Bahagyang nagpatiuna si Mason sa paglalakad dahil hindi naman siya sanay na may kasabay na babae. Iyon nga lang, sinabayan ng dalaga ang bawat hakbang niya hanggang sa makalabas sila sa gilid ng AS.

“So… where do we eat?” narinig niyang muling tanong ng kasama.

Natigilan si Mase at nag-alangang humarap kay Hayley. “Ah, CASAA sana,” sambit niya. Sa itsura kasi ng dalaga’y tila hindi ito sanay kumain sa mga estilong food court . “O gusto mo sa iba?”

Pinagmasdan niyang mag-isip ito nang sandali bago sumagot nang may punto pa rin. “Okay lang dito.”

Naisip ni Mason na mainam na rin sigurong masanay ito sa mga kainan sa pamantasan. Marahan niyang binuksan ang screen door papasok ng canteen na iyon at pinaunang pumasok ang dalaga.

“What do they have here?” tanong ni Hayley habang nagpapalinga-linga sa mga tindahan na nagbebenta ng iba’t-ibang  uri ng pagkain. May normal na kanin at ulam, may pasta, pizza, sizzling plate, shawarma at kung ano-ano pa sa presyong pang-estudyante.

Medyo matagal niyang sinundan ang dalaga upang makapili ito ng pagkain dahil tila hindi nito alam ang bibilhin. Mukhang kailangan nito ng tulong. “Ahh… first time mo ba dito?” naitanong niya. Kung hindi kasi siya magsasalita baka kung ano’ng oras na sila makakain.

“Yup,” agad na sagot nito na walang bahid ng pagkailang. Lumapit ito sa tindahan na may haing asian cuisine. “I’ll have… shawarma,” nakangiting sabi nito sa tindera. “And one of this…” dagdag pa nito at tumuro sa tray ng Chopsuey.

Hindi agad nakahuma ang ale kaya agad itong tumingin kay Mason na nangingiti. “Ano daw?” naguguluhang tanong nito.

Kaya minabuti na niyang siya ang umorder para sa kanila. “Ah, dalawa pong shawarma. Tsaka isang order nito, Ate,” pag-ulit niya at agad namang tumalima ang ale na napapakamot sa ulo.

“’Kala ko kung ano na. Nagkalat na talaga ang mga conyo dito,” puna ng tindera habang inihahanda naman ng kasamahan nito ang itinurong pagkain para sa kanila.

At agad namang pinabulaanan iyon ni Mason. “Galing lang po ng UK, Ate.”

“Ahh, kaya pala ‘di ko halos maintindihan ang sinasabi,” napapailing na dagdag nito. “Inumin, pogi? Anong gusto niyo? Pakitanong na rin yang si Tisay.”

Bago pa niya matanong si Hayley ay nagsalita na ito sa kanya. “Bottled water would be fine.”

 

Tumango naman siya. “Dalawa pong mineral, Ate.”

Buy one-take one ang C2 namin dito, baka gusto mong patusin,” mungkahi pa ng tindera  na malawak ang ngiti.

Saglit na napatingin si Mase sa naka-display na C2 Apple at naalala ulit si Louie.  Ibinaling niya ang tingin sa kasama. “Nakainom ka na ba ng C2?” nag-aalangan niyang tanong dito subalit umiling naman ang dalaga.

From A DistanceWhere stories live. Discover now