama kina Nanay sa simbahan. Minsan, hindi na rin ako nakapagsisimba. Syempre, nagagalit si Nanay. Hindi raw ako marunong mag-manage ng oras ko. Eh bakit naman raw sila, maraming ginagawa, pero nakakapunta pa rin ng simbahan.

                Naging matabang ang pakikitungo sa akin ni Nanay. Si Tatay naman, ayos lang. Pero, inaalala ko si Nanay. Ayokong magtampo siya sa akin habambuhay. Kaya naman, pagkatapos kong makauwi galing sa university para sa NSTP, dumiretso ako ng simbahan.

                Aba, ilang araw na nga ba akong hindi nakapunta rito? Mukhang maraming nagbago. Ibang-iba na nga ang lahat. Pati mukha ng tao, ibang-iba na rin. Halos kaunti na lang ang kakilala ko.

                “Miss, excuse me. Kilala mo ba si Father Alex?” Isang binata ang nagtanong sa akin. Nakasuot siya ng putting t-shirt at jeans. Maayos ang kanyang buhok. Maputi siya at pansin kong medyo mapula ang labi niya para sa isang lalaki.

                “Hanapin mo,” matabang kong sagot sa kanya. Bukod sa hindi ko siya kilala, hindi rin ako pinalaking nakikipag-usap sa mga lalaki. Medyo boyish kasi ako. Basta, hindi ko ginustong makipag-usap sa kanila.

                “Ang layo naman ng sagot nito. Sige, salamat na lang.”

                Napakunot ang noo ko sa naging sagot sa akin ng lalaki. Kahit pa medyo katangkaran siya, hinding-hindi ko hahayaan na bastusin niya ako. Aba, subukan niya lang. Kilala kaya dito ang nanay at tatay ko. Lagot siya.

                “EIFFFEEELLL!” Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses. Nakita ko kaagad si nanay. May hawak na naman siyang mga papeles. Mukhang marami na naman inaasikaso sa simbahan. Patakbo siyang pumunta sa akin. “Ikaw bata ka. Ayusin mo nga ang pagsagot kay Brother Jem!” At hinawakan ni nanay ang tenga ko.

                “Nay! Grabeng pamamahiya naman ‘yan!” Pinigilan ko si nanay sa pagpingot sa tenga ko. 17 years old na ako at hindi na dapat ako tinatrato na parang batang anytime ay pwedeng pingutin.

                “Nay. Ayos naman po ang sagot niya sa akin. Hehe,” sa pagsagot niya, pakiramdam ko tuloy magkakilala na sila ni Nanay nang napakatagal. Napansin kong may kwintas nga siyang krus na nakasuot sa kanya.

                “Pasensya ka na sa anak ko. Sutil lang talaga. Ni-first communion nga, wala pa eh. Nakakahiya talaga. Pasensya ka na,” pagpapaumanhin ni Nanay sa brother na ‘yon. Seryoso? Ganito na ba siya nahihiya sa akin.

                “Eh nay, kung gusto niyo po, isali niyo na lang siya sa adult catechesis namin this Sunday para makapag-communion na siya? Teens po ang tuturuan ko, every Sunday. 8:00am.”

                “Oh, ano, Eiffel? Narinig mo ba? Sa Linggo! Alas-otso. Siguraduhin mong pumunta ka.” Halos sigawan na ako ni nanay sa sobrang pamamahiya. Ganito na ba ako kasama?

                Umalis si nanay nang may isang madre ang tumawag sa kanya. Naiwan naman akong nag-aayos ng buhok sa harapan ng Jem na ‘yon. Basta. Dapat sana hindi na lang ako pumunta ng simbahan.

                “Eiffel, Brother Jem  nga pala,” pakilala niya sa akin. Inilahad niya ang kanyang kamay na parang hinihintay na kamayan ko siya. Well, asa pa siya.

                “Brother Jem-in mo mukha mo. Eiffel pangalan ko. Pero ‘wag mong asahang papasok ako sa Sunday school kasama mo.” Inirapan ko siya. Pero mas nagulat ako sa naging sagot niya.

                Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko at sapilitang nakipagkamay. Teka, tama pa ba ‘to?

                “Sabi ng nanay mo, a-attend ka ng Sunday School. Ibig sabihin, simula bukas, Sunday, responsibilidad na kita. Kuha mo?”

                Hindi na ako nakasagot ng titigan niya na ako ng isang napakaseryosong tingin.

13th Prayer - Published by St Paul's PublicationsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon