CHAPTER ONE

705 13 1
                                    

"BOKYA na naman. Buseeett!"

Naibato ni Hazel Asuncion ang kanyang cellphone sa kama. Hindi malaman kung magpapadyak, iiyak o sisigaw nang labas ang litid. Sa dami na ng rejections na natanggap niya sa kanyang buhay, ang pagiging pandak niya parati ang ipinapamukha sa kanya.

Big deal.

Lalo na ngayon na kailangan niya ng maipriprisintang nobyo sa family reunion nila. Buti sana kung hindi dadalo ang kumag na ex-boyfriend niya at ang malanding nobya nito na pinsan niya pa sa father's side. Hah, hindi niya bibigyan ang mga ito ng tsansa'ng mag-isip na hindi pa siya naka-move on. Dahil kahit ipapabitay na siya ngayon, walang pangiming sasabihin niya na never niyang iniyakan ang ex niyang taksil. Masama lang ang loob niya noon. Pero agad siyang naka-get over. Move on na move on. Katuwiran niya, mas mabuti na sa aga'ng iyon, ipinakita kaagad ang kulay. Kaysa kung kailan mag-asawa na sila. At wala nang natitira pang birhen sa katawan niya.

Walang kalatoy-latoy na binalingan siya ng another bestfriend niyang si Nikki Gammad na kilala rin sa pangalang "Kulot" dahil sa buhok nito'ng hindi rin ma-trace kung galing ba sa Ita o Negrito. Basta dati naman daw tuwid pero noong magpi-pitong taon na, nakuryente bigla. Na-ospital nang ilang araw pero doon na rin nagsimulang magtikwasan ang buhok nito. At sa bandang huli, nagsikulutan na ang mga iyon. Ganu'n lang. Walang paliwanag kahit ng mga doktor na tumingin dito. Ngayon, ito ang kasa-kasama niya sa townhouse na inuupahan nila. Siya kasi ang sumagot noon sa idinikit nitong ad sa pader. Naghahanap ng kasama. Hati sila ng renta. Taga-Isabela ito. "Hay naku, bakit kasi sa higante ka pumatol? Magmumukha ka lang hanip. Iyong ka-level mo na lang kasi ng height para huwag ka nang mapagkamalang ikaapat na miyembro ng teletubbies." Inabot nito ang cellphone niya sa kama at binutingting.

Umirap siya sabay halukipkip. Lalo tuloy na-emphasize ang matambok na dibdib niya na nanganganib nang maging C-cup ang size. Wish nga niya, iyong extra tambok ng dibdib niya na lang sana ang ipinasak sa height niya.

"Alam mo, kailangan ko na yata'ng magpakabit ng artipisyal na paa para tumangkad. Dahil kahit laklakin ko na ang buong pampatangkad sa lahat ng botika, sa akin pa rin ang sumpa ng mga pandak sa lahi namin. Kung hindi pa ako magkaka-lovelife sa malao't madali, magigising na lang ako isang umaga na gurang na gurang na at uhaw na uhaw sa dilig."

Napatili si Kulot. "Uhaw talaga sa dilig, ha? Alam mo, 'teh, kahit ka-height mo pa si Mura at Mahal, hindi mo iyan dapat pinoproblema. Sa tunay na pag-ibig, walang higante, walang pandak. Makuntento ka na nga lang kasi sa four-eleven na taas mo. Iyon lang ang inabot mo, eh."

Napatigil sa ere ang kilay niya. Inisip ang sinabi ni Kulot. Kahit taklesa, may sense ang bruha, akalain mo iyon? Gayong gaya lang niyang di makabingwit-bingwit ng manliligaw dahil flagpole naman sa kataasan. At payatot. Mukhang model ng poster ng UNICEF na may kinalaman sa pagiging malnourished. Pero proporsiyonado ang katawan at may makinis na kutis simula nang salpakan niya ito ng pampaputi. Mga kaartehan sa katawan, palibhasa, ang isa sa mga pinasok niyang sideline total linya na iyon ng pagkakaroon niya ng beauty salon business sa sentro ng Tuguegarao City. Tuloy pati pangalan ng beauty salon niya ay isinunod niya roon-Ardyud Nook. Corrupted Ilocano word ang ardyud na ang ibig sabihin ay maarte.

Tumimbuwang siya sa tabi nito. Sumabog ang buhok niya sa kama. "At heto pa ang matindi, malapit na naman ang birthday ko. After two weeks, twenty-eight na naman."

"Oo nga, 'no? Naks, pa-blow out na iyan. Pero, hoy, may dalawang taon ka pa bago malaglag ang edad mo sa kalendaryo, bakit ka ba nagmamadali? Ang sarap kaya ng buhay single."

"Gaga, mukha kasing sa incubator ka natutulog kaya hindi mo pansin. September na ngayon. Kunting-kunti pa, kailangan mo na ng kayakap sa mala-niyebeng mga gabi."

My Little Big LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon