"Hindi mo ba itatanong kung nakapili na ako ng titirhan natin?"

"May napili ka na ba?"

"France. Sa Bordeaux."

Bakit sa Bordeaux? Sobrang nagustuhan niya sa Transylvania kaya akala ko ay iyon ang pipiliin niya. Pero choice niya 'yon kaya hindi ko na kinuwestiyon. Kahit saan niya gustong tumira kami, kahit sa Antarctica, pagbibigyan ko siya.

"Bordeaux it is then."

"Nang nasa Bordeaux pa tayo, tuwing pumapasyal tayo sa vineyard, nakikita kitang nakikipag-usap sa mga manager doon para tanungin sila tungkol sa lagay ng vineyard."

Tumaas ang mga kilay ko, hindi alam kung saan papunta ang sinasabi niya.

"Isa ang vineyard n'yo sa Bordeaux sa pinakamalaking business n'yo, 'di ba?"

"Yes." Bukod kasi sa napakalawak na plantasyon at winery kung saan pina-process ang mga ubas para maging wine, nasa Bordeaux rin ang headquarters na nag-aasikaso sa distribution ng wine na ginagawa sa vineyard namin sa iba't ibang panig ng mundo.

Actually, pride ng stepfather ko ang vineyard namin. Kabilang iyon sa mangilan-ngilang vineyard sa buong mundo na nagpo-produce ng de-kalidad na wine na nagkakahalaga ng libong dolyares para sa isang bote.

"Kapag tumira tayo sa Bordeaux, mahahawakan mo ang vineyard n'yo. Gusto ko sana sa Transylvania, pero wala kang magagawa doon. Sa farm n'yo naman sa Eichenberg, hindi kita ma-imagine bilang shepherd. Kahit pa hot shepherd." She smiled, but I didn't share the humor sa sinabi niya. Nalilito ako sa mga inilahad niya.

"Kung mas gusto mo sa Transylvania, bakit hindi iyon ang piliin mo, baby?"

"Gusto kong magamit mo uli ang galing mo sa business."

"Hindi importanteng ikunsidera mo pa ang galing ko sa business sa pagpili mo sa lugar na titirhan natin dahil hindi na ako businessman. Asawa mo na lang ako, okay?" Hinaplos ko ang mukha niya at nginitian siya. "Sa Transylvania tayo titira dahil doon mo gusto."

"No. Hindi lang tungkol sa gusto ko ang pagsasama natin, Ezq. Businessman ka. Hindi mo na iyon maaalis sa iyo. Naka-program na ang utak mo para bumuo ng business strategies. Huwag mong paliitin ang sarili mo dahil sa akin."

"Hindi ko pinapaliit ang sarili ko dahil gusto kong maging perpektong asawa sa iyo!" Pinagsisihan ko ang pagtataas ko ng boses. "I'm sorry, baby. I didn't mean to shout at you." I felt so guilty, gusto kong suntukin ang sarili ko. Ayoko nang makita ni Sophie ang dating ako.

Tumuwid siya ng upo, puno ng pang-unawa ang mukha. Mas na-guilty pa ako. Ang dami niyang pinagtiisan sa ugali ko noon pero nandito pa rin siya. Pinakasalan pa rin niya ako.

"Ezq, hindi ka naman magiging less than perfect husband sa akin kung magtatrabaho ka uli."

"I don't want to go to work. Nang magpakasal tayo, ipinangako ko sa sarili ko na araw-araw, wala akong ibang gagawin kundi pasayahin ka. That's how I want to spend the rest of my life, baby."

"Dahil ayaw mong iwan kita," she murmured. "Naniniwala ka na hindi kita iiwan... but only as long as napapasaya mo ako. Hangga't pinagsisilbihan mo ako at ibinibigay mo ang gusto ko."

"No," tanggi ko. But... maybe she was right. Takot pa rin talaga ako.

"Nang inaya kitang magpakasal tayo, ang nasa isip ko ay buhay na kasama ka at malayo sa iba. Parang itong ginagawa natin ngayon. Wala tayong pakialam sa iba. May sarili tayong mundo. Pero ngayon, na-realize ko na para tayong nasa loob ng bubble. Ang saya-saya natin sa loob at magiging masaya tayo... as long as nandoon tayo sa magandang bubble na iyon. It's not healthy, Ezq."

"Why not?" napu-frustrate nang tanong ko. Bakit ba siya ganito? Bakit biglang-bigla ay ayaw na niya sa ginagawa namin? Masaya naman kami, ah.

"Pakiramdam ko, umiiwas lang tayo sa tunay na mundo dahil hindi pa talaga matatag ang pagsasama natin. Natatakot tayo sa mga bagay na maaaring makapagpahiwalay sa ating dalawa. Paano ba tumatatag ang pagsasama ng mga mag-asawa? 'Di ba, sa pagharap sa pang-araw-araw na routine ng buhay nila? Gusto ko na maranasang maging wife mo sa tunay na kahulugan n'on, Ezq. 'Yong sa umaga, tutulungan kitang magsuot ng tie. At sa maghapon, aasikasuhin ko ang bahay natin at ipagluluto kita."

"Ikaw ang magluluto?"

"Yes. Hindi ako kasinggaling mong magluto, pero gusto ko rin kasing asikasuhin ka. Hindi 'yong ikaw na lang palagi. 'Tapos habang kumakain tayo, ikukuwento mo sa akin ang nangyari sa work mo buong maghapon."

"Hindi ko kayang mahiwalay sa iyo nang ganoon katagal."

"Ezq, nagtatrabaho rin tayo dati nang nakatira pa tayo sa bahay mo sa The Abbey."

"Ayoko na ng ganoon. Mas masaya ako nang ganito tayo. Bakit hindi puwedeng ganito na lang?" giit ko.

"We need to grow. Hindi magma-mature ang relationship natin kung ganoon lang tayo palagi—puro saya, puro sarap. Isipin mo ang parents mo at parents ko. Hindi sila nabubuhay sa takot na magbabago ang isa sa kanila. Dahil buo na ang tiwala nila sa isa't isa. Secured sila sa pagmamahalan nila. Wala pa talaga tayo sa punto na iyon, Ezq. Pero puwede na nating simulan ngayon na i-build ang security at trust sa marriage natin."

Kumuyom ang kamao ko. Alam ko na ako lang naman talaga sa aming dalawa ang tinutukoy niya na kailangang matutunang mag-let go at mag-trust. Alam ko rin na ginagawa niya ito para mawala ang takot ko... at magkaroon kami ng mas normal na pagsasama bilang mag-asawa.

You have to give her what she wants, Ezq. This will make her happy.

Oo, tama. Hindi ang pagpasyal ko sa kanya sa iba't ibang bansa ang makakapagpasaya sa kanya. Hindi ang pagsilbihan ko siya araw-araw ang hinahangad niya mula sa akin. Gusto lang niya na maging normal ang pagsasama namin kaya niya naisip ang mga bagay na ito. Kaming dalawa ang iniisip niya. Dahil asawa ko siya. Ganito ang ginagawa ng isang asawa. Iniisip kung ano ang makakabuti para sa kanilang dalawa ng kabiyak niya. Ganoon rin ang dapat kong gawin—kahit natatakot ako.

That freaking fear in my head. Hindi pa rin talaga umaalis kahit kasal na kami. Baka tama uli si Sophie. Akala ko lang ay perpekto na ang lahat sa aming dalawa pero dahil lang pala iyon sa tinakasan namin ang reality, and we lived in our own little perfect bubble.

Pero isa o dalawang taon mula ngayon, baka nga mawala na ang takot ko kung gagawin namin ni Sophie ang mga sinabi niya.

"Okay. Titira tayo sa Bordeaux kung iyon ang pasya mo. Ima-manage ko ang vineyard. Pero gusto ko na magtrabaho ka rin sa vineyard para makakasama kita."

"No. I'll be a stay-at-home wife."

I groaned. "Kailangan mo ba talaga akong pahirapan nang ganito, baby? Nasanay na ako na nandiyan ka bawat minuto sa tabi ko, and to kiss and make love to you any time I want."

Nakuha pa niyang bumungisngis! Hindi ba niya nakikita na hindi ito nakakatawa?

"Hindi magsa-suffer ang sex life natin."

"I highly doubt it."

"Maiipon lang naman ang pagka-miss mo sa akin habang nasa work ka, 'tapos sa gabi puwede mo na iyong pakawalan lahat. Sigurado ako na magugustuhan ko ang pagsabog ng pananabik mo sa akin." She giggled again.

Hinila ko siya at niyakap nang pagkahigpit-higpit. Ibinaon ko ang mukha ko sa leeg niya. Frustrated pa rin ako sa mga napag-usapan namin—sa parating na paghihirap ko sa susunod na mga araw.

"Damn you for not understanding. Mahal na mahal kita. Mahal kita nang sampung beses pa na mas marami kaysa noon. I can't stand the thought of not being with you for more than eight hours, baby."

Ipinulupot niya ang mga braso sa akin. "Mahal rin kita nang sobra-sobra, Ezq. Naniniwala rin ako sa pagmamahalan natin. Alam kong makakaya natin kahit ano'ng dumaan sa ating dalawa. Do you?"

Tumango ako. "Hindi kita pakakawalan kahit ano'ng mangyari. You are my life, baby."

RELENTLESS LOVE ✔️Where stories live. Discover now