Ang susunod niyong mababasa ay Rated SPG. Sekretong Pantasyang nakaka-Gaga.
Paalala: Ito ay Kathang Isip lamang at pawang walang katotohanan.
"An open letter to Mr. Danao"
Hindi ako takam sa isang relasyon. Hindi ako sabik sa isang boypren. Pero tangina naman, kahit kalandian lang pagbigyan niyo na!
Second semester ng 2nd year college kita nakilala. Kaklase kita sa subject na Philippine Literature. Iyon lang ang subject na magkaklase tayo dahil irregular student ka. First day of second semester noon. Excited akong pumasok syempre.
Pag-akyat ko ng second floor para pumunta sa room natin, nasa bintana pa lang ako noong napansin kita. Maputi, pink lips, brown eyes. Ang sabi ko sa isip ko, "Ay shet! Ang gwapo naman ni koya!"
Agad akong nag-iwas ng tingin sa takot na mahuli mo akong nakatingin. Mapagkamalan mo pa na laglag panga sayo. Pinilit kong maging normal pagpasok ko sa pintuan. Diretso ako sa pwesto ng mga kaibigan ko na si Kim at Rebie. Nadaanan ko yung kinauupuan mo at tangina talaga kasi pakiramdam ko nanginig yung tuhod ko nung napatingin ka sakin.
Dinig ko yung bulung-bulungan nung bakla nating kaklase. Pinagtsitsismisan kung ano daw pangalan mo at kung gaano ka kagwapo. Halos mabali ang leeg ko sa pakikinig sa kanila baka sakaling malaman ko kung anong pangalan mo. Nagturuan sila kung sino magtatanong ng pangalan mo pero walang naglakas loob na lumapit. Natapos ang araw na hindi ko nalaman ang pangalan mo. Ang damot ng swerte eh.
Kinabukasan, second day ng pasukan. Na-late ako. Hahaha! First subject namin ang Phil. Lit. at 12:00nn iyon. Pero dahil mabagal ako kumilos at isang oras ang biyahe ko pa-school ay na-late ako.
Pagdating ko ay nasa harap na yong isang kakilala kong instructor. Uminit ang pisngi ko pagpasok ko dahil nakakahiyang makakuha ng atensyon. Humanap ako ng mauupuan kasi may nakaupo na sa kinauupuan ko kahapon. Nakalimutan yata ako ipag-reserve nila Kim. Nayayamot akong humanap ng upuan at iyong katabing upuan mo na lang ang bakante.
Inalis mo yong bag mong nakapatong doon at sinabihan mo akong doon na maupo. Syempre wala akong choice kaya umupo na lang ako at nagpasalamat! Napaisip pa ako ng "Shet! Ang swerte ko! Hahahaha!"
Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako sa mga makasarili kong kaibigan o ano. Abot abot ang tahip ng dibdib ko dahil sa pinaghalong pagod, hiya at kaba. Basa pa nga ako ng pawis eh. Nasagi mo pa yong basa kong braso kaya lalo akong nahiya!
Nagsalita ng nagsalita si Mam sa harap. Ni hindi ko alam kung nakapagpakilala na ba kayo ng mga sarili niyo o ano dahil walangyang late nga ako.
Hanggang Miyerkules lang ang Literature natin kaya tatlong araw lang kitang nakita. Dumating ang lunes at napalitan ang instructor natin. Babae at kakilala ko din. Hindi na ako nakabalik sa piling ng mga walangya kong kaibigan dahil occupied na ang row nila. Kaya no choice ako kundi tumabi ulit sayo.
Inalis mo na naman yong nakapatong mong bag para makaupo ako.Hindi ko alam kung maiinis ba ako kasi feeling ko ayaw mong may tumabi sayo kaya nilalagay mo lagi yong bag mo dun eh. Pero sabi ng malanding utak ko sinasadya mo daw ilagay yung bag mo dun para mareserve yung seat saken. Hahaha Tindi talaga ng imagination ko putspa! Asa pa ako eh ni hindi mo nga ako kilala. Lul!
Inutusan tayo ni Mam Jacinto na magpakilala isa isa at magbigay ng any info tungkol sa sarili natin. Sunod sunod na nagpakilala mga kaklase natin, though kilala ko na halos lahat sila at irreg na lang ang mga hindi ko kakilala at yung ibang hindi ko pa naging blockmate dati.
Nauna akong nagsalita kesa sayo. Ang sabi ko,"I am Yeng, from (insert place). I love writing and reading novels. I also love eating though I am not gaining weight." Um-agree si Mam sakin dahil katulad ko din syang petite.
