Queued #1: URSA MAIOR

2.4K 56 7
                                    

Ursa Maior

POV: 3rd Person

Genre: Fantasy, Action

Hindi siya makapaniwala sa rebelasyon ukol sa kanyang pagkatao ilang araw lang ang nakakaraan… Hanggang ngayon ay wasak pa rin ang kanyang pusong matagal nang nangungulila para sa kanyang kinikilalang vater (ama). Winasak iyon ng kanyang Ornu (lolo) nang ipagtapat nito sa buong kontinente ng Ersad na hindi pala siya ang opro (apo) nito.

Bumuntong-hininga si Ursa. Mabuti nga at nagkaalaman na habang maaga pa. Hindi na siya mahihirapan pang sundan ang mga yapak ng kanyang vater sapagkat hindi naman pala niya iyon kaanu-ano.

Magkagayunman ay napakahapdi ng nagsusumiksik na nakaraan… Iyong mga sandali na nakasama niya ang kinilala niyang vater… ang pinakadakilang Magier (sorsero) ng isandaang ingkantasyon—

“—Ursa, mahal kong anak… bakit puro galos ka na naman? Nakipag-away ka na naman ba?”

 

Pinipigilan niya ang kanyang iyak subalit nung hindi na niya kinaya ay napasigok siya. “V-V-Vater… ang sabi nila ang pangit d-daw ng pangalan k-ko. H-Hindi niyo ba ako m-mahal kaya kapangalan ko ang oso?”

 

Ngumiti ang kanyang vater sa tinuran niya. Hinaplos pa nito ang kanyang magulong buhok at lalo pa itong ginulo. “Halika, umakyat tayo sa ituktok ng ating Domus (bahay).”

 

Sinundan ng batang si Ursa ang kanyang ama paakyat sa espasyo sa ituktok ng kanilang bahay na inilaan ng kanyang ama para sa pag-aaral ng astrolohiya. Nakita niya itong sumipat habang inaayos ang malaking teleskopyo.

 

“Halika” kapagdaka’y niyaya siya ng vater niya. Ipinasilip siya nito sa silipan ng teleskopyo.

 

“Ano ang nakikita mo, Ursa?” tanong sa kanya ng vater.

 

“Mga bituin po vater…” pagkasabi niya nun ay tinigilan na niya ang pagsilip sa teleskopyo.

 

“Nakita mo ba ang konstelasyong tinatawag na Ursa Maior?”

 

Sunod-sunod na pag-iling ang ginawa ni Ursa sa vater. Natatakot siya dahil baka mali ang isinagot niya sa harap ng dakilang Magier ng kanilang bayan.

 

Nagliwanag ang isang palad ng vater  niya at itinaas nito iyon sa ere. “LUMEN CANDIDUM!”

 

Namangha si Ursa sa kanyang namalas mula sa vater. Tumakas ang liwanag sa kamay nito at binagtas ang kalangitan. Nagkadugtong-dugtong ang mga makikislap na bituin hanggang sa nabuo ang isang imahe.

 

“Yan ang Ursa Maior… nakikita mo ba anak, kung gaano kaganda ang konstelasyon na iyan? Katulad iyan ng iyong buhay… hindi nila malalaman ang iyong kadakilaan hangga’t hindi mo iyon ipinapakita. Tandaan mo yan Ursa.”

 

Hindi niya maitatanggi, kahit bata pa siya ay palagi siyang nadadala sa matalino ngunit madamdamin na pangaral ng kanyang vater…

“Ursa…”

May pumahid sa kanyang nagingilid na luha kung kaya’t napabalikwas siya. Nangunot lang ang noo niya nang mapagsino iyon. “Hoy aso?! Anong ginagawa mo?!” nanggigigil niyang tanong sa basurang babae na ngayon ay kanyang alipin. Sa lahat ng ayaw niya ay yung may makakita sa kanya sa ganoong estado!

“Bakit ka ba nagagalit agad diyan!” tanong sa kanya ni Linea, ang kanyang aliping dugyot. “Kanina pa kita hinahanap.” Sabay nagsahod ito ng palad sa kanya. “Pengeng pera. Nagugutom na ako eh. Kung ayaw mong kuman, aba’y ako hindi pwede sakin ang walang kain kain!”

Napakamot ng ulo si Ursa. Magkaroon ba naman siya ng asong masiba. Dinukot niya ang sisidlan niya ng pera at saka naglabas ng dalawang pilak. Imbes na ilagay ang mga iyon sa palad ni Linea ay ibinalibag niya iyon sa damuhan. Di tuloy magkanda-ugaga si Linea para hanapin ang pera.

“Napakabarubal mo talaga kahit kelan Maestro! Pwede namang iabot di ba?!” pasaring sa kanya ni Linea.

“Oo na! Umalis ka na at bukas mo na lang ulit ako puntahan dito!”

Sa wakas ay nakuha rin ni Linea ang hinahanap. Tinalikuran niya agad ang amo sabay pahabol ng “SUNGET!”

Coming SoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon