Minsan naiisip ko, ganoon ba kahirap kalimutan ang pitong buwan sa buhay ko? Ganito ba kalaki ang imamarka ng pitong buwan na iyon sa buhay ko?

Naglakbay ang isip ko sa nakaraan..

Tinapos ko ang unang semestre sa taong iyon. Walang araw na lumipas na hindi ako nabubully sa Arnedo College. Gayon pa man ay pinilit kong tapusin ang buwan na iyon.

Si Luke ay hindi na nagpakita noong mga sumunod na araw simula nang gabing iyon sa Carayan. Iyon ang huling beses na nakita ko siya. Ang balita ay nangibang bansa daw ito upang ipagpatuloy ang pag aaral roon.

Tuluyang lumubog ang negosyo ng tito Carlos. Nagpasya sila ni Tita Agnes na mamalagi sa US para sa ikabubuti. Kumalat sa buong probinsya ang pagbagsak ng negosyo ng pamilya namin.

Hindi iyon kinaya ni Papa at naatake siya sa puso na siyang ikinamatay niya. Hindi namin alam na may sakit siya sa puso. Gulat na gulat kami noong mga panahong iyon.

Patong patong ang naging problema namin. Halos ikabaliw namin ang mga pangyayari.

Kaunti lang ang savings nila Papa. Ibinenta namin ang bahay namin sa Maynila upang magamit sa pagpapalibing kay Papa at matustusan ang mga pangangailangan namin.

Kinailangan kong huminto sa pag aaral dahil kay Toffy na lamang ilalaan ang perang napagtindahan ng bahay. Ngunit hindi ako pumayag.

Sinabi kong magma-Maynila ako at doon mag aaral habang nagtatrabaho. Iginapang ko ang pag aaral ko sa dati kong eskwelahan sa pamamagitan ng pag papart time sa accounting firm ng mommy ni Molly at pag momodelo.

Umupa ako ng apartment at kalaunan ay nabili ko ito nang maka graduate ako at nakahanap ng trabaho sa mas malaking kompanya.

Itinuloy ko pa rin ang pagmomodelo upang pandagdag kita at para may maipadala ako sa probinsya kila Mama.

Nagbibigay ng tulong ang mga tito ko ngunit malimit naming tanggapin. At ngayon nga'y heto ako. Patuloy na nakikipaglaban sa buhay.

Masasabi ko namang mas maayos na ang kalagayan namin ngayon kumpara noon. May maganda akong trabaho at ganoon din si Toffy. Nanatili siya sa probinsya kasama si Mama at paminsan minsan ay lumuluwas ito upang gawin ang ilang proyekto bilang engineer.

Masaya ako dahil nalagpasan namin ang unos na iyon sa buhay namin. Ngunit ang unos sa puso ko ay patuloy ko pa ring nilalabanan.

Hanggang ngayon, umaasa ako na ang unos na ito ay matapos na.

*****

Sa mga sumunod na araw ay naging abala ako sa opisina bilang Finance Manager ng isang kompanya. Iyon ang kumukuha ng oras ko sa buong week days. Mahirap ngunit malaki ang pasahod kaya motibado akong nagtatrabaho.

Sa week ends naman ay nasa modeling agency ako upang kumuha ng racket kay Candy.

Nagligpit na ako ng gamit dahil off time ko na. It's already 5pm at dadaan pa ako sa bangko upang magpadala sa probinsya dahil katapusan ng buwan ngayon.

"Ingat sa pag uwi Mam!" Wika ni Kuya Roger na guwardiya sa establisyementong pinapasukan ko.

"Kayo rin ho!" Sagot ko at nagpaalam na.

"Fren! Fren! Wait!"

Nilingon ko si Nancy na humahabol sa akin bitbit ang bag niya.

"Sabay ako! Magpapadala din ako sa amin," aniya nang makalapit.

Nagsabay kami papunta sa bangko. Naging kaibigan ko si Nancy nang pumasok ako rito. Hindi kasi kami magka department dahil nasa marketing siya. Ngunit madalas ay sabay kaming lumalabas basta may pagkakataon.

In His Paradise (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon