Jitters

16 0 0
                                        


"Ikaw na."

Nilingon ko ang staff na 'yon at nakita pa ang pagturo niya sa lugar na dapat kong puntahan. Nilingon ko rin ang kaibigan kong kanina pa'ko pinapakalma sa tabi habang puno ako ng pag-aalinlangan.

"Kaya mo 'yan, Cens!" wika ni Arken habang marahang tinapik ang aking balikat bilang suporta.

"Tingin mo," buntong-hininga ko, "kaya ko talaga? First time ko 'to, Arks!"

"Naniniwala ako sa'yo, naniniwala 'yung tropa natin, naniniwala rin higit sa lahat 'yung pamilya mo. Kaya dapat maniwala ka rin sa sarili mo, okay?" iniabot niya ang gitarang kanina pa niya dala para sa'kin. "Bayaan mo 'yung mga nauna sa'yo, isipin mo lang ang sarili mo."

Marahan akong naglakad palayo kay Arks, patungo sa liwanag na kanina ko pa pinipilit layuan. Nakasalubong ko pa si Kia na pabalik na sa waiting area.

"As if you could win, Cenia." taas-kilay niyang wika sa'kin. "As if. Assumerang amateur."

Napatungo na lang ako habang naglakad papunta sa gitna ng entablado. Umupo ako sa upuang nakalagay doon, na ipinakiusap ko talaga dahil: una, mabigat ang gitara at pangalawa, baka 'di kayanin ng nanginnginig ko nang tuhod na tapusin ang gagawin ko.

Nilingon ko ang madla; tahimik, nagmamasid sa bawat kilos na gagawin ko sa harap nila.

Kakayanin ko 'to, katulad ng sabi ni Arken. Nangiti ako nang kaunti nang makita kong nakikipagsiksikan sa harap ang mga kaibigan ko, kasama si Arken na pinagdala nila ng banner kung saan nakalagay ang malaki kong pagmumukha. Pero agad napalis ang ngiting 'yon, nang matanaw ko ang maraming tagasuporta ni Kia.

Noon ko lang napansin, na walang-wala ang ginawa ng mga kaibigan ko sa mga tagahanga ni Kia. Isang malaking isda ang kakalabanin ko, na dilis lang kung ikukumpara sa kaniya.

Gusto ko mang isipin ang ngiti ng mga kaibigan kong naghihintay, mas napapansin ko ang nanunuring tingin ng mga katabi nila. Mga tinging unti-unti akong pinaliliit, unti akong nilulusaw, hanggang sa maglaho na parang bula.

"And now, let us all welcome Contestant Number 2, Cenia Madrigal from the College of Accountancy!"

Marahan kong kinalabit ang gitara para sa unang nota. Ngunit bago ko pa masambit ang unang pantig ng unang berso, nakita ko ang malademonyong ngiti ni Kia sa harapan.

Hanggang sa lamunin ako ng kadiliman.

PiecesWhere stories live. Discover now