Nakita ko na rin siya sa wakas! Kanina pa siya hinahanap ng aking mga mata sa gitna ng magarbong salo-salo pero ngayon ko lang napagtanto na ang magandang dilag sa dance floor na iniiwasan kong tingnan ay walang iba kundi siya. Bahagya akong natulala dahil mas nakaaangat ang kagandahan niya ngayon. Hindi dahil sa unat na unat ang kanyang buhok o sa magandang pagkakaayos ng kolorete sa kanyang mukha at sa kanyang magandang kasuotan. Nakita ko na siyang mag-ayos ng ganito noon, ang lalong nagpaningning sa kanya ay ang napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi na hindi mabura-bura sa kanyang mukha at ang kakaibang kinang sa kanyang mga mata.
Nakakamangha, pero kasabay noon ang realisasyong nasa bisig siya ng iba at ang kanyang ngiti at masarap na pagtingin ay nakalaan sa iba. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito, magkahalo itong pait, selos, panliliit atbp. Tila ba unti-unting nadudurog ang puso ko. Matagal na akong may nararamdaman sa kanya pero kinailangan ko pang masaktan ng ganito para malaman na ang aking nadarama para sa kanya ay pag-ibig na pala.
Umalis ako sa aking kinatatayuan dahil napakasakit na nilang panuorin. Tumungo ako sa eksit ng bulwagan.
"Jake! Saan ka pupunta?", pasigaw na tanong ni Benjie, ang aking matalik na kaibigan, nang papalayo na ako.
Dumiretso lang ako palabas na parang walang narinig, gusto ko munang mapag-isa.
Saka lang ako nagpawala ng malalim na buntong hininga nang nasa labas na ako ng hotel. Nagdesisyon akong maglakad pauwi habang malamig ang simoy ng hangin.
Isang yuping lata ng softdrinks ang bumungad sa akin nang lumiko ako sa may kanto, sinipa ko ito papalayo at tila ba sa isang gatilyo, biglang sumagi sa utak ko ang kauna-unahang alaala niya na tumatak sa isipan ko.
Nakikipaglaro ako noon ng tumbang preso nang makaapak ako ng tae ng aso.Nagtawanan ang aking mga kalaro dahil pangalawang beses na itong nangyari noong araw na iyon. Naiyak ako sa kanilang pangugutya at doon niya ako nilapitan. Tatawa rin ito katulad ng iba pero sinamahan niya akong pumunta sa may poso upang mahugasan ang aking paa.
Napapangisi pa rin siya sa inis ko, habang ipinapasuot sa akin ang aking tsinelas na kinuha niya mula sa aking mga kalaro kaya sinuntok ko siya sa kanyang likod. Dinig ko pa ang dagundong nang paglapat ng aking kamao sa kanyang likuran.
"Aray! Bakit?!", aniya.
Agad akong nakonsensiya at nahiya sa aking ginawa at parang sa isang duwag lang ay tumakbo akong pauwi.
Kasunod ng insidente, ilang beses kong gustong humingi ng tawad sa kanya pero hindi ko na ito nagawa dahil mukhang hindi naman niya ininda ang pangyayari.
Kilala ko lang siya noon bilang nakatatandang kapatid ng isa sa aking mga kalaro pero magmula noo'y hindi na siya naging simpleng kapitbahay at kaeskwela lamang.
Hindi ko pa siya mahal noon pero naging isa na siya sa paborito kong tao sa buong mundo, pareho sila ni Benjie, ang kanyang nakababatang kapatid at naglaon ay aking naging matalik na kaibigan. Sila yung tipo ng taong masarap kausap at kasama kahit anumang okasyon.
"Beep!Beep!"
Natigilan ako sa paglalakad nang biglang may humintong sasakyan sa aking tabi. Sa aking pagmumuni-muni ay hindi ko ito napansing paparating. Listo akong umalis sa harapan nito at nang hindi na ako tuluyang madisgrasya. Napagtanto kong malayo pa ang aking lalakarin bago makarating sa bahay namin at hindi ko maiwasang balikan siya ng isipan ko.
Hindi ko maalala kung kelan o paano, eksakto, basta't nagising na lang ako isang araw na may espesyal na pagtatangi para sa kanya. Hindi ito nangyari overnight, yan ang nasisiguro ko. Unti-unti ko siyang minahal. Unti-unti akong nahulog sa kanya. Maaaring nagsimula ito sa kanyang matinis na halakhak o sa masamyo niyang buhok o sa malambot niyang mga kamay o sa minsa'y... Minsa'y tila paghanga na nakikita ko sa kanyang mga mata. Ay ewan. Hindi ko alam kung guni-guni ko lamang ang mga ito pero napakasarap isipin na siguro nga minsan ay mahigit sa isang kaibigan ang kanyang pagtingin sa akin.
KAMU SEDANG MEMBACA
Siya
Cerita PendekNgayon ko lang tuluyang inamin sa aking sarili na may pagtingin nga ako sa kanya. Noon, isa lamang itong tila napakaruming isipin na kinailangan kong isilid sa pinakailalim at tago-tagong parte ng utak ko dahil alam kong itinuturing niya akong paran...
