Chapter Nineteen: Pag-ikot Ng Gulong Ng Tadhana

Start from the beginning
                                    

Manghang napalingon ulit ako sa kaniya at akmang sasagot pero may bumara sa lalamunan ko nang makita ko siya. Nakatalikod na siya sa akin at palusong na sa tubig. Natutok ang tingin ko sa exposed niyang likod. Marami siyang pilat, malalaki at para bang dating malalalim na sugat. Ngayon ko napansin na mayroon din siyang pilat sa mga braso at mga balikat. Para bang ang buhay niya puro pakikipagbuno sa kung sino-sino. O hindi kaya pisikal siyang naabuso noon? Tinorture?

Sa lahat ng mga pilat, tumatak sa akin ang malaking mapa sa likod niya hanggang batok. Nalapnos na balat na may palagay akong nakuha niya sa isang sunog.

Nakagat ko ang ibabang labi ko at parang may kumurot sa puso ko. Kahit na magaspang si Zion, palagi akong pinagbabantaan at dinala ako sa gubat na 'yon, hindi ko pa rin gusto ang nakikinita kong pinagmulan ng mga sugat niya. Lumublob na siya nang tuluyan sa tubig at napakurap ako. Mabilis kong iniwas ang tingin sa kaniya.

SUMALAMPAK ako ng upo sa ilalim ng puno kung saan niya ibinaba ang bag. Nasa kabilang dulo na si Zion, lumalangoy pa rin. Napasulyap ako sa bag dahil naalala ko ang cellphone na ginamit niya kanina nang may tumawag sa kaniya. Tumalon ang puso ko sa posibilidad na matatawagan ko si mama. Pero paano ko sasabihin kung nasaan ako? Kapag sinabi kong nasa magubat na bundok ako, Tala pa lang napapalibutan na ng kabundukan.

Wait. Paano kung nasa Tala lang kami all this time? Napaderetso ako ng upo at may nabuhay na pag-asa sa dibdib ko. "At least, kailangan malaman ni mama na ligtas ako," bulong ko at sumulyap ulit kay Zion. Pabalik na ang langoy niya. Deretso sa batuhan at umahon. Natigilan ako at nahigit ko ang hininga. Ang bilis lang niya naglublob sa tubig. Habang naglalakad palapit sa akin hinawi niya ang basang buhok na tumabing sa mukha niya. Saka ako deretsong tiningnan. May intensidad sa mga mata niya na para bang alam niya kung ano ang iniisip kong gawin.

Napalunok tuloy ako nang makalapit na siya sa puno at sandaling tumayo lang sa harapan ko, basang-basa ang buong katawan.

"B-bakit?" kabadong tanong ko at napasiksik sa katawan ng puno. Masyado siyang malapit. Naiilang at natataranta ako dahil wala siyang suot na pang-itaas. Yumuko siya at sumikdo ang puso ko nang dumukwang siya sa akin – pero agad ko ring narealize na ginawa niya 'yon dahil may pinulot siya mula sa likuran ko. Nang dumeretso ulit siya ng tayo hawak na niya ang maliit na tuwalya na napansin ko ngang naroon kanina. Umatras siya palayo at tumalikod sa akin habang nagpupunas. Nakita ko na naman tuloy ang mga pilat niya.

"Saan mo nakuha ang mga naging sugat mo?" hindi nakatiis na tanong ko.

Natigilan siya at napatingin sa akin. "Hindi mo gugustuhing malaman. Hindi para sa isang katulad mong lumaki sa isang ligtas at tahimik na lugar ang detalye ng buhay ko kaya 'wag ka na magtanong."

"Huwag mo ako maliitin," sagot ko.

Umangat ang gilid ng mga labi niya sa isang nang-uuyam at sarkastikong ngiti. "Ako? Minamaliit ka? Hindi ko tatangkain. Isa kang importanteng pain para sa amin. At isa ka ring importanteng kasangkapan para sa mga Alpuerto. Poprotektahan ka nila, gagawin ang lahat para maging maayos ang buhay mo na hindi mo kailangan maghirap. Hindi ka nila sasaktan o hahayaang may makapanakit sa iyo. Hindi ka nila ipagkakanulo at hahayaang magdusa. Lahat ng 'yon gagawin nila dahil lang pinanganak ka sa tamang sandali. Bakit kita mamaliitin?"

Dumeretso ako ng upo at pilit kinontrol ang sakit na naramdaman ko sa sinabi niya. Ayoko man na-offend ako sa mga sinabi niya. Pinili ko ba na maging moon bride? Hindi naman ah. Pero kahit ganoon nakapagdesisyon na ako na harapin ang mga darating na pagsubok o pangyayari sa buhay ko bilang isang moon bride. Ayokong takbuhan ang tadhana ko pero hindi rin naman ibig sabihin 'non magpapadala na lang ako sa agos.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Where stories live. Discover now