Kumaway ako kay Mommy. Kumaway rin siya pabalik sakin at pinaandar na niya paalis ang kotse. Naiwan akong nakatanga rito sa may parking lot.
Tiningnan ko ang mga estudyanteng papasok sa school. Bakas sa mukha nila ang excitement. Ako lang yata ang ayaw pumasok.
Unti-unti na akong naglakad sa entrance ng school. Napahigpit na ang hawak ko sa bag at nararamdaman ko ang panginginig ng mga kamay ko. Pinagtitinginan na ako ng mga tao.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Simula na naman ng panibagong kalbaryo. Binilisan ko na lang ang aking paglakad hanggang sa...
“Aray naman kuba! Tumigin ka nga sa dinadaanan mo! Tatanga-tanga kasi eh!” Tinapik pa ng mataray na babae ang ulo ko gamit ang daliri niyang nakaduro sa akin.
Hindi ko naman sinasadya na mabunggo siya. Unang araw pa lang ng klase at mukhang may kaaway na ako.
“S-sorry. H-hindi kasi kita nakita.” Sabi ko sa kanya sa mahinang boses. Napayuko ako lalo. Nahihiya na talaga ako ngayon dahil nakita kong nagkumpulan ang mga tao sa amin.
“Paano mo ako makikita kung nakayuko ka? At kung hindi ka rin naman tanga at nagmamadaling naglakad, eh di sana wala kang madidisgrasya!” Umirap pa sa akin ang babae bago ako tinalikuran. Nakikita ko na naman ang mga tinginan at bulungan ng mga tao sa paligid.
“Ang tanga naman ng kuba.”
“Kuba na nga, mas lalo pa siyang kumukuba sa kakayuko niya.”
“Sana di natin siya magiging kaklase.”
Umalis na ako roon at dumiretso sa CR. Napatingala ako para pigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Nang makalma ko na ang sarili, dinampot ko na ang bag ko at lumabas ng CR. Saktong pagring ng school bell, nakapasok na ako sa loob ng room.
“Ay! Si kuba kanina!”
“Hala! Kaklase natin siya?”
“Patay siya kay Shan.”
Sinundan ko ng tingin ang tinutukoy nilang Shan. Patay talaga! Yung babaeng nabunggo ko kanina. Kaklase ko pala siya.
Nakita kong tumaas ang kilay niya nang makita ako. Iniwas ko ang tingin ko at naghanap ng bakanteng upuan. Nakita kong may dalawa pang bakante sa may dulo kaya agad akong naglakad patungo roon.
Kaaway na nga yata ang tingin nila sa akin kaya tinapilok nila ako. Napasubsob ang mukha ko sa sahig. Tumatawa ang buong klase habang tumatayo ako. Nararamdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko kaya agad akong napatakip ng mukha at umupo sa bakanteng upuan.
“Iyakin pala si kuba!” Narinig kong sabi ni Shan habang tumatawa. Hindi ko kayang lumaban sa kanila kaya umiiyak na lang ako ng tahimik.
Pumasok na ang susunod na guro namin at sinaway na ang buong klase.
“Settle down class! Settle down!” Agad kong pinunasan ang pisngi ko at nag-angat ng tingin.
Bigla namang may nagtapon ng nilukot na papel at sapul ito sa mukha ko. Nakita kong napahagikgik ang mga kaibigan ni Shan sa ginawa niya. Nakataas ang kilay ni Shan habang nakatingin sa akin at mapang-uyam siyang ngumiti bago binaling ang atensyon niya sa teacher na nagsasalita sa harapan.
Mag-isa akong kumakain dito sa canteen. Walang gustong makipagshare ng lamesa sa akin kahit nakikita kong puno ang buong canteen.
Napahinga ako ng malalim. Iniligpit ko na ang lunch box ko at inilagay sa loob ng bag. Umiinom ako ng tubig ng makita kong papalapit si Shan at mga barkada niya sa akin.
“Kawawa ka naman kuba.” Ngumiti siya sa akin na parang may masamang balak.
Lumipad ang tingin ko sa hawak niyang styro na may lamang spaghetti. Mukhang alam ko na ang gagawin niya.
Nagtawanan ang mga estudyanteng nakakita ng eksena. Tumawa rin si Shan at mga barkada niya habang ako, nanglalagkit sa spaghetting tinapon niya sakin.
“Sa susunod kasi huwag mo akong kakalabanin.” Inirapan pa ako ni Shan bago siya umalis kasama ang mga alipores niya.
Agad kong dinampot ang mga gamit ko at nagtatakbong pumunta ng CR. Puno ng mantsa ang white uniform ko at mangiyak-ngiyak ako habang pinapaliguan ang ulo kong binuhusan ng spaghetti.
Nananahimik lang naman ako eh. Bakit kailangan niya pang gawin sa akin iyon? Nanghingi na ako ng dispensa sa pagbangga ko sa kanya kanina. Ano pa bang kailangan niya sa akin?
Tumunog na ang school bell, tanda na tapos na ang lunch break.
Wala na akong panahon para magpatuyo ng buhok kaya mukha tuloy akong basang sisiw sa itsura ko. Kaysa naman malate, dali-dali akong lumabas ng CR at pumasok ng room.
Nagtitipon-tipon ang mga kaklase ko sa bakanteng upuan na nasa tabi ko. Ano na namang ginagawa nila?
Unti-unti akong lumapit sa upuan ko at sakto namang pumasok ang susunod na guro namin kaya nagsipagbalikan sila sa kani-kanilang upuan.
Alam ko na kung ano o sino ang pinagkakaguluhan nila.
May bagong estudyante.
Habang papalapit ako sa kanya, tinititigan niya rin ako na parang inaalam ang buong pagkatao ko. Nararamdaman kong namula ang aking mga pisngi kaya umiwas ako ng tingin at naupo na lang sa tabi niya
Sumulyap ako sa unahan at nakita kong sumama ang tingin ni Shan sa akin. Ano na naman bang ginawa ko? Mukhang malilintikan na naman ako mamaya.
Mula sa peripheral vision ko, pinagmasdan ko ang lalaki. Tila bored na bored siya kaya pinaglalaruan niya ang hawak niyang ballpen. Sinulyapan niya ako kaya agad kong diniretso ang titig ko sa blackboard.
Ibinuka niya ang bibig niya, anyong magsasalita na. Nagbago yata ang isip niya kaya nanahimik na lang. Napabuntong-hininga ako. May dadagdag na naman pala sa manlalait sa akin.
“What’s your name?”
Hindi ako lumingon kasi imposibleng kakausapin niya ako. Baka hindi para sa akin iyon at malay ko ba kung kausap niya pala yung katabi niya sa kanan.
“Hey, you’re ignoring me.” Nararamdaman kong kinalabit niya ang braso ko.
Ako nga talaga ang kausap niya. Unti-unti akong lumingon sa kanya at mariin siyang nakatitig sa akin. Hindi ko masalubong ang mga mata niya kaya agad kong binaling ang tingin ko sa harapan.
“F-floren ang pangalan ko.” Usal ko sa mahinang boses.
Nakita ko siyang marahang tumango.
“Oh. Okay.”
Hindi na siya nag-abalang kausapin ako pagkatapos. Maghapon kaming walang imikan hanggang sa matapos ang klase.
Agad-agad akong umalis para hindi na ako pag-initan ni Shan at makalayo na rin sa mga titig ng katabi ko.
Nasa pinto na ako nang sulyapan ko muli ang lalaki. Pinagkukumpulan na naman siya ng mga kaklase ko at nakita kong nakatitig pa rin siya sa akin.
Awtomatikong namula ang pisngi ko at halos patakbo akong umalis sa room.
YOU ARE READING
Sa Likod ng Lahat
General FictionKinalakihan na niya ang panglalait ng mga tao. Alam niya naman na ganito talaga ang mundo lalo na't may kapansanan siya. Ang tanging hinangad lamang niya ay ang magkaroon ng totoong kaibigan. Laking-tuwa na lamang niya nang makatagpo niya si Seb, an...
