May dumaan na matandang lalaki at nakita ang dalawa. Tumigil siya sa kanilang harapan.

"Opo, alam niyo po ba kung saan siya nagpunta?" Tanong ni Tammy.

"Wala naman siyang sinabi kung saan siya lumipat. Bigla na lang siyang nag-alsa balutan at umalis ng walang paalam," sagot ng matandang lalaki sa kanila.

"Wala po ba kayong napapansing kakaiba sa kanya?" Tanong ni Ilyong.

"Aba, ang laki ng kanyang pinagbago mula nang mawala ang kapatid niya. Palagi siyang bumibili ng alak sa malapit na tindahan. Iyon lang ang panahong nakikita ko siyang lumalabas ng bahay. Kapag gabi ay may naririnig akong tumatawa. Hindi ko maikakailang siya nga iyon. Mukhang nasisiraan na ng bait si Julian. Kawawang nilalang." Napailing na lamang ang matanda.

"Ah, ganoon po ba..." Mukhang nagtutugma-tugma ang mga naiisip ni Tammy.

"Sayang ang bahay na iyan. Di man lang niya sinabi kung gusto niyang ibenta o rentahan, kaya sinarado na lang namin. Kung siya ay nais niyong hanapin, huwag niyo nang gawin pa," paalala sa kanila ng matanda.

Lumakad ito papalayo at iniwan sila Tammy at Emilio.

"Saan natin siya hahagilapin?" Pag-aalala ni Tammy.

Malalim na nag-iisip si Emilio. Ito ang naging sagot niya kay Tammy:

"Kailangan nating magpunta sa kasal kung gusto nating mahuli si Julian."

"Sasabay tayo kay Senyora Simang?"

"Hindi. Tayo ang pupunta doon nang hindi nalalaman ni Senyora."

---

Sa tahanan ng mga De Izquierdo, tahimik na inayusan si Señorita Almira. Nakabihis na siya ng kanyang traje de boda na may puting blusa at panuelo. Kulay puti rin ang kanyang saya at may mga nakaburda dito na mga munting bulaklak.

Sinabihan niya ang kanyang mama na iwan muna siya sa kwarto. Susunod din siya pagkatapos. Kailangan lang niya ng oras para mag-isa.

Buti na lang at sumunod ang ina sa kanyang bilin.

Nakatitig si Almira sa salamin. Di niya maikaila ang kagandahang nakikita sa sarili, ngunit ang kanyang mga mata ay balot ng kalungkutan.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nakatakas ng bahay si Almira bago ang araw na ito. Pinuntahan niya ang lugar kung saan nakatira si Julian. Ngunit di na niya nadatnan ito. Gusto lang niyang malaman kung natanggap ba ni Julian ang kanyang liham, na pinadala niya sa kanilang kasambahay.

Julian Mi Amor,

Ako sana'y patawarin sa mga naganap kamakailan. Pinapahatid ko ang pakikiramay sa iyong yumaong kapatid. Nawa'y gabayan ka ng Panginoon sa pagsubok na ito.

Sana ay maunawaan mo na hindi ko na kaya pang makipagrelasyon sa iyo. Wala akong magagawa kundi sundin ang nais ng aking mga magulang. Nagpapasalamat ako at minsan kang naging bahagi ng aking buhay.

The SenoritaWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu