Gabing-gabi na wala na halos makitang tao sa paligid. Sa isang parte ng kalye na wala na halos dumaraan na sasakyan. Isang babae ang naglalakad mag-isa, animo walang pakialam at walang nararamdamang takot sa paligid. Ngunit isang saglit lang may parating na rumaragasang sasakyan, pero ng masinagan ito ng ilaw na nanggagaling sa sasakyan dahan-dahan itong nag-menor. Bumagal lang ang pagpapatakbo pero hindi pa rin ito huminto, tuloy-tuloy hanggang makalayo.
"Nakita kaya niya ako?" napapa-isip na sambit ng babae.
"Hmmmm, sundan ko kaya?" napapangiting sambit nito, tumalikod na ito papunta sa direksyon ng sasakyan.
Unknown POV
Nakarating ako sa condo ko na nag-iisip pa din.
"Tama bang ginawa ko?" sa isip-isip ko. "Hindi naman siguro," sa isip ko pa. Napapa-iling na tinungo ko ang daan papunta sa kuwarto ko.
Nagulat pa ako pagbukas ko ng pinto ng tumambad sa akin yong babaeng nakita ko kanina. Patay malisyang tinuloy ko ang pagpasok. Binalewala ko ang presensiya na nasa paligid ko. Sanay na akong walang maipakitang kahit anong ekspresyon sa mukha ko. Tuloy-tuloy akong naglakad papunta sa aparador. Narinig ko pang nagsalita siya ng mapadaan ako sa tabi niya.
"Nakikita ba talaga ako nito?" Kakamot-kamot pa sa ulong usal niya.
"Parang hindi naman," pabagsak siyang umupo sa kama ko.
Kinuha ko na ang damit pantulog ko, magbibihis na sana ako. Kaso nag-alangan naman ako, hindi ako kumportableng maghubad sa harap ng babaeng ito kahit na wala naman akong dapat ikahiya. Kinuha ko na lang ang damit ko at dire-diretsong pumasok sa banyo. Sa isip-isip ko abala naman oo.
Narinig ko pa na nagsalita siya bago ko maisara ang pinto.
"Ano ng gagawin ko dito?"
Unknown POV
"Ano ng gagawin ko dito?" simangot ko.
Pinapagpag-pagpag ko na ang kama niya sa inis ko. Akala ko pa naman nakikita ako hindi naman pala. Akala ko din matutuloy ko na ang pagpapansin ko at sa wakas mapapansin na din ako. Akala ko lang pala. Isang malaking AKALA. Inis na inis na talaga ako.
Dumapa na ako sa kama at nangalumbaba habang nakatingin sa may pinto ng banyo yata yong pinasok niya.
"Hmp!" naiinis pa din ako, pero ng lumabas ang hinihintay ko napangiti na ako.
Pinatong ko na ang baba ko sa may kama niya habang tinititigan siya. Pinagmamasdan ko ang kabuuang mukha niya. Kasama siya sa mga lalaking tinatawag na "squared jawed", matangos na ilong, malalim ang kanyang mga mata at kayumanggi ang kulay ng balat niya. Kaya kahit sino mapapalingon pag dumaan siya dahil sa lalaking-lalaking dating niya. Pero hindi ako nagkagusto sa kanya sa panlabas na anyo niya.
Sinusundan ko ng tingin lahat ng ginagawa niya sa loob ng kuwarto. Napapangiti na lang ako sa isiping dati-dati sa malayuan ko lang siya tinitingnan ngayon bukod sa malapit na siya sa akin solo ko pa.
Hanggang ngayon hindi pa din nagbabago ang nararamdaman ko sa lalaking ito. Ang haba na ng panahon pero wala pa ding pagkaka-iba ang paghangang nararamdaman ko sa kanya mula ng una ko siyang makita hanggang sa ngayon.
Napa-isip ako, paano nga ba nagsimula ang lahat.....
