Nahagip ng mata ko ang mga basag na piraso ng salamin at mula roon ay kitang-kita ko ang aking repleksyon. Namumutla, nangangayayat, pulang-pula ang mata sa kakaiyak, puno ng galos at pasa.

"Anak! Ano bang nangyayari sa iyo? Hindi ka na lumalabas diyan sa iyong silid! Buksan mo itong pintuan, parang awa mo na nag aalala na kami ng iyong ina, Amelia!"

Malakas kong sinipa ang basag na salamin palayo sa'kin para hindi na makita ang repleksyon ko at mas lalo pang binalot ang sarili ng makapal na kumot.

Nanginginig ang buong katawang impit na humikbi, natatakot na baka marinig nila ama. Hindi ko alam kung paano ko sila haharapin, kung paano pa ako tatayo, magpapatuloy sa paglakad at takbo sa pesteng buhay na to.

Gusto kong sumigaw, isigaw lahat ng takot at galit hanggang sa mawalan ng boses. Bakit ba kailangan ko tong maranasan? Bakit ang sama ng mundo sa'kin? Wala naman akong ginawang mali. Mabait ako sa lahat, matulungin, maalaga, mapagmahal, masayahin pero kahit anong bait ko pinaparusahan pa rin ako, ipinaranas pa rin sa'kin ang impyerno. Araw-araw sinusunog sa buhay na to.

"Lucy? Hey baby it's me, nakuwi na ako mula sa pagsasanay. Sabi nila nanay isang linggo ka nang nagkukulong dito. May problem ka ba? Anong nangyayari? Nandito na ako, pwede mong ikwento sa akin kung hindi ka komportableng magkwento kila nanay."

Napatakip ako sa bibig ko para pigilan ang malakas kong hikbi nang marinig ko ang boses niya.

Hindi na ako makahinga ng maayos, nanginginig na ang buong katawan ko sa sobrang pag iyak. Nanlalabo na ang paningin ko dahil sa mga luha.

"Gustuhin man naming pumasok sa loob ay inililigaw kami ni Amelia tuwing nagtatangka kaming pumasok gamit ang mahika. Mark anak, kausapin mo naman si Amelia, hindi na namin alam kung anong nangyayari sa kanya, basta na lang isang araw hindi siya umuwi tapos kinabukasan nakita na lang siya nila Nestor sa talahiban na wala sa sariling naglalakad at nang iuwi siya ay nagkulong na siya sa kanyang silid."

Napunit na rin ang parte ng kumot na hinahawakan ko kaya ramdam ko ang pag-agos ng dugo mula sa dalawang palad ko dahil sa mga kukong bumaon sa sobrang higpit ng magkakuyom ko.

"Sige po itay, ako na po bahala sa kanya."

Maya-maya ay narinig ko ang papaalis na yapak ng dalawang tao. Ilang inutong namayani ang katahimikan nang marinig ko ulit ang boses niya.

"Lucy? Papasok ako."

Maya-maya ay narinig ko ang ingay ng isang susi at ang paggalaw ng seradora ng pintuan.

Sunod-sunod akong umiling at mas lalong isiniksik ang sarili sa sulok. "W-wag..." halos hindi ko na marinig ang sarili kong boses sa sobrang hina.

Gusto ko man siyang iligaw sa pag pasok niya ay hindi ko kayang gawin dahil mas malakas ang mahika niya at mas napag aralan niya itong gamitin kesa sa'kin. Hindi ko na rin kaya ang panghihina dahil ilang araw na akong walang kain at maayos na tulog.

Walang pang minuto ay naramdaman ko na ang presensya niya.

"Lucy..."

Ayoko siyang lingunin, hindi ko kaya...

Tanging ilaw mula sa lampara ko lang ang ilaw rito sa loob, hindi ko siya tanaw at ayoko siyang tanawin. Wala na akong mukhang maihaharap sa kanya.... marumi na ako...

Rinig ko ang mga yapak niyang papalapit sa akin kaya mas lalo kong idinikit ang aking sarili sa pader.

Hindi, hindi niya na ako pwedeng lapitan. Mababasag lang kami pareho.

"Hey babe what happened?" bakas sa boses niya ang sobrang pag aalala.

Dati ay kumakalma na ako pag naririnig ko ang kanyang boses pero ngayon natataranta na ako at natatakot, hindi dahil sa kanya mismo kundi sa ideyang pag nalaman niya ang nangyari ay aalis siya, masasaktan, mababasag.

Tale Of Lucy NakaharaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon