Sunud-sunod na click ng camera ang bumalot sa lugar na ito. Puting rosas, puting mga sapin sa lamesa, puting mga damit, at puting mga buhangin.
Pinanuod ko ang paglipad ng mga ibon at ang paghampas ng mga alon. Halos antukin ako sa tunog ng mga iyon. Inayos ko paulit-ulit ang aking sasabihin. Hanggang ngayon kasi'y naiiyak pa rin ako. Sa palagay ko, kapag kaharap ko na ang lalaking mahal na mahal ko, magkaka buhol-buhol lang ang dila ko. Baka hindi ko kayanin.
"Karla, mahal ko... Ikaw lang ang babaeng minahal ko ng ganito. Noong unang araw pa lang kitang nakita, alam kong ikaw na. Ikaw na ang babaeng pakakasalan ko. Ang babaeng ihaharap ko sa Diyos at mamahalin ko habambuhay. At ito ka na ngayon, nasa harap ko, at pinakakasalan ako."
Bumuhos ang luha ko sa sinabi ni Ben. Pilit ko mang itago iyon, kusa na lamang umagos ang mga luhang nag-uunahan na dumaloy sa pisngi ko patungo sa aking maputlang dress.
Ang lalaking mahal na mahal ko, ngayo'y nasa harap ko't umiiyak.
"Jenna..."
Tinawag ako ni Maricel. Agad akong lumingon sa kanya.
"Alam kong hindi tears of joy iyan..."
Pinilit kong ngumiti sa kaibigan ko. Pinahid ko ang mga luhang nakatakas at hinarap muli ang lalaking mahal ko... na nakatayo sa harap ng altar kasama ang babaeng mahal na mahal niya, si Karla.
Natapos ang seremonyas at nagtungo kami sa isang pribadong resort kung saan ginaganap ang reception.
Hanggang ngayo'y tulala pa rin ako. Pinagmamasdan ko ang singsing na sinuot ni Ben kay Karla. Hindi ko alam kung anong espirito ang sumapi sa akin at nakayanan ng sarili kong pumunta pa sa kasal nila. Kung titigna'y ako lang ang hindi masaya dito. Lahat sila'y nagdiriwang sa pag-iisang dibdib ng mga kaibigan namin. Napasadahan ko ng tingin ang isang lalaking naka puti. Iyong best man ni Ben. Ngumiti ito sa akin nang mapansing nakatingin ako sa kanya. Hindi ko kayang ngumiti pabalik. Mahahalatang pilit lamang iyon kung gagawin ko pa. Agad akong nag iba ng tingin. Tsaka ko lang napansin na nandito pala halos ang buong block noong kolehiyo pa lamang kami.
Nakita ko si Bruce at Almira na hanggang ngayo'y magkasintahan pa rin. Ilang taon na nga ba ang lumipas? Lima? Walo? Sampu?
"Ben, kasama ko pala iyong sinasabi ko sa'yong dorm mate kong bago. Si Karla!"
Kasalukuyan kaming nakaupo malapit sa aming susunod na klase nang maisipan kong ipakilala ang bago kong kaibigan kay Ben.
Ngumiti lang ito at nagpatuloy na sa pagsusulat. Ganito talaga siya. Kapag bakante kami ay maghahanap iyon ng masisilungan o ng mauupuan at magsusulat. Mahilig kasi siyang lumikha ng mga nobela at mga tula.
Lihim akong may gusto kay Ben. Hindi ko alam kung alam niya ang nararamdaman ko pero sigurado akong pareho lang ang nararamdaman naming dalawa. Lahat ng pinapakita niya ay tiyak na pagpapakita ng motibo na gusto niya ako kaya wala akong alinlangan sa ano man.
Nagtipa ako ng reply kay Karla para puntahan kami. Mabait si Karla. Bagong lipat siya sa dorm na tinutuluyan ko. Bagong salta sa Maynila kaya sinasamahan ko parati. Laking Australia kasi ang isang ito!
"Karla!" Tinawag ko ang aking kaibigan at agad itong kumaway sa akin.
Nakasuot siya ng high-waisted shorts at cropped top na tinernuhan ng brown boots at kung anu-anong mga purselas. Pala-ayos at puno ng kolorete sa mukha itong si Karla pero bagay naman sa kanya kaya hindi ko na pinupuna.
Maganda naman talaga itong si Karla kaso mahina nga lang pagdating sa pag-aaral. Pero hindi naman iyon problema dahil nandito ako parati para tulungan siya. Para ko nang kapatid ito si Karla sa totoo lang.
YOU ARE READING
White Wedding
RomanceThis story is written in Taglish (Tagalog-English) but it's mostly Tagalog. Published on June 10, 2016 - 2:56 AM
