Nanghihinang napaupo si Bradley habang walang imik na pinanonood ang paglakad papalayo ng kasintahan. Napahilamos siya ng palad sa mukha. Pinagsisihan ang mga nabitawang salita subalit wala siyang sapat na lakas para habulin at muling amuin si Pheobe.

Nilalamon ang buong sistema niya nang pagkawala ni Amerie. Di niya maintindihan ang dulot na sakit sa walang kaabog-abog na pag-alis ng dalaga. Umasa siyang tutuparin nito ang pangakong mananatili sa pangangalaga niya. Na magtutulungan silang hanapin ang pumaslang sa kanyang ina. Subalit hindi iyon pinakamasakit. Sa biglang pagkawala ng babae, pakiramdam niya ay nagdilim ang kanyang kabahayan sa loob ng isang iglap. Naging masaya at kampante siya sa lahat ng bagay sapagkat may isang inosenteng nilalang kung saan ang simpleng mga ngiti ay sapat na para magliwanag ang kanyang dating masalimuot na buhay. Pero ngayong wala na ang mga ngiting yun, ano na ang mangyayari sa kanya?

Hindi siya papayag na mawala sa kanya ng tuluyan si Amerie! Gagawin niya ang lahat para muli itong bumalik sa kanya. Kung nasaan man ito ngayon sisiguraduhin niya na balang araw tatahakin ulit nito ang daan pabalik sa kanya.

                                 ----

Walang ganang bumangon si Amerie. Nagising siya dahil sa isang malakas na sirena bilang hudyat na kailangan nang gumising ng lahat. Mag-isa lamang siya sa kubong matatagpuan sa tabi ng lawa. Doon siya pinatuloy ng pinuno ng mga Gadians. Maliit lamang ang bahay ngunit malinis at napakaayos nito. Meron itong kuwarto, sariling banyo, simpleng sala at maliit na balkonahe. Lumabas siya ng balkonahe para magunat-unat. Natigilan siya nang makita ang payapang lawa at unti-unting nalungkot. Naalala niya si Bradley. Humawak siya sa kanyang dibdib at minasahe ito. Kapag napapag-isa, madalas niyang naiisip ang direktor.

Sumang-ayon siya sa ideya na magsanay bilang tulong na rin sa sarili upang maibsan ang kalungkutan at may pagkaabalahan para huwag gaanong maisip si Bradley. Wala rin siyang magagawa kundi sumunod sa patakaran ng mga Gadians dahil sila lang ang makakapagdala sa kanya kay Heigro.

Tumigil siya sa malalim na pag-iisip nang mapatingin sa direksiyon ng malaking kusina. Isa-isa nang nagsisipagdatingan ang mga mag-aalmusal. Nakaramdam na rin siya ng gutom. Napawi ang lungkot niya nang matanaw ang masisiglang mukha ng mga Gadians, handang-handa na ang mga ito para sa buong araw na pag-eensayo. Bumalik siya sa loob ng bahay. Naligo, nagbihis ng damit pangsanay na itim na t-shirt at itim na pantalon at masigla nang nilisan ang kubo.

"Magandang araw!" bati niya sa bawat nakakasalubong subalit wala ni isa mang gumaganti ng bati sa kanya. Dama niya pa rin ang pagiging malamig ng lahat.

Naupo siya sa mesang may nakahaing tunay na nakakagutom na mga pagkain. Napakadaming pagpipilian. May sariwang prutas, gulay, kamote, patatas, tinapay, karne ng baka, baboy, pabo at manok at maraming klase ng inumin. Halatang batid ng tagaluto na kailangan ng sapat na lakas ng mga kakain.

Walang nais tumabi sa kanya. Lahat umiiwas na mapadako sa kanyang pwesto. Nag-uusap-usap ang lahat ng nasa mesa habang tahimik lang siyang sumusubo at kiming lumulunok. Ni walang gustong tumingin sa kanya. Mabuti na lamang ay dumating si Hector. Nakangiti itong tumabi sa kanya. Sa pagkakaupo ng lalaki, may pangilan-ngilan agad na tumingin nang masama.

"Kumusta ang tulog mo?" masiglang tanong ng binata.

"Ayos lang. Mahimbing naman," ngiti niya na may halong pagpapasalamat na sa wakas ay may makakausap na rin siya.

Napamaang siya nang masaksihan kung gaano kadaming karne ng pabo ang inilagay ni Hector sa plato nito.

"Kailangan to para may lakas buong araw," kusa at tatawa-tawang paliwanag ng lalaki sa naging reaksiyon niya. "Ikaw din kumain ka nang mabuti para di ka tatamlay-tamlay mamaya." Nagulat siya nang nilagyan nito ng inihaw na hita ng pabo ang pinggan niya.

Shadow LadyOnde histórias criam vida. Descubra agora