Ang Magmahal at Hindi ang Mahalin

9 2 1
                                        



Ano nga ba ang mas masarap, ang magmahal o ang mahalin? Nagkaroon tayo ng iba't ibang paraan kung paano iparamdam at maramdaman ang pagmamahal. Marami na sa atin ang nasubukang magmahal gayundin ang mahalin, ngunit paano kung ang naitadhana sa atin ay ang magmahal lang at hindi ang mahalin?

Ika-27 na naman ng buwan. Ito ang laging hinihintay ni Morisette. Nasasabik siya sa tuwing inaabangan sa kalendaryo ang petsang ito. Muli na naman kasi silang magkikita ni Marco dahil monthsary nila. Magkikita na naman sila sa dating pinupuntahan niila. Sa lugar kung saan perpekto para sa magkasintahan- sa parke.

Naghanda at nagbihis si Morisette. Paikut-ikot at naka-ilang balik sa harapan ng salamin upang makita ang sarili. Ilang sandali pa ay umalis na siya at nagtungo sa parke. Alas nuebe ang usapan nila ni Marco, pero bago pa man sumapit ang oras ay naroon na siya. Tatlumpung minuto ang nakalipas ngunit wala pa rin si Marco. Nagtiyaga siyang nag-antay hanggang sa dumating na nga si Marco. Matamis na ngiti ang isinalubong ni Morisette kay Marco samantalang pilit na ngiti lamang ang naisagot sa kanya. Naglakad-lakad ang dalawa sa parke magkahawak ang kamay at nag-uusap. Sa kanilang pag-uusap, halos si Morisette lang ang nagsasalita siya lang ang nagdadala ng usapan para hindi magiging-boring ang kanilang pagsasama, nasanay naman na siya. Si Morisette rin ang nagyaya para magmeryenda, mag-ice cream at kung anu-ano pa dahil hindi naman nito magawa ni Marco sa kanya.

Matapos ang pamamasyal ay napaupo ang dalawa at dinama ang lamig na likha ng simoy ng hangin. Biglang nagsalita si Marco, "Sette! hindi ka ba napapagod na mahalin ako"? tanong niya sa kasama. Nakakabinging katahimikan ang pumagitna sa kanila. Ilang sandali pa ay tumingin si Morisette kay Marco, at ngumiti sa kanya. Mababatid sa mukha niya ang kalungkutan dahil sa nangingilid na luha sa kanyang mga mata na pilit niyang ikinubli.

Walang mga salita ang lumabas sa labi ng dalawa hanggang sa makauwi na sila.

Nag-isip siya ng malalim. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit siya nasasaktan dahil sa nangyari.Maraming bagay ang napagtanto niya at gumulo sa kanyang isipan. Lahat na lang ay ginagawa niya para sa kaniyang minamahal. Palagi na lang na siya ang umiintindi at nagbibigay. Naguguluhan na siya kung tama ba na siya na lang lagi?na siya na lang lahat? Sa dami ng kanyang iniisip ay hindi na niya namalayan na siya'y nakatulog .

Pagkagising niya, nakatulala at nagmumuni-muni si Morisette. Napangiti na lamang siya at bumangon na. Humarap siya sa salamin at nag-ayos. Maraming bagay ang kanyang napagtanto at ng dahil doon marami rin siyang tinanggap. Tinanggap na sadyang lahat ng bagay na nangyayari ay may dahilan at ang pinakanatanggap niya sa sarili ay... may mga tao talagang itinadhana upang magmahal lang at hindi ang mahalin sila.

Balang araw ay siya na rin ang mamahalin at sa pagkakataong iyon ay muli siyang magmamahal.

Ang Magmahal at Hindi ang MahalinStories to obsess over. Discover now