Chapter 8

901 12 0
                                    

NGITNGIT na ngitngit si Dominic habang hinuhuli nang titig ang mga mata ni Jackie, at sa minsang pagsulyap nito sa kanya ay ipinakita niya ang inis.

Anong ginagawa mo sa tabi ng napapanot ng congressman na iyan, ha? Akala ko ba’y ako ang aakitin mo para ma-in love ako sa iyo! sigaw ng kanyang utak.

Pero tinimpi niya ang sarili na sugurin ang mga ito. Alam ng binata na wala siyang karapatan.

Gayunpaman, sa magdamag na iyon ay nanatili lang siyang nakamasid sa mga ito.

Mayamaya ay napaunat siya nang tayo, nakita kasi ng binata na nakubli na sa backstage ang mga ito.

Saan sila pupunta? Bakit nakaalalay pa sa siko niya ang lalaking iyon?

Inis na nakipagsiksikan si Dominic sa mga tao para makarating sa backstage.

Pero hindi na niya nakita ang mga ito.

Gigil na umuwi na lang ang binata, bukas ay mas madali na niyang mahahanap ang dalaga na Jackie pala ang pangalan. Mas madali nang ipagtanong kung saan ang bahay ng nanalong mutya ng dagat, kaysa magtanong kung saan ang bahay ng anak ng lasenggerong si Mang Joseph.

Gayunpaman, naging mailap pa rin kay Dominic ang antok.

Ang ganda pala talaga niya, lalo na kapag naayusan. Pero bakit naman kasi kung an-ano ang pinagsasabi niya ng araw na iyon, nagmukha tuloy siyang luka-luka? Pero bindi bale, hihingi talaga ako ng sorry sa kanya kapag nagkausap na kami. Sana naman, mawala na ang galit niya sa akin.

Nakatulugan na ng binata ang balaking iyon.

“AH, SI, JACKIE? Doon sa dulo ng aplaya, iyong dalawang balangkas na bahay na gawa sa pawid at sawali. Iyong medyo nakagiray na dahil nadaanan ng bagyo noong nakaraang buwan. Iyon ang bahay nila,” wika ng babaeng napagtanungan ni Dominic.

“Ah, salamat ho! Sige ho.”

“Salamat din. Hay, ang guwapo!”

Nangiti na lang siya sa papuri nito, pagkuwa’y pinaandar na ang kanyang kotse para hanapin na ang bahay na tinutukoy nito.

Ilang pagtatanong pa ang kanyang ginawa at natanaw na rin sa wakas ang hinahanap na bahay.

Doon pala siya nakatira. Oo nga, giray na. Kawawa naman siya, talaga palang mahirap lang ang buhay nila.

“Tao po! Magandang araw po!”

Ilang pagtawag pa ang ginawa ni Dominic bago may sumungaw na matandang lalaki.

“O, sino iyan?” nag-aaninag na lumabas ito, medyo sumusuray pa. Halatang lasing pa at nangangalingasaw ang alak sa hininga.

Nahinuha niyang ito na si Mang Joseph.

“Ah, dito ho ba nakatira si Jackie, iyon hong nanalong mutya ng dagat kagabi?”

Kumunot ang noo nito, saka bahagya pa siyang inaninag.

“Oo, anak ko siya! Bakit mo hinahanap ang anak ko, ha?” medyo pagalit pa nitong tanong.

“Ah…” nataranta siya sa pag-iisip ng idadahilan. “Ah, napanood ko ho siya kagabi sa koronasyon, may-ari ho ako ng isang advertising company, balak ko ho sana siyang alukin na maging modelo ng aming kumpanya.”

Gustong batiin ni Dominic ang sarili dahil agad niyang naisip iyon.

“Talaga? Kukunin mong modelo ang anak ko?” Tila naman natuwa agad ito sa narinig.

“Ah, oho. Malaki ho ang kikitain niya, mapapanood pa siya sa mga TV commercial.”

“Wow! Okay, ah! Halika, pasok ka muna.” Niluwangan nito ang bukas ng pinto at hinila pa siyang papasok. “Maupo ka.”

“Salamat ho.”

Naupo na rin ito.

“Wala ang anak ko, eh, pero ang asawa kong si Inez ay namili ng paninda sa kabayanan. Alam mo, balak kasi naming magtayo ng tindahan. Gagamitin naming puhunan iyong naging premyo niya sa patimpalak kagabi. Alam mo, talagang iyang anak kong si Jackie ang nakatakdang humango sa amin sa kahirapan.

Bata pa iyan ay napakalaki na ng tulong sa aming mag-asawa. At nitong may edad na ako, aba, pati na trabahong-lalaki ay kinakaya. Marunong mamalakaya ng isda sa karagatan iyan. Pero sa tingin ko, ngayong nanalo siya sa patimpalak na iyon, magsisimula na ang magandang buhay para sa kanya. Kilala ko iyang anak ko, walang—”

“Joseph, sino ba iyang bisita mo?”

Napalingon sila sa nagsalita.

“Ah, magandang umaga ho!” agad niyang bati nang makita ang isang may edad ng babae na maraming pinamili. Nahinuha niyang ito ang ina ni Jackie.

“Magandang umaga naman.”

“Oy, Inez, alam mo bang may-ari siya ng isang advertising company sa lungsod?” kuwento agad ni Mang Joseph.

“H-h?? Ano iyon?”

“Ah, ang kumpanya ho namin ang gumagawa ng iba’t ibang commercial para saTV.”

“Oo, iyon nga. At alam mo ba kung bakit siya narito? Napanood daw niya si Jackie kagabi sa koronasyon at nagandahan siya rito. Kaya raw kukunin niya itong modelo.”

“H-ha? Talaga ba?” maang na baling ng babae kay Dominic.

“Ah, oho!” Itinuloy na niya ang pagsisinungaling.

“Naku, sa palagay ko’y ang anak ko ang dapat mong makausap sa bagay na iyan. Pero wala kasi siya, eh, Sinundo siya kanina ni Congressman dahil dadalo sila sa handaan sa bahay ni Mayor.”

“Ho?” Tila may kung anong pumiga sa puso ni Dominic sa narinig. Parang gustong mag-isip ng kung anu-ano ang binata.

Ang gagang iyon, komo bigtime ang lalaking nakilala niya kagabi, hindi na bumitaw. Bakit, dahil nagbabakasakali siya na magkakaasawa ng mayaman kahit na hindi masyadong guwapo pero hindi naman madaling mamatay?

“Pero kung balak mo siyang hintayin, palagay ko’y baka mainip ka. Nasabi rin kasi sa akin ni Congressman na tutuloy sila sa Kapitolyo para ipakilala sa gobernador si Jackie. Gusto rin kasi nila ang dalaga namin na kumandidata para sa panlalawigang patimpalak pangkagandahan.”

“Ganoon ho ba?” gustong manlumo ni Dominic.

Parang ang dami naman yatang balakid sa daraanan niya gayung gusto lang naman niyang makausap si Jackie.

“Ah, sa palagay ho ninyo, mga anong oras siya darating?’

“Baka gabi na.”

“Kung ganoon ho, babalik na lang ako bukas.”

“Sige. Teka, ano nga bang pangalan mo” naalalang itanong ni Mang Joseph.

“Ah, Dominic El Greco ho.”

^_^

Loved By The Rules (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon