Ang Lasa ng Tinola

Start from the beginning
                                    

"Oo na. Kung ayaw mong umamin, halata naman. At balang-araw, aamin ka rin. Alam ko iyon," paniniguro niya.

Hindi na ito nagsalita. Naiiling at natatawa ang kanyang ina sa kanilang dalawa. Binuhat niya ang tray na kinalalagyan ng mga order niya at dinala iyon sa bakanteng mesa na malapit sa bintana.

Habang kumakain ay napansin niya ang isang dalagang nakaupo sa harap ng mesang katapat ng mesang kinapupuwestuhan niya. Nagtagpo ang kanilang mga mata nang mag-angat ito ng tingin.

Bumilis ang tibok ng puso niya. Napakaganda kasi nito. Nginitian at kinawayan niya ito. Ngunit binalewala siya nito. Ibinalik nito ang pansin sa kinakain nito. Mukhang suplada ito. Pero natabunan iyon ng taglay nitong kagandahan.

Patingin-tingin siya sa dalaga. Nahuhuli rin niya itong nakatingin sa kanya. Umiiwas naman ito kaagad sa tuwing nagkatitinginan sila. Napangiti lang siya nang inirapan siya nito nang kinindatan niya ito.

Mukhang kanina pa ito nandoon. Binilisan niya ang pagsubo. Nilapitan niya ito pagkatapos niyang kumain.

"Hi!" bati niya rito. Umupo siya sa tapat nito. Kaaalis lang ng kasama nitong kumain sa mesa.

Isang matipid na ngiti ang itinugon nito.

"Kumusta?" basag niya sa katahimikang namagitan sa kanila.

"Kumusta?" ulit nito sa sinabi niya. "Magkakilala ba tayo?"

"Hindi."

"Hindi naman pala. Kung makapangumusta ka kasi parang matagal na tayong magkakilala."

"Hindi ba puwedeng kumustahin ang isang tao kapag hindi mo siya kakilala?"

Tila nag-isip ito ng maisasagot. "P-Puwede naman."

"Puwede naman pala. Bakit nagtataka ka pa na kinukumusta kita?"

"Feeling close ka kasi."

"Okay. Inaamin ko. Feeling close ako. Pero kinukumusta lang naman kita kung ano ang nararamdaman mo, kung ano ang pakiramdam mo sa mga oras na ito. At puwede naman tayong maging close, hindi ba?"

"Parang sigurado kang magiging close tayo, ah! Sa palagay mo, sasang-ayon ako sa iyo?"

"Alam kong sasabihin mong "hindi" pero alam ko, "oo" ang gusto mong sabihin."

"Ayos ka rin, ah! Makulit ka siguro, ano? Bakit ko pa ba tinanong? Halata naman." Sumubo ito ng kanin na hinaluan nito ng ulam.

Napatingin siya sa kinakain nito. "Paborito mo ba ang tinolang manok?" tanong niya.

Lumunok ito bago sumagot. "Kapag inuulam mo ba ang isang ulam, paborito mo na kaagad? Hindi ba puwedeng gusto mo lang subuking ulamin?"

"Pasensiya ka na," natatawang sabi niya.

Nagpatuloy ito sa pagkain. Tila binibilisan nito upang mabilis maubos. Tumayo ito pagkatapos uminom ng soft drinks.

Tumayo rin siya. "Aalis ka na?"

"Oo. Tapos naman na ako. Marami pang kakain. Isa pa, napapansin kong kanina pa patingin-tingin sa akin iyong nasa counter. Mukhang may gusto sa iyo. Baka girlfriend mo siya. Baka kung ano'ng gawin niya sa akin mamaya."

Tiningnan niya ang tinutukoy nito na abala sa mga kustomer. "Ah, si Loisa? Wala 'yan. Kaibigan at kaasaran ko 'yan dito."

"Kailangan ko nang umalis. Nakalimutan ko kasing gawin ang assignment para sa susunod na klase. Pasensiya ka na."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 25, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now