"Pare-pareho pa ang bahay," lilinga-linga pa uli'ng sabi ko.

Wala masiyadong bahay sa lugar na 'yon, iilan lang ang nakikita ko at pare-pareho pa. Kung ako ang tatanongin ay para kaming nasa probinsiya, malamig din kasi ang simoy ng hangin at iba ang amoy. Mas masarap langhapin kaysa sa Maynila.

Mayamaya pa ay ikinanan na ni mama ang kotse 'tsaka kami huminto sa isang hilera ng mga bahay. Katamtaman lang ang laki ng mga iyon pero sa malayo pa lang ay malinis at kaaya-aya nang tingnan. Napakalawak ng bakuran at kung hindi ka taga-rito, sa unang tingin ay pwede mo iyong mapagkamalayan paaralan ng elementarya. Kapag napagmasdan mo nang maigi ang mga tahanan ay masasabi mo nang apartment nga ang mga ito.

Mabilis kaming kumilos ni mama at bumaba, lumapit siya sa ale na nagwawalis sa bukana. "Ah, magandang gabi ho?" panimulang bati niya sa ginang, nilingon naman agad kami nito at ngumiti. "Kami ho 'yong bagong lipad dito. Saan ko ho ba mapupuntahan 'yong bahay ng may-ari? Magpapakita lang ho sana kami, dito na rin kasi kami tutuloy ngayon ng anak ko."

"Ah, kayo ba iyon? Tuloy kayo," iminuwestra pa kami nito papasok. "Wala si Mang Teban pero sa tingin ko ay pauwi na rin sila ng kaniyang apo," anang ginang.

Hindi ko na pinakinggan pa ang usapan nila, iginala ko na agad ang aking paningin. Napakatahimik sa lugar na 'yon at maganda ang tanawin hindi katulad sa lungsod na paglabas mo ay mga nakasampay na damit ng kapit-bahay ang bubungad sa 'yo. May manmade basketball court na pinalilibutan ng malalaking puno at sa pinakadulo ay may papag na gawa sa kawayan. May duyan din sa katabing puno no'n at nasasabik na akong subukan iyon minsan.

Sa tingin ko ay mas okay dito, kahit tabi-tabi ang apartments ay mukhang malawak naman sa loob. Bukod do'n ay malinis pa at mukhang tahimik. Sana nga ay tahimik dito at hindi dahil hapon lang. Hindi tulad do'n sa pinanggalingan namin na parang araw-araw may gulo. Tch!

"Halika na, Maverick!" tinawag ako ni mama, paglingon ko ay pabalik na siya sa kotse kaya agad akong sumunod.

"Ano raw, 'Ma?"

"Ibaba na natin ang mga gamit at ibibigay sa 'tin ni Manang ang susi."

"Sino 'yon?"

"Kapatid no'ng may ari," nakangiting aniya, nakangiwi naman akong tumango-tango.

Isa-isa naming ibinaba ang mga gamit at gaya nang sinabi ni mama ay ibinigay nga ng ginang ang susi. Ang ookupahan namin ay iyong ikaapat na apartment mula sa unahan. Dati ay ayaw naming paggigitnaan ng bahay dahil baka mainit sa loob pero nang mapasok namin 'yon ay agad na bumungad sa 'min ang napakalamig at maaliwalas na hangin. Dumidilim na kaya kinailangan naming buksan agad ang ilaw, at pareho kaming natuwa ni mama nang makita namin kung gaano kalaki ang apartment na 'yon.

Nilinis ni mama ang loob habang naging abala naman ako sa pagbababa ng iba pang gamit mula sa kotse. Tumulong din ako sa pagsasalansan ng mga iyon sa loob ng bahay. Hindi na kami nahirapan, una ay dahil sanay na kaming maglipat. Ikalawa ay dahil kaunting gamit lang ang meron kami ni mama. Kasya lang ang mga iyon sa kotse dahil wala naman kaming mga naglalakihang appliances. Kadalasan ay iyong mga fully furnished na ang kinukuha niya, pero kelan lang no'ng mahirapan siyang kumuha ng gano'n dahil masiyadong mahal. May TV kami, sapat lang ang liit no'n. Meron din kaming dalawang electric fan at bukod sa mga cell phone ay may tig-isa rin kaming laptop. Pocket wifi na lang ang gamit namin na pang-internet at maswerteng mabilis naman sa lugar na 'yon ang connection.

Gabi na nang maisaayos namin ang lahat ng gamit, magkayakap naming pinagmasdan ang malinis at maganda nang kabuuan ng bahay. Kaaya-aya talaga ang lugar na 'yon at masarap ang hangin, hindi amoy lungsod at hindi nakakasawang amuyin.

MAXINEJIJI'S ONE SHOT COLLECTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon