Gemini Chapter 7

Magsimula sa umpisa
                                    

Sinungaling,” biro ni Kevin. “Saan ka natatakot? Ang mawala ako o maranasan mo ang nararanasan ko ngayon?”

Namayani ang nakabibinging katahimikan, at ang pagdaloy ng mga luha ay hindi na napigilan. Masyado nang mabigat para kay Ricky ang lahat para kimkimin pa.

“Pareho,” sagot niya.

Sa pagkakataong iyon, naramdaman ni Kevin ang sakit na nararamdaman ng kanyang kaibigan. Kahit nahihirapan, pinilit nitong yakapin si Ricky at hayaan itong umiyak sa kanyang balikat.

Ganoon nga ang piniling gawin ng bata. Inilabas niya ang lahat ng nararamdaman – ang lahat ng takot, ang lahat ng bagay na walang kasiguraduhan.

Marahang tinapik ng nakatatanda ang likod ni Ricky. “Mas matapang ka kesa dito,” bulong ni Kevin.

Bumitiw sa pagkakayakap ang bata sa kanyang kuya at pinunasan ang mga luha sa kanyang mga pisngi. “Anong ibig mong sabihin?”

Sumandal si Kevin sa kanyang silya at huminga ng malalim, kahit may kahirapan na ito. Tumingin siya sa malayo at nagsalita.

“Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging malakas, Ricky. Iba ka kesa sa kung sino ka sa mga sandaling ito. Mas malakas ka dahil alam mo kung paano hanapin ang saya kahit sa mga pinakasimpleng bagay. Wag mong sayangin ang kakayanan mong iyon.”

Sa pakikinig sa mga salitang iyon ni Kevin, gumaan ang pakiramdam ni Ricky. Hindi man maipaliwanag kung paano, unti-unti niyang nararamdaman ang pagkapawi ng takot at pag-aalala. Sa mga simpleng salitang iyon, napaalalahanan siya ng mga bagay na mahalaga.

“Hindi ko sasayangin iyon,” sagot niya.

Alam ni Ricky na hindi magiging madali ang lahat ngunit kailangan niyang maging matatag. Dahil iyon siya. Dahil iyon ang dapat niyang maging.

Umupo siya sa buhangin, katabi ng kanyang kuya – idinantay ang ulo sa silya; nang biglang magtanong muli si Kevin.

“Natatandaan mo pa ba 'yung sinabi mo tungkol sa mga taong nagiging bituin kapag namamatay sila?”

Muling nanumbalik ang takot pero pinilit itong labanan ni Ricky. Sa katahimikan, pinili niya na lamang na tumango.

Muli, itinaas ni Kevin ang kanyang kamay at itinuro ang pinakamaningning na bituin sa kalangitan.

“Iyon ang Sirius.”

Nanginginig ang mga labi, muling tumango si Ricky. “Alam ko,bulong niya. Wala siyang ideya kung anong nais sabihin ng kanyang kaibigan, pero isa lang ang sigurado – alam niyang hindi magiging madali ang mga susunod na minute para sa kanila.

Nakaturo pa rin sa maliwanag na bituin, nagpatuloy ang mabagal at mahinang pagsasalita ni Kevin.

“Gusto ko sanang maging Gemini, pero sa ngayon, magiging ako muna ang bituing ito,”sabi niya habang nakatitig pa rin sa Sirius.

Biglang tumulo ang luha nang maintindihan ni Ricky ang lahat. Dumating na nga yata ang oras na kinatatakutan niya; at hindi niya mapigilan ang sarili sa pag-iyak. Lahat ng uri ng emosyon ay nagsama-sama upang maramdaman niya. Takot, pangamba, lungkot at kahit paano, ligaya.

Oo, mahirap paniwalaan pero sa gitna ng lahat ng sakit ay nakatagpo siya ng saya. Sa piling ng pamilyang sumuporta sa kanya sa simula pa lamang, sa piling ng mga taong nagparamdam ng pang-unawa sa kanyang pinagdadaanan, at sa piling ng isang kaibigang nakibahagi sa lahat ng kanyang paghihirap.

At sa gitna ng takot at sakit, lubos niyang ipinagpapasalamat iyon.

“Ikaw talaga dapat ang bituin na 'yan,” wika ni Ricky, habang hawak ang isang kamay ng kanyang kuya.

Mahirap. Mahirap na mahirap. Pero kahit paano, mas gumagaan na.

Muling naghari ang katahimikan at naramdaman ni Kevin ang nalalapit na katapusan. Patuloy niyang pinagmasdan ang ganda ng bituing Sirius.habang tila inaabot ito sa kanyang palad.

Siya man ay natatakot. Siya man ay patuloy pa ring nananalangin na bigyan pa siya ng kahit kaunting panahon para magpatuloy. Nais niya pang gumawa ng pagbabago sa mundo. Nais niya pang damhin ang pagmamahal ng mga tao. Nais niya pang ibalik ang mga pagkakataong pinilit niyang itapon.

Nais niya pang mabigyan ng pangalawang pagkakataon.

Pero siguro, hindi na dapat.

Sa pagmamasid niya kay Ricky, naisip niyang may isang tao pa rin namang maaaring gumawa ng mga iyon para sa kanya. May isang tao pa rin namang pwedeng magpatuloy ng kanyang laban. May isang taong maaaring gumawa ng mga bagay na hindi na niya makakayang gampanan.

May isang taong maaaring magpatuloy ng buhay na kanyang iiwanan.

“Hintayin mo lang ako,”

Tila ang oras ay huminto nang marinig ni Kevin ang boses ni Ricky. Nangilid ang mga luha subalit walang pumatak. Bagkus, dumatal ang paggaan ng pakiramdam.

“Magiging Gemini tayo.”

Inukit ng isang pangako ng kanilang pagkakaibigan. Ang mga ala-ala ay isa-isang bumalik sa ganyang gunita at ipinagpapasalamat niya iyon. Dahil kahit wala na siyang pagkakataon, ang mahalaga ay naranasan niyang mabuhay.

Salamat, ito ang kanyang bulong.

At kasabay ng pagdatal ng malambing na katahimikan ay ang unti-unting pagkapawi ng lahat ng sakit. At bago pa man matapos ang lahat, isang mahalagang bagay ginawa ni Kevin. Isang bagay na akala niya ay hindi na maaaring mangyari.

Kasabay ng dahan-dahang pagpikit ng kanyang mga mata, at pagsipol ng tahimik na dagat….

Ngumiti siya.

GeminiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon