CHAPTER NINE

5.8K 128 12
                                    


HALOS hatinggabi nang mag-takeoff ang Turkish Airline na maghahatid kina Vaughn Eric at Patricia sa Roma. Nasa Business Class ng nasabing flight ang dalawa at syempre pang magkatabi ang kanilang mga upuan.

Ang alam ni Patricia ay halos labing-limang oras silang maglalakbay patungong Roma. Sa totoo lang kinakabahan siya sa mahabang byahe. Dalawang beses pa lamang siyang nakakalabas ng bansa. Una sa China at sumunod naman sa Singapore. Lahat ng iyon ay para sa kanyang pictorials para sa Distilleria Lauchengco.

Siyampre pang ang mga gayong sadya ang ipinaalam niyang dahilan sa pamilya dahil ayon sa dalaga, mas komprehensibo at hindi magdudulot ng mga isipin lalo na sa nagpapalakas niyang ina. Pero alam ni Camille ang kanyang lakad, at muli, naging maunawain ang kanyang kaibigan. Wika nga ni Camille, tamang-tama dahil bukod sa malilibang niya ang sarili kaugnay ng paghihiwalay nila ni Paolo, mabibigyan din umano niya ng pagkakataon ang sarili na matukoy ang totoong nararamdaman niya para kay Vaughn Eric.

Parehong naka-reclined ang kanilang upuan, at mula sa pagkakahilig ay napabaling ang paningin ni Patricia kay Vaughn. Patay ang lahat ng ilaw mula sa passengers' cabin, maliban sa malamlam na liwanag na nakasindi sa mga aisle na nagbibigay-giya sa mga pasahero kung magtutungo sa palikuran.

Tulog na tulog sa kanyang tabi ang lalaki, bahagya pang nakanganga. Kung may kapangyarihan lamang si Patricia na biyakin ang dibdib nito at alamin ang nilalaman ng puso ay maaring kanina pa niya ginawa.

For the past few weeks he has given her so much trouble. Nagkaroon ng maraming komplikasyon ang kanyang buhay dahil sa panghihimasok ng lalaking ito. Ewan ni Patricia kung pati ang kanyang katinuan ay lubos nang napakialaman ni Vaughn. O baka pati na rin ang pintig ng kanyang puso?

Maluwat niyang pinagmasdan ang lalaki. Hanggang sa maramdaman niya ang kalugdan at gusto niyang haplusin ang mukha ng binata.

"H-hindi ka ba inaantok?"

Siyempre pang gulat na gulat si Patricia. Bagaman mahina at halos pabulong ang tinig ng lalaki'y mistula siyang sinabugan ng isang bomba.

"Ginulat mo naman ako," aniya. "Hindi ako makatulog."

Tuluyan nang nagdilat ng mga mata si Vaughn. "Bakit?"

"Hindi ko alam – baka nerbiyos."

Kinuha ng lalaki ang kanyang kamay. Mariing pinisil. "Sige na, try to get some sleep."

Nagtuwid ng higa si Patricia. Sinubukan niyang bawiin ang kanyang kamay pero hindi iyon pinahintulutan ni Vaughn. Nakatulog siyang magkadaop ang kanilang mga palad. Naalimpungatan nang tumunog ang warning buzzer mula sa kanilang ulunan. Si Vaughn ay nagising din.

"Ladies and gentlemen please straighten your chairs and fasten your setbelts – in preparation for landing."

"Rome na?" naitanong ni Patricia. Nakita niyang itinaas ni Vaughn ang bintana ng eroplano. "Gabi pa rin? Bakit 'antagal ng gabi?" sunud-sunod ang tanong ni Patricia.

"Istanbul lang 'to, Trish," sagot ng binata. "And we're at the other side of the world kaya gabi pa rin dito."

Nang humimpil sa tarmac ng paliparan ang eroplano ay sinabi ng piloto na may isang oras silang mananatili upang bigyan ng daan ang mga pababa at paakyat na pasahero.

Ipinasya nina Vaughn Eric at Patricia na bumaba. Sa bungad pa lamang ng pinto ng eroplano ay halos mangatal na sa lamig ang dalaga. Inakbayan siya ni Vaughn Eric patungo sa loob ng airport ng Istanbul, partikular sa loob ng isang coffee shop.

Umuusok na Capuccino ang kinuha ni Vaughn Eric para sa kanilang dalawa. Sumimsim agad si Patricia. Halos hindi niya maramdaman ang init. "Mamamatay ako dito, Vaughn," aniya.

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon