Santa Claus

12 0 0
                                    

Kilala ang Agustus Orphanage sa bayan ng San Isidro na tirahan ng mga batang inulila ng kanilang mga magulang. Dito rin naninirahan ang mga batang lansangan na dinadala ng DSWD upang mas mapangalagaan nang maayos. Sa labing siyam na taong pamamalakad ni Mrs. Sinthia ay naging matiwasay naman ang nasabing ampunan: maraming bata ang nakahanap ng bagong tahanan at pamilya, nagkaroon ng mga kaibigan, at natutong mangarap.

Dahil sa mag-dadalawang dekada na ang bahay-ampunan ay hindi na nito maitatago pa ang angkin nitong kalumaan. Natutuklap na ang ilang pintura sa pader na nagbibigay buhay sa lugar. Malayo na ang nararating ng mga halamang gumagapang hanggang sa mga pader at bakuran ng ampunan. May mga matatayog pa ring mga puno ngunit hindi na rin mabilang ang mga naputol at natuyo na. Maging ang ilang mga kuwarto ay binabalot na rin ng alikabok at ginawa nang pugad ng iba't ibang insektong bahay.

Tipikal lamang itong bahay-ampunan na punong-puno ng mga batang naghahalakhakan tuwing umaga ngunit hindi nanaisin nino-man ang maglagalag dito pagsapit ng dilim. Tila nagbibihis ang ampunan ng isang nakakatakot na damit na magpapatindig ng balahibo ng mga bata maging sa ibang tagapag-bantay. Nakaka-pangilabot ang mga matatayog na puno at ang mga halamang gumagapang sa pader, maging ang mga pintuang kapag bubuksan at isasara ay lilikha ng nakakapangilong tunog.

Isang araw bago ang Pasko, may isang saaakyan ang huminto sa tapat ng bahay-ampunan. Iniluwa nito ang isang babaeng naka-polo shirt at isang bata na naka-puting pang-itaas. Bakas sa mukha ng munting bata ang pagkayamot dahil may lugar na siyang paglalagian.

Lumapit ang isa sa tagapangalaga ng mga bata na si Mang Pablo sa babae. "Magandang araw ho, sino po ang hanap nila?" tanong nito at ngumiti.

Bumati pabalik ang babae at ngumiti rin. "Ako nga po pala si Bernadette, taga-DSWD ho ako. Puwede ko ho bang makausap si Mrs. Sinthia?"

"Ay, nasaloob siya ng opisina niya. Tara, sasamahan ko na kayo," sagot ng matanda at iginiya ang kamay papasok sa loob ng ampunan.

Habang naglalakad ay sinalubong agad ang mga bisita ng nakakabinging katahimikan. Kasalukuyang nag-aaral ang ibang mga bata sa mga oras na iyon. Nakakapangilabot ang mga yapak na kanilang nililikha dahil gawa sa kahoy ang sahig na nilalakaran nila. Maging ang mga antigong kagamitan at palamuti ay naghahayag din ng kwento ng kalumaan ng lugar.

Nakakatakot ang mga tingin ng mga malalaking pigurang anghel na hindi bababa sa limang dekada ang edad. Medyo may kadiliman rin ang bulwagan ng ampunan kaya naman nakaramdam ng kakaiba si Bernadette ngunit hindi na ito ininda pa. Habang ang kasama naman nitong bata ay natinag na sa matapang niyang hitsura kanina. May iilang parol din ang nakapalibot ngunit hindi naman nila naipaparamdam ang Kapaskuhan.

Napahinto sila sa paglalakad nang matapat sila sa pintuan ng opisina ni Ms. Sinthia. Marahang kumatok si Mang Pablo at hinawakan nito ang pihitan at ipinasok nang bahagya ang katawan. "Magandang umaga ho Ma'am Sinthia, may naghahanap ho sa inyo," bungad nito.

Ilang sandali ay hinarap muli ng matanda ang mga bisita. "Sige ho, pasok na kayo."

"Ay, salamat po Mang Pablo, pasensya na ho sa abala," magiliw na pasasalamat ni Bernadette. Nilisan na sila ng matanda at sila'y pumasok na sa opisina. "Magandang hapon po Mrs. Sinthia," bati nito at ngumiti nang malawak.

"Magandang hapon din, sige maupo kayo," nakangiting bati pabalik ni Mrs. Sinthia at itinuro ang upuan sa harapan nito. Sisenta y sinko na ito at biyuda na.

Habang naglalakad papasok si Bernadette ay parang dumoble ang takot ng dalaga. Kahit na Pasko na ay para bang hindi nalayo sa undas ang dekurasyon ng opisina. Kapansin-pansin ang mga litratong naka-hanay sa pader ng mga bata na para bang isang klase. Ang ilang dekurasyon na hindi rin nalalayo ang edad sa tanda ng pasilidad ay nakakapukaw din ng atensyon.

HorrifiedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon