“Hiro, please, ‘wag mo silang isama!” ikatlong sigaw ko. Pero parang wala kang naririnig. Patuloy kang naglakad palayo.

“Hiro!”

“Hiro!!”

“HIRO!!!”

‘Yan ang huli kong nasabi sa panaginip ko na s’yang una ko ring nabanggit nang mamulat ako.

Pagkagising ko, ramdam na ramdam ko ang pagtulo ng malalamig kong pawis; ang bilis ng tibok ng puso ko; at ang init ng pakiramdam ko. Dahil na rin siguro ang mga ito sa sobrang kaba. Hinahabol ko ang aking bawat hininga.

Nanginginig ako.

“Panaginip lang lahat Janella, panaginip lang,” bulong ko sa sarili ko. Pinipilit kong pakalmahin ang lahat ng nababagabag kong mga ugat sa katawan.

“Okay ka lang ba?!” Napatingin ako sa kanya na nagmamadaling mapuntahan ako. Mabuti na lang at nandyan s’ya. Hindi ko alam kung paano ako sasagot… Hindi ako okay dahil sa  bangungot ko, pero ngayong niyayakap n’ya ‘ko, pakiramdam ko ay okay na okay na ako.

“Hiro…”

“Shhh… Nandito na ‘ko, wag ka ng umiyak. Tahan na...” Kasunod nito ay hinigpitan n’ya pa ang pagkakayakap sa akin. Patuloy naman akong lumuluha sa dibdib nya. Takot na takot ako. “’Wag ka ng umiyak, nandito lang naman ako…” Marahan n’yang hinahaplos ang buhok ko. Pero hindi ako makatahan. Sumasakit na rin ang mga mata ko sa sobrang pag-iyak. Ang dami ko na agad nailuha kahit saglit pa lang nang magising ako. “Sige na, matulog ka na lang ulit. Dito lang ako sa tabi mo...”

Bilang sagot ko ay tumango na lang ako. At pumikit. Pagod na ‘ko. Pagod na pagod na ‘ko…

Naramdaman kong hinalikan n’ya ‘ko sa aking noo. Hindi ko na rin alam kung totoo pa rin ba ‘yon o unang parte na ‘yon ng panaginip ko. Hindi ko alam, wala akong alam. Basta ang gusto ko lang makapagpahinga na. Kahit saglit lang…

…kasi pagod na ‘ko. Pagod na pagod na pagod na talaga ‘ko.

 

Akala ko noon, hindi totoo ang ganong klaseng tagpo.

Totoo pala.

 

Naisip ko, siguro panahon na para sundin ko na kung anumang gusto ng Diyos para sa atin. Halos dalawang taon na ‘kong nakikipaglaban sa kagustuhan kong makasama ka laban sa kagustuhan N’yang makasama ka na N’ya sa kaharian N’ya.

Maybe, God wants me to stop praying for two hours more.

Maybe, our time is really over.

Maybe, if I would not just go against His will, maybe I would be happy.

Or maybe…just maybe, He wants me to learn to live my life…without you.

Gaano kahirap tanggapin ‘yon? Napakahirap. Pero kung ‘yon ang gusto N’ya, then…His will be done.

 

Hiro…mahal na mahal na mahal pa rin kita. Pero sa araw na ito, gagawin ko kung anong gusto mo.

Sa pagsisimula ng ikadalawampu’t isang taon ko sa mundong ito, gagawin ko kung anong gusto mo.

Gusto ko lang sanang malaman mo na, wala akong pinagsisihan.

Wala.
Kahit isa.

Wala akong pinagsisisihan na hinyaan kong maging parte ka ng buhay ko. Wala akong pinagsisishan na minahal kita.

Wala talaga.

Maraming salamat sa lahat-lahat.

Hindi ko alam kung kakayanin ko ba ito. Sa totoo lang kahit minsan hindi ko naisip na kalimutan ka at ang nararamdaman ko para sa’yo. Pero gagawin ko.

Hindi lang siguro para sa’yo.

Kundi para na rin sa sarili ko.

Salamat sa lahat-lahat, Hiro.

 

Siguro nga, mali na hilingin ko sa’yo na palayain mo na ‘ko.

Siguro nga, sa sarili ko mismo magsimula ang pagpapalaya ko sa’yo.

Kasabay ng pag-iwan at pagbabaon ko rito ng apat na bagay na nagbubuklod pa rin sa’tin hanggang sa mga oras na ito…

…ngayon…

 

…pinapalaya na kita.

 

Pinapalaya ko na ang sarili ko mula sa’yo.

Pinapalayo na kita mula sa pagmamahal ko.

 

Ngayon, malaya ka na.

Ngayon, malaya na ‘ko.

Ngayon, malaya na tayong dalawa.

 

Paalam, Hiro.

IcarusWhere stories live. Discover now