Gospel Reflection - Bigger Picture

9 0 0
                                    

Ano daw! Ito siguro ang reaksyon ng marami sa atin sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo.

Malamang na mapataas ang kilay natin sa unang linya pa lang. Para kasing taliwas ito sa tila totoong nangyayari ngayon sa ating mundo. Malamang na taliwas din ito sa ating mga natutunan sa maraming mga masasamang karanasang napagdaanan natin.

Isinisigaw sa atin ng mundong "Mahirap maging mahirap. Malas mo na lang kapag isinilang kang mahirap. Mapalad ka kung mayaman ka at sikat ka at makapangyarihan ka. Kapag nasa iyo ang tatlong K - kayamanan, kapangyarihan at katanyagan - kaya mong bayaran at impluwensyahan ang lahat."

Kung iisipin nga, para sa iba, ang mga panukala ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong linggo'y isang malaking kabaliwan. Walang katotohanan. Isang malaking kasinungalingan. 

Ito ang tingin ng materyal na mundo. Ito ang short-term naimpression. Ito ang smaller picture.

Ang buhay natin sa mundong ito'y tila pang-itaas na bahagi (tip) lamang ng isang iceberg. Ang kabuuan nito'y hindi natin nakikita dahil nakalubog sa tubig ng dagat. Maiksi lang ang buhay natin sa mundo. Kung ito lang ang ikokonsidera natin (ang tip ng iceberg), maaaring mali nga si Hesus. Subalit kung iisipin natin ang buhay na walang hanggang inaalok sa atin ng Diyos (ang nakatagong bahagi ngiceberg), mapagtatanto nating tama ang ating Panginoon.

Marami ang sumandal at umasa sa kanilang salapi, katanyagan at kapangyarihan. Marami sa kanila ang hindi nailigtas ng kanilang tatlong K. Nakulong. Naratay sa banig ng karamdaman. Ang iba'y namatay nang ganu'n-gano'n lang. Dahil ang inasahan nila'y kumukupas, nasisira at nawawala.

Hinihimok tayo ni Hesus na umasa sa Diyos. Siya lamang ang tunay nating maaasahan. Ang pag-ibig Niya'y hindi nagbabago. Hindi nagwawakas. 

Ikaw, sino ang inaasahan mo sa buhay mo? Aasa ka ba sa mga bagay na lumilipas? O sa Diyos na kasama natin noon, ngayon at magpasawalang-hanggan? Ito ang bigger picture ng buhay natin hanggang sa buhay na walang hanggan.  

( Ito ay mula sa Katolikong blog na Sa Isa Pang Sulyap - http://saisapangsulyap.blogspot.com )

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon - 29 Enero 2017Where stories live. Discover now