pagkadaan ng truck, pagtapos ng busina...

564 24 3
                                    

madalas naririnig mula sa bibig ni Nidora ang katagang "Sa Tamang Panahon". halos araw-araw niya itong sabihin at ipaalala sa lahat ng nakikinig.

sa sipag, tiyaga at dasal, lahat ng bagay ay nangyayari at dumadating sa tamang panahon.

"tulala ka dyan," asar ni Anselmo sa tulalang Nidora. tumingala ang babae at napangiti. "nandito na nga ako, iniisip mo pa rin ako."

"hindi ikaw. iniisip ko yung mga babayaran na bill dito sa bahay," biro ni Nidora at natawa silang dalawa pagtapos ay natahimik.

inimbitahan ni Nidora ang dating kasintahan sa kanilang munting bahay upang makapag-usap pa sila ng masinsinan bago pa man bumalik si Anselmo sa Amerika. iniwan sila ng kanyang mga kapatid, Divina at Alden sa sala para makapagsolo. nanibago ang lalaki sa estado ngayon ng buhay ng mga Zobeyala pero ipinaliwanag agad ni Nidora ang nangyari sa kanila.

"pinatawad mo na ba ang mama Ariana, 'Selmo?"

"hm?"

"sa lahat ng kalupitang pinadanas niya sayo, sa atin? sa pagtaboy niya sayo palayo sa akin, sa pagpapasakit, sa pagpigil niya sa pagiibigan natin. napatawad mo na ba siya?" tanong ni Nidora.

ilang sandali ding nag-isip si Anselmo, binalikan ang mga alaalang noon ay masakit ngunit ngayon ay masarap sariwain.

"noong una siguro ay hindi. galit na galit ako dahil nadurog ang puso ko nang malaman kong pumunta ka ng Amerika nang hindi man lang nagpaalam ng maayos. inisip kita at ang dinadala mong bata, paano kayo doon? sino ang tatayong tatay ng anak natin? ngunit nang sabihin sakin lahat ni Pepito ang nangyari sayo, ang nais ko lamang gawin noon ay puntahan ka at yakapin ngunit ayaw sabihin ng iyong mama ang pinaroroonan mo. halos magdilim ang paningin ko sa init ng galit ko, Nidora, pero alam kong hindi mo magugustuhan kung bastusin ko siya kaya nagpakalayo nalang ako at doon nakapag-isip isip. siguro nga ay tama na inilayo ka niya sa akin ng mga panahong iyon dahil isa lang akong dukha. anong mapapakain ko sayo, sa supling na isisilang mo? saan tayo maninirahan? anong klaseng buhay ang mabibigay ko?"

"alam mo namang wala akong pakialam sa mga bagay na yan, 'Selmo. hindi ko kailangan ng maranyang buhay. ikaw lang ang kailangan ko," sabat ni Nidora at napailing ang lalaki.

"alam ko, pero napagtanto ko na tama lang ang paghihiwalay natin noon. hindi pa tayo handa sa buhay na gusto natin, Nidora. hindi pa tayo handang harapin ang mas malupit at mabagsik ng mga darating na kinabukasan. masakit sa akin na malaman na nawala ang ating anak bago pa man siya nabuo, pero anong mapapakain ko sa kanya kung isinilang mo siya? Nidora, baka nga hindi pa iyon ang ating tamang panahon," katwiran ni Anselmo. sa puntong ito ay pareho na silang naluluha sa pagkamatay ng bunga ng kanilang pagmamahalan. hindi man nila ito nakapiling, pareho nilang ipinagdasal na sana ay alam nito na mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang.

"kaya ang sagot ko sa iyong tanong ay oo, napatawad ko na ngayon ang iyong Mama. alam mo namang ayaw kong may dinadalang sama ng loob kaya pinatawad ko na siya sa lahat ng naging kasalanan niya sa ating dalawa."

"kahit kailan talaga ay napakabuti ng puso mo, mahal ko."

napapikit si Anselmo sa sinabi ni Nidora at sa kanyang pagdilat ay niyakap niya ito ng mahigpit. napakalakas ng tibok ng puso niya sa sobrang tuwa, sigurado siyang nararamdaman iyon ng babaeng pinakamamahal niya.

ilang minuto din nakahiga si Nidora sa mga bisig ni Anselmo nang biglang pumasok sa bahay ang batang babae na inampon niya at ang kanyang manliligaw na may dalang supot na malamang ay naglalaman ng mga pagkain na kanilang memeriendahin.

napansin man o hindi ni Divina at Alden ang dalawang matanda ay hindi na sila nagsalita bagkus ay dumiretso sa kusina.

"sino ba si Alden?" bulong ni Anselmo sa tainga ni Nidora.

"manliligaw ni Divina. nung una ko siyang nakita, ikaw ang naalala ko, lalo na nung nagsimula siyang manligaw sa apo ko," sagot ni Nidora. "masugid manligaw. kahit anong ipagawa ko, ginawa niya para lang patunayan ang kanyang intensiyon. magalang, masipag, maginoo at higit sa lahat, mahal niya si Divina at pati na rin kaming mga lola."

"pinahirapan mo ba ang bata sa panliligaw?"

"kaunti lang naman. yun lang siguro ang namana ko kay Mama, ang pagiging mahigpit pagdating sa pag-ibig. hindi ko papayagang maagrabyado ang apo ko, 'no. ni lamok sa hibla ng buhok, hindi ko pinayagang dumapo."

"pahihirapan mo rin ba ako? baka palanguyin mo ko sa bundok ha, imposible yun," ngisi ni Anselmo at hinigpitan ang hawak sa kanyang sinta.

"ikaw nga itong magpapahirap sa akin. kababalik mo palang, aalis ka na agad. ikaw naman ang mang-iiwan, Anselmo," batid ni Nidora at hinawakan ang mga kamay ng irog. "baka hindi ko na kayanin kung ito na ang huli nating pagkikita."

"hindi. pangako ko, babalik ako sa'yo, Nidora. babalik ako at magsasama tayo. itutuloy natin ang naudlot nating nakaraan. babalik ako at iibigin kita hanggang malagutan ako ng hininga; kahit ako'y nasa kabilang buhay na, iibigin kita."

inilatag ni Nidora ang kanyang ulo sa dibdib ni Anselmo.

"umalis man ako, iiwan ko naman sa'yo ang puso ko, Nidora. naririnig mo ba ang bawat pintig at tibok? para sa'yo yan, aking mahal. ikaw ang dahilan niyan," pagsusumpa ni Anselmo. "umalis man ako, kalahati ng aking kaluluwa ay inaalay ko na sa iyo upang iyong panghawakan kasama ng aking mga pangako."

"sorry po sa istorbo, pero may binili po kaming pansit ni Alden. mag-merienda na po muna tayo," yaya ni Divina na napangiti sa pagkakayakap ng dalawang matanda at ningitian naman siya pabalik.

bumalik si Divina sa hapag-kainan at doon lang bumitaw sa isa't isa si Anselmo at Nidora at sinundan siya. nakaupo na sina Tidora at Tinidora habang naghahanda naman ng kubyertos ang mga bata.

nagkatinginan ang dalawang lalaki at nag-usap ang mga mata. kumurap si Anselmo sa direksyon ni Divina pero agad ding ibinalik ang atensyon kay Alden at mukhang nakuha naman nito ang mensahe at umiling. alam na ngayon ni Alden na hindi lang sa magkakapatid na Zobeyala siya sasagot sakaling mapahamak o masaktan si Divina dahil simula nang araw na ito, may lolo na din siya.

nagtama din naman ang mga mata nina Divina at Anselmo. tumango ang matanda, nangangako sa dalaga hinding hindi na ulit iiyak ang kanyang pinakamamahal na lola. tumango at ngumiti din si Divina bilang sagot. nagkakaintindihan sila.

naramdaman ni Anselmo na may humawak sa kanya at tinignan si Nidora at nakitang nakangisi naman ito sa kanya. itinaas niya ang kanilang magkabungkos na kamay at hinalikan ang likod ng palad ng kanyang sinta.

naudlot man ang relasyon nila noon, hinding hindi na sila magwawalay ngayon. ito na ang kanilang tamang panahon.

Together AgainDonde viven las historias. Descúbrelo ahora