Suntok, sapak, tadyak, araw-araw nagtitiis para lamang makakain at magpatuloy sa buhay. Hindi ko na matandaan kung kailan ko huling nakitang nasa matinong pag-iisip si tatay. Hindi ko na rin matandaan kung kailang ko huling nakitang masaya ang mga tao sa bahay. Droga. Droga ang puno't dulo ng lahat. Walang bisyo ang aking ama ngunit ako'y nagtaka nang siya ay malulong na. Nakaw, benta, sangla, iyan ang araw-araw niyang ginagawa, at kaming mga anak niya ang labis na kawawa. Siguro nga, ang pagpanaw ni Inay ang naging dahilan. Ang pagkawala niya ang nag-udyok kay Tayay upang humantong sa kasadlakan.
"Tatay, tama na po! Tatay, masakit po." Araw araw, iyan ang hinagpis ng mga kapatid ko. Sinasaktan kapag walang nauuwing pera. Pinagbubuhatan ng kamay kapag nakitang may itinatagong kakarampot na barya.
"Sinabi nang manlimos. Ano ang ginawa ninyo? Naglaro sa kanto? Mga walang silbi!" Hindi na nakapagtataka kung bakit walang kapitbahay na nakikialam. Nasanay na sila. Nagsawa na silang tumulong dahil kahit anong tulong pa ang ialok nila. Babalik at babalik kami sa piling ni Tatay, ng aming ama. Ano nga naman ang maitutulong ng paglayo sa aming ama? Wala. Walang kamag-anak na tutuluyan. Namatayan ng ina. Hindi makapasok sa eskuwela. Si Tatay, kahit ganiyan. Alam ko at ng mga kapatid kong may pag-asa pa. Magbabago pa ang aming ama at manunumbalik ang saya sa aming mumunting tahanan.
"Ateeeee! Tulungan mo kami! Si Junior balak ibenta ni Tatay kay Mang Nardo! Ate tulong!" Ako'y napabalikwas at dali-daling bumaba nang marinig ang hinagpis na nakakatang kapatid.
"Tatay! Tatay, huwag. Maawa kayo kay Junior. Bata pa siya. Maghahanap ako ng trabaho! Pangako ibibigay ko ang buong suweldo sa inyo huwag lang ang kapatid ko! Huwag si Junior!" Iyak, iyak na lamang ang maririnig sa aming lahat. Subalit walang naririnig ang aking ama. Pilit niyang hinihila ang bunsong anak upang ibenta o sabihin na nating upang ipambayad sa utang niya sa kilalang talamak na pusher, si Mang Nardo.
"Ate! Ate tulong. Ayaw kong sumama. Ate." Wala na akong nagawa kung hindi maghinagpis sa kapalarang sinapit ng aking kapatid.
"Babawiin kita. Babawiin kita, pangako. Magtatrabaho si ate para makuha kita. Magsusumikap si ate." Pigil hiningang binitawan ang aking kapatid upang matangay ng aming amang hayok na hayok makagamit.
Dali dali akong nagpalit ng maayos na damit upang maghanap ng mapapasukan. Ayaw kong magpatumpik-tumpik pa. Oras na makaipon ako, babawiin ko agad ang aking kapatid. Nagkamali ako. Nagkamali akong naniwala pang babalik sa ayos ang pamilyang nasira nang dahil sa droga.
Naniniwala akong nariyan lang Siya. Gumagabay sa bawat landas na aming tahakin. Naghihintay ng pagkakataong makatulong.
Laking pasasalamat ko at nakahanap agad ako ng mapapasukan. Waitress sa isang maliit na kainan. Mababa ang sahod subalit mas maayos na ito kaysa maghintay na magkaroon ng himala at magbago ang aming ama.
Araw-araw gumigising maaga at umuuwi ng hating gabi para lamang kumita ng pera, makapag-ipon, mabawi si bunso, at lumayas sa impyernong kinasasadlakan namin ngayon.
Walang magandang dulot ang bisyo sa buhay ng tao. Tuturuan ka lamang nitong makagawa ng mga bagay na hindi naman nararapat.
"Aling Mema, uuwi na po ako. Bukas na lang po ulit" paalam ko sa matandang may-ari ng kainang aking pinapasukan. Pinayagan naman niya agad ako dahil disoras na. Kahit sabihin nating kumaki ako sa iskwater ay hindi pa rin ligtas kung mas magtatagal ako sa labas.
Hindi ko maintindihan ngunit parang may sumusunod sa akin. Binilisan ko pa ang aking paglalakad. Naghanap ng makakasabay subalit nararamdan kong bumibilis din ang lakad ng taong nakasunod sa akin. Hindi na ako lumingon at kumaripas ng takbo patungo sa tindahang aking natanaw. Subalit isang malaking pagkakamali ang aking ginawa dahil sa tindahan ay may mga nag-iinuman. Mga mistulang sabog na nagtatawanan, hinihintay ang aking pagdating. Huli na ng maisip kong lumihis ng landas dahil nahawakan na ako sa braso ng taong humahabol sa akin. Wala akong nagawa. Hinila ako ng lalaki papunta sa isang madilim na sulok. Nakikinikinita ko na ang aking sasapitin. Sumunod ang mga tao sa tindahan. Nagsisigawan, nagkakantiyawan, nagtatawanan. Wala na akong ibang magawa kung hindi ang umiyak. Pilit kinukubli ang sarili.
"Boss! Anak ni Timbol! Makakabawi ka na sa inutang sayo! Batang bata ang isang to!" Tumatawang sambit ng may hawak sakin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Halang ang mga bituka ng mga ito. Natitiyak ko pang nakagamit sila kaya ano ang laban ko?
Iyak. Iyak lamang ako ng iyak. Hinawakan ako ng isang lalaki na sa palagay ko ay ang tinatawag nilang boss. Nakatatakot ang kanyang itsura. Mistulang isang halimaw na hayok na hayok makakain ng laman. Lalo akong kinilabutan ng isa isa niyang tanggalin ang kanyang saplot. Nakadidiring tignan. Nakakikilabot pagmasdan. Subalit ano pa nga bang magagawa ko? Magiging isa rin akong kabayaran sa kasalanan ng aking ama.
Luha. Daloy nang daloy ang mga luha sa aking mga mata. Tahimik na lumuluha habang ang mga demonyo ay sarap na sarap sa kanilang ginagawa. Huli na. Huli na nang dumating sila. Ang aking amang humahangos at naghihinagpis sa sinapit ng panganay niyang anak. Ang aking amang kakikitaan ng labis na pagsisisi habang pinagmamasdan ang anak na naging kabayaran ng kanyang mga kasalanan.
"Patawarin mo ako, anak." Ang mga huling salita niya bago ako tuluyang nawalan ng malay.
-WAKAS-
