Hope

14 0 0
                                        

Gigising. Kakain. Maliligo. Magsisipilyo. Magbibihis. Papasok. Mag-aaral. Kakain. Uuwi. Magpapahinga. Kakain. Gagawa ng assignment. Maliligo. Magsisipilyo. Hihiga sa kama. Iiyak hanggang sa makatulog.

Gaano na nga ba karami sa atin ang ganito na ang nagiging pang araw-araw na routine sa buhay? Yung tipong aakalain lang ng mga taong nakakasalamuha mo sa araw-araw na normal lang ang buhay mo. Isang estudyante na nag-aaral nang mabuti. Na walang problemang dinadala? Yung buhay na nakabase lamang sa isang script.

"Nagawa mo na ba yung assignment natin?"
"Ui! Nakapag-aral ka na ba para sa quiz mamaya?"
"Binasa mo rin ba yung book or sa notes ka lang nagreview?"
"Diba hindi raw a-attend si ma'am?"
"Ano kakainin mo?"
"Sasama ka ba sa amin?"

Yan ang ilan sa mga tanong na madalas kong makasalamuha araw-araw. Walang halong sakit. Walang halong pagpapaalala kung gaano ako ka miserable sa bawat araw na hindi ko siya nakakausap. Mga tanong na nagpapakitang normal lang ang takbo ng aking buhay. Pero sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon, may isang hinayupak ang isinugo ng tadhana upang durugin, tapaktapakan, at ihagis sa universe ang puso ko,

"Kamusta ka na? Naka move on ka na ba kay *insert the name of the girl I love here*?"

Sa mga panahong ganito ko napatunayan na minsan sa buhay natin, mapapaPUTANGINA nalang talaga tayo. Pero kailangan kong magpakatatag. Kahit na gustuhin ko mang ipagsigawan sa lahat kung gaano ako kamiserable, at kung gaano kasakit ang nararamdaman, hindi ako pwedeng maging mahina. Hindi ko pwedeng ipakita sa kanila. Ipinaalala kong muli sa sarili ko na malakas ako.Hingang malalim na hindi nila mahahalata. Ngiti. Taas ng noo. Harap sa kanila. Sabay sabing,

"Naka move on na ako. Okay lang ako. At higit sa lahat, masaya ako." Siyempre para mas convincing, mas lalo ko pang lalawakan yung ngiti ko. Yung halos kita na yung gilagid. One-zero in favor to me. Who you para sa PUTANGINANG TADHANA NA YAN! ULTIMATE PAKYU!

Dahil sa nakaramdam na akong walang balak magpakabog ang tadhana sa akin, agad-agaran kong inayos yung mga gamit ko saka kumaripas nang lakad palabas ng room bago pa ako magantihan ng tadhana.

Dalampung hakbang para makalabas. Labinsiyam. Labingwalo. Labingpito. Labing-anim. Labinlima. Labing-apat. Labintatlo. Labindalawa. Labing-isa. Sampu. Siyam. Walo. Pito. Anim. Lima. Apat. Tatlo. Dalawa.

"Umiiyak ka ba?"

BOOMPANES! Nakita ko yung tadhana, nakasilip habang nakangisi at nakasaludo ang middle finger niya sa parehong kamay sa akin. Narinig ko pa yung mala demonyong tawa niya, telling me that I'm really in trouble. A REALLY BIG TROUBLE.

Sa pagkakataong ito, wala na akong panahon makipagtalo sa kaniya. Alam ko nang talo ako. Oo nga pala, naisip ko, anong laban ko sa bagay na pinaniniwalaan ko rin? Dire-diretso lang ako palabas ng room. Walang lingun-lingon. Wala akong pakialam kung sino man ang mabangga ko. Wala akong pakialam sa lahat. Wala akong pakialam kung makasakit man ako dahil alam kong mas nasasaktan ako. Na kahit sino pa man ang masaktan ko, walang panama yung pisikal na sakit sa emosyonal na sakit na nararamdaman ko.

Tumakbo. Yan ang madalas na nagiging sandigan ko sa bawat pagkakataon na hindi ko na nakakayanan yung sakit, sa mga pagkakataon na sumusobra na ang tadhana sa araw-araw na pangpo-provoke sa akin, sa mga pagkakataon na hindi ko na mapigilan ang unti-unting pagdalong ng aking mga luha, at sa mga pagkakataon na nahihirapan na akong magpakatatag.

Tatakbo lang ako hanggang sa matapos ang araw. Hanggang sa maubos na ang aking lakas. Hanggang sa mapagod ako. Hanggang sa ako na mismo ang sumuko. Sa paglubog ng araw alam kong talo na naman ako. Pero the show must go on. Hindi pa tapos ang araw. Pauwi pa lang ako. Mahaba pa ang gabi. Hindi pa tapos ang shooting. Hindi pa nagsasabi ng "CUT" ang tadhana na nagsisilbing direktor ng buhay pag-ibig ko. Hindi ako pwedeng sumuko.

Papasok ako sa bahay. Magpapahinga nang sandali upang bumawi ng kaunting lakas. Lakas na gagamitin ko para ipagpatuloy ang natitirang oras para sa araw na 'to, para ipagpatuloy ang inaakalang normal kong buhay na inaakala ng mga taong nakapaligid sa akin.

Habang nakahiga sa kama, patuloy pa rin ako sa pagpigil at pananatiling matatag. Sabi ko sa sarili ko, ilang segundo nalang matatapos na ang araw. Ilang segundo nalang ang kailangan kong tiisin.

Kasunod nang pagtunog ng alarm clock kong nagpapahiwatig na alas dose na, ay ang pagbati na gabi-gabi kong natatanggap mula sa direktong ng buhay ko. Si Tadhana.

"CUT! Good job Rai. Nalagpasan mo na naman ang isang araw na puno ng pagsubok at nang pagpapanggap. Bukas ulit, magpahinga ka na muna."

Tuluyan nang bumuhos ang lahat-lahat ng luhang pinipilit kong pigilan mula pa kanina. Tapos na ang palabas. Oras na para magpahinga. Para simulan ang buhay na ako lang ang nakakaalam. Ang buhay na itinatago ko sa likod ng isang nagpapanggap na matatag na Rai. This is my life. This is the reality. Lahat nang nagaganap sa umaga ay parang isang palabas lang na kung saan kontrolado ito ng tadhana, na hindi importante kung mapahiya ka man sa marami kasi ayon sa script ng tadhana, kailangang maging miserable ang buhay ko.

Hindi ko alam kung ilang segundo, minuto, o oras ang lilipas bago tuluyang mapagod ang aking mga mata sa pagluha. Pero ang alam ko lang, sa paggising kong muli kinabukasan, kailangan kong harapin muli ang panibagong kabanata ng buhay ko. Kabanata na isinulat at isasabuhay muli ng tadhana. Kailngan kong magtiis. Kailangan kong sundin ang lahat ng gusto niya. Kailangan kong magpatuloy. Bakit? Kasi alam kong darating yung panahon na mababasa ko sa script ko ang mga katagang,

Sa pagmulat ng kaniyang mga mata, isang pamilyar na emosyon ang kaniyang nadama. Emosyon na hindi niya naramdaman sa mahabang panahon. Emosyong naghuhudyat sa pagtatapos nang madilim na kabanata sa kaniyang buhay. Wala nang mga luha. Wala na ang sakit. Panahon na upang muli siyang maging masaya. Panahon na upang magtagpo ang landas niya at ng babaeng inilaan ko para sa kaniya. Sa pagkakataong ito, wala nang magmamanipula ng mga pangyayari. Hahayaan kong sa pagkakataong ito, sila mismo ang bumuo ng istorya ng kanilang pag-iibigan.

CutStories to obsess over. Discover now