Chapter Two: Ang Lalaking Misteryoso

14K 491 38
                                    

-Ayesha-

PAGKATAPOS ng klase nagpaalam na si sir Angus sa amin. Bumaling siya sa akin para ibilin ang test papers. "Hihintayin kita, Miss Querol," nakangiti pang sabi niya bago tuluyang lumabas ng classroom.

Nakatayo na ako sa tabi ng teacher's table habang hinihintay makapagpasa ang lahat ng estudyante. Muntik na akong humakbang palapit sa kaniya at pigilan siyang lumabas ng classroom. Dahil alam ko na ang mangyayari oras na umalis si Sir Angus. At nang tuluyan siyang mawala mabilis na hinablot ko ang mga test paper sa lamesa bago pa iyon makuha ng ilang estudyanteng malapit sa kaniya.

"Ako na ang magdadala niyan, Ayesha," sabi ng isa.

"Hindi, ako na," giit naman ng isa.

Humigpit ang yakap ko sa test papers. "Pero magkakaroon ako ng point deduction," angal ko. Lumampas ang tingin ko sa mga babae nang mapansin ko na sumesenyas sa akin si Raye. Bitbit na niya ang bag ko. Nakuha ko agad ang gusto niyang sabihin. Tumango ako. Pagkatapos nginitian ko ang mga kaklase kong nagboboluntaryong dalhin ang test papers. "Okay, goodbye." Iyon lang at tumakbo na ako palabas ng classroom. Hindi sila nakasunod sa akin dahil nang lumingon ako nakita kong hinarang sila ni Raye. Parang may sinabing kung ano ang kaibigan ko bago mukhang nakalma naman kahit papaano ang mga kaklase namin.

Maya-maya pa sumunod na sa akin si Raye. "Anong sinabi mo sa kanila at tumigil sila?" takang tanong ko.

Nagkibit balikat ang babae. "Sinabi ko lang sa kanila na wala ka namang interes kay sir Angus kaya wala silang dapat ipag-alala. Mas patas kung ikaw ang makakasolo kay sir dahil sigurado na wala kang hidden motive. Kaya hindi ka na nila kukulitin."

Nakahinga ako ng maluwag at ngumiti. Mabuti naman kung ganoon.

Kinuha ko ang bago ko kay Raye at isinukbit iyon sa balikat ko. Pagkatapos inayos ko ang mga test paper na kipkip ko sa mga braso ko.

"Pero bakit ba kasi titig na titig ka kay sir Angus kanina?" takang tanong ni Raye.

Napabuntong hininga ako at napalis ang ngiti. "Sa tingin ko kasi weird siya."

Umangat ang kilay ng kaibigan ko. "Weird?" parang na-offend pang tanong niya.

"Okay. Misteryoso," pagtatama ko. "Puno siya ng misteryo. Unang misteryo: Ano ang tunay na dahilan kung bakit nagtuturo siya sa school natin? Karamihan sa mga professor at staff ng College natin mga tubong taga Tala at kalapit bayan. Siya, ngayong semester lang siya naging professor dito, hindi ba? At bagong lipat lang siya sa atin. Sa tingin ko may something weird sa pananatili niya sa lugar natin," paliwanag ko.

Kumunot ang noo ni Raye. Hindi ko lang alam kung napapaisip din siya o sa akin siya na-we-weirdohan. "Alam mo, Ayesha, may point ka. Saka kahit palaging nakangiti si sir Angus at palakaibigan sa lahat, kapag may nagtanong sa kaniya ng personal na tanong umiiwas siya. Kaya bukod sa pangalan niya at sa mga itinuturo niyang subjects, wala na kaming mahitang impormasyon sa kaniya."

"See? Iyan ang sinasabi ko. Iyon ang iniisip ko sa tuwing nakikita ko siya," sabi ko at tumango-tango.

"At iyon ang gusto mong alamin? Ang sagot sa misteryo ni sir Angus?" tanong sa akin ni Raye.

"Hindi ko naman sinabi na aalamin ko." Dahil iyon ang totoo. Inoobserbahan ko lang si sir Angus pero wala naman akong plano na talagang halukayin ang buhay niya. Mahirap na baka mapasubo ako. Isa pa, paano kung may malalim siyang dahilan kaya niya tinatago ang personal niyang impormasyon?

Napasinghap ako nang biglang ipatong ni Raye ang dalawang mga kamay sa magkabilang balikat ko. "Alamin mo. Tapos sabihin mo sa akin lahat ng malalaman mo. Alamin mo kung may girlfriend siya at kung ano ang tipo niya sa babae," sabi pa ni Raye at tinapik-tapik ang mga balikat ko habang nagsasalita.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon