X. Ang Tunay Na Kagustuhan

118 7 0
                                    

"Crissa, gumising ka na!" Niyugyog ni Prinsipe Josh ang kaniyang katawan. Ayaw pa niya sanang imulat ang mata dahil sa sakit ng kaniyang mga sugat at pasa, ngunit nabahala siya sa mga kakaibang naririnig maliban sa boses ng prinsipe. "Mamamatay na tayo."

"H-Huh?" At nang imulat ang mata, sumalubong sa kaniya ang mga halimaw na handa na silang kainin. Katulad ng mga halimaw na sumalakay sa Barrio Mayipahi ang naghihintay sa prinsipe na gumalaw. Nanlilisik ang mga mata nito at nababalot ang kanilang katawan ng tuyong dahon at mga pira-pirasong plastik. Ang masangsang na amoy na inilalabas ng kanilang bibig ay pumaikot sa buong silid.

Napakunot siya ng kilay at nagtaka sa sitwasyon. "A-Anong nangyayari?"

"Nililigtas kita, ano pa ba?" Hawak nito ang kristal na espada sa kanang kamay. Isa ring pinagtataka niya ay kung bakit wala na naman itong suot na pang-itaas. "Silang lahat ang bantay mo. Mukhang nahuli nila ako sa pagpasok," anito.

"So anong gagawin natin?" pabulong niyang tanong. Sumiklab ang espada nito at pumalibot ang apoy na ahas. Ngumisi ito bago tumalikod.

"Ano pa ba? E 'di, lalabanan," ang huling sinabi nito bago sumugod sa dagat ng mga halimaw. Nanlaki ang mga mata niya. Hala, anong gagawin ko rito?

Isang boses ang kaniyang narinig sa di kalayuan. Nandito lang ako, Crissa, ang sabi nito.

Nilibot niya ang buong silid kung nasaan nanggaling ang boses, ngunit siya lamang at si Josh ang tanging tao na nakakapagsalita sa loob na alam niya. "Sino ka?" tanong niya.

Ako ang iyong Gabay, Crissa, sagot nito. Biglang may kumislap sa kaniyang kaliwa. Nang lumingon ay sinalubong siya ng iba't ibang kulay ng liwanag na nagmula sa isang maliit na bato sa kaniyang palasingsingan. Oras na upang gamitin mo ako nang naayon sa totoong kagustuhan mo.

Ang ipinagtataka niya ay kung bakit may hawig sa boses ng kasintahan ito.

Paano? usisa niya. Napasigaw siya nang may isang halimaw na lumusot sa likuran ni Prinsipe Josh at marahas na binalibang ang katawan nito. Nabitawan ng prinsipe ang hawak na espada at pinaliguan ng lason na plema ng isang halimaw, kaya't natunaw ito pati na rin ang lupang kinalalagyan nito.

"Josh!" babala niya sa lalaki. Tumalikod ito at binigyan siya ng isang busilak na ngiti.

"A-Ayos lang ako," pagkukunyari nito. Pagkasabi nito ay sumuka ito ng dugo.

Kahit na masakit ang kaniyang katawan ay nagpumilit siyang pumiglas mula sa mga posas sa kaniyang pulsuhan. Pero, ramdam niya na nadagdagan ang mga sugat at pasa kumpara sa dati niyang naaalala. Bakas sa kaniyang kasuotan ang mga hiwa mula sa latigo ni Julianda.

Crissa, ano ang tunay mong kagustuhan? tanong ng misteryosong boses. Napapikit si Crissa.

"Iligtas mo si Josh!" hiling niya, ngunit hindi ito ang winika ng kaniyang bibig. Hindi niya alam kung saang lenggwahe niya napulot ang mga salita. Muling lumiwanag ang bato sa kaniyang palasingsingan. Tumaas ang liwanag sa kaniyang uluhan. Nakita niya ang sariling anino nang tumingin sa ibaba dahil sa pagkasilaw.

Hihiramin ko muna ang iyong anino, bilang kapalit, pagpapaalam nito. Nagitla siya nang gumalaw ang kaniyang anino at kumaway sa kaniya. Lumapit ang liwanag sa ulo nito at unti-unting tumayo.

Kasingtangkad niya ang kaniyang anino, pero ang nagsisilbing ulo nito ang nakakasilaw na liwanag na napapaligiran ng iba't ibang kulay. Nang tumitig siya rito ay ni hindi man lang sumakit ang kaniyang mga mata. Bagkus ay nasilayan pa niya ang ngiti nito--isang ngiti na alam na alam niya simula pagkabata.

Ang Paghahanap Sa Nawawalang LiwanagWhere stories live. Discover now