Ang Pagbabago

544 4 0
                                    

              Isang makulimlim na umaga, nakita ng mga duwende ng kadiliman ang phoenix at dragon. Nabighani sila sa anyo at ganda ng dalawa. Sa sandaling nalingat si Eles, tinangay ng mga duwende ang phoenix at dragon. Parang bulang nawala ang phoenix at dragon. Hindi malaman ni Eles kung saan sila hahanapin.

            Lubos na naguluhan ang mga anito. Hindi nila hawak ang takbo ng mundo. Matagal nag-usap ang mga anito. Kailangan mabawi ang dragon at phoenix mula sa kamay ng mga duwende ng kadiliman. Pinagdasal nila ang kaligtasan ng phoenix at dragon. Dahil sa kanilang mataimtim na dalangin, hindi nakuhang saktan ng mga duwende ang dalawang inakay hanggang sa kanilang paglaki sa bundok ng mga duwende.

             Simula nang mahuli nila ang dragon at phoenix, tinayak ng mga duwende na ang dalawa ay balot sa Usok ng Limot. Nabura sa alaala ng phoenix at dragon ang kanilang pinanggalingan at ang kanilang layunin sa mundo. Naging tahimik ang dalawa sa bundok ng mga duwende. Subalit pagdating ng ika-sampung taon sa bundok, hindi na napigilan ng Usok ng Limot ang kanilang paggising sa katotohanan. Nagpaalam ang dalawa sa mga duwende.

             “Malulungkot kami. Sana, huwag ninyo kaming iwan,” ang pakiusap ng reyna ng mga duwende ng kadiliman sa phoenix at dragon. “Kung ibig ninyo talagang umalis, ang una at huling hiling ko sa inyo ay ito – samahan pa ninyo kami ng isang gabi. Inalagaan namin kayo ng sampung taon at, kahit minsan, hindi namin kayo sinaktan,” ang pakiusap ng reyna, sabay kindat sa ibang duwende.  

             Pinagbigyan ng phoenix at dragon ang reyna ng mga duwende ng kadiliman. Pagsapit ng gabi, nagpalabas ang mga duwende para sa dalawa. Iba-ibang hugis ng hayop na gawa sa usok ang naglaro sa harap ng dragon at phoenix.  Sari-sari ang mga kulay ng usok – mayroong luntiang unggoy, bughaw na agila, pulang buwaya, at marami pang iba. Nalibang nang husto ang dragon at phoenix.  Habang nanonood ang dalawa, bigla silang kinulong ng mga duwende sa loob ng isang mahiwagang palayok. At para hindi makalabas ang dalawa, pinuno ng mga duwende ng Usok ng Lungkot at Takot ang palayok. Binigkas ng mga duwende ang salamangka ng usok at palayok:  

“Tok, tok, palatok; tok, tok, palatok
Isang daang taong kulong ng palayok
Tok, tok palatok; tok, tok, palatok 
Isang daang taong bihag ng usok
Tok, tok, palatok; tok, tok, palatok
Isang daang taong bawal kumatok”

                  Lumipas ang maraming taon. Mas kapansin-pansin na ang paghaba ng gabi at ang pag-igsi ng araw. Ang Anito ng Katapangan at ang Anito ng Pagbabago ay walang tigil sa paghahanap ng paraan para mailigtas ang dragon at phoenix. Ang kailangan nila ay ang tulong ng tao. Sa Barangay Pandayan sila nag-abang ng pagkakataon. 

                

Alamat ng Dragon at PhoenixWhere stories live. Discover now