Nararamdaman ko na ang paghapdi ng mata ko, kasabay ng unti unting paglalim ng gabi. Alas dose na pala. Eto na. Matapos ang dalawang linggo. Dalawang linggong pagpakalma at pagpigil sa nararamdan ko. Muli ko nanamang lulunukin at isusugal ang pride at kapal ng muka ko.
Haaaay. Buntong hininga ko.
Dinampot ko ang aking cellphone sa ulunan ng kinakahigaan ko. Hininaan ko sa pinakasagad na brightness para hindi makatawag pansin sa natutulog kong kapatid. Pinindot ko ang message icon, at sinimulang magtipa. Sa bawat pagtipa ko, ay ang pamumuo rin ng luhang akala ko ay iniwan na ko. Kinapa ko ang bawat salitang ikinikirot ng dibdib ko. Hindi ko alam kung gaano kahaba ang kalalabasan ng mensahe ko na to. Ang mahalaga sa huling pagkakataon, mailalabas ko ang mga salitang nagbabaon sakin sa malalim na sakit at lungkot kasabay ng maliit na pagasang sana ay maibsan na.
Typing.....
Naawa ako sa sarili ko pagkatapos kong makita ang pitong mahahabang mensaheng naipadala ko at maramdaman ang basa at namamaga kong mata. Nararamdaman ko din ang pangangalay ng aking panga tanda ng matagal na pagpigil sa aking mga hikbi maging ang panunuyo ng aking lalamunan.
Sumugal nanaman ako sa kawalang kasiguraduhan. Sa pangyayari na malinaw na kung anong kalalabasan. Muling lumalaban sa pwersang alam kong kahit kailan wala kong laban dahil itutulak at itutulak ako palayo. Bumibilis ang tibok ng puso ko kasabay ng pagtulo nanaman ng luhang kahit kailan hindi ko inakalang kakayaning ilabas ng aking mata.
🎶🎶🎶
