Hindi pa siya nakakapanganak noon at talaga namang na-stress siya ng todo. Sinubukan niya na lunukin ang pride niya at humingi na nang tulong kay Randall dahil may kaya naman ang binata pero muli ay nasaktan lang siya dahil nakita niya itong may kasamang babae. Maganda ang babae at maamo ang mukha, mga bagay na kahinaan ni Randall. Kaya ang balak niya na hihingi nang tulong dito ay hindi na niya natuloy. Nanahimik siya at ipinagpatuloy ang paglilihim kay Randall tungkol sa kalagayan niya. Hindi naman na siya nito hinahanap kaya bakit pa siya magpapakita? May iba na ito at hindi siya magpapaka-desperada para magmakaawa na bumalik ito sa kanya dahil sa buntis lang siya. Napagpasyahan niya na tumayo sa sariling paa.

Hanggang sa ipanganak na niya si Ezekiel. Ang saya-saya nang pakiramdam niya nang una niyang marinig ang iyak ng kanyang anak. Parang napawi niyon ang sakit at paghihirap niya sa pagluwal dito. Pero sabi nga nila kapag sobrang saya nang nararamdaman mo ay may kapalit naman na pasakit iyon.

Isang buwan nang manganak siya ay nasangkot naman sa isang car accident ang kanyang ama na noon ay nag-apply bilang isang taxi driver, nabangga ang sasakyan nito ng isang humaharurot na bus. Dead on the spot ang kanyang ama, hindi na nakarating sa ospital. Biglaan ang pangyayari kaya naman hindi natanggap ng kanyang ina at inatake ito sa sakit sa puso. Maaagapan sana nila ang buhay ng kanyang ina pero dead on arrival na ito.

Dalawang pinakamamahal niya ang nawala sa kanya at hindi niya maipaliwanang noon ang sakit na nararamdaman. Wasak na wasak ang mundo niya pero hindi siya dapat na sumuko. Kailangan siya ng kanyang anak. Kailangan niya na maging matatag para kay Ezekiel.

Kaya isang buwan matapos na malibing ang mga magulang ay naghanap muna siya ng trabaho. Si Ezekiel noon ay pinaalagaan muna niya kay Lola Dona at nag-iiwan lang siya ng kanyang breastmilk para dito. Naging Avon seller siya, kahera sa isang bakeshop, tagabantay ng isang puwesto sa palengke, lahat ng maaaring pagkakitaan ay pinapasok niya. Sa awa naman ng Diyos ay kumasya ang kakarampot niyang kita, syempre ay tinutulungan din siya ng kanyang Lola Dona gamit ang nakukuha nitong pera sa pensyon nito. Kahit na kailan ay wala siyang narinig na kahit na ano sa kanyang lola, naging mabait ito at maalaga sa kanilang mag-ina at talagang ipinagpapasalamat niya iyon. Sayang lang dahil kinuha din ito ng nasa itaas. Pitong taong gulang noon si Ezekiel nang iwan sila nito. Isa na namang pasakit ang dumating sa kanila.

Pero muli ay bumangon silang mag-ina. Dito pa rin sila sa bahay ng kanyang Lola Dona sa Quezon City nakatira. Ipinamana na ito ng kanyang Lola sa kanya. At ngayon, may stable na siyang trabaho bilang isang room attendant sa isang hotel sa Quezon Avenue. Pinili niya ang trabaho na malapit lang sa kanilang tinitirhan para naman madali lang siyang makauwi agad.

Sa ngayon ay tatlong taon na siyang nagtatrabaho dito at kumikita naman siya nang maayos. Sa tip pa lang na galing sa mga guest na nakukuha niya kapag nagro-rooms siya ay kadalasan ay nakaka-isang libo siya, masuwerte na kung maka-dalawang libo pero minsanan nga lang 'yon.

Anyway, naiiwan mag-isa ang kanyang anak dito sa bahay nila. Tulad ngayon, ang schedule niya ngayon ay graveyard shift. Mamayang alas dies ng gabi ang pasok niya. Kaya kapag umalis na siya ay iiwan niya muna si Ezekiel sa kanyang kaibigan at kapitbahay na si Emily.
Si Emily ay inaanak ng kanyang Lola at naging kaibigan na rin niya kaya panatag ang loob niya. May anak itong babae na kasing-edad ni Ezekiel kaya panatag ang loob niya na magiging maayos ang kanyang anak doon dahil may magiging kalaro ito. Ang kanyang kaibigan na rin ang umaasikaso sa kanyang anak kapag papasok na ito sa eskwelahan, pang-umaga kasi ito. Laking pasasalamat niya kay Emily dahil sa ginagawa nito kaya naman kapag may sobra siyang pera ay binibigyan din niya ito.
Ilang sandali pa ay napaigtad na lang siya nang biglang dumiin ang pagkakahilot ng kamay ni Ezekiel kaya naman mabilis na din siyang bumalik sa kasalukuyan.

"Ay, sorry po."

Ngumiti siya at humarap sa kanyang anak. Niyakap niya ito at hinalikan ang pisngi.

Sweet Surrender (Published under PHR)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu