Kumunot ang noo ni Mason sa tinurang iyon ng kaibigan.

“Diba sabi ko, alamin mo kung ano ang nararamdaman mo para kay Kwok? Akala ko, gagawin mo ‘yun pagka-graduate natin. Ang akin lang, sana pinalipas mo na lang muna ang ilang buwan bago ka gumawa ng move. Alam mo namang sinusubukan pa rin ni Ray na makipagbalikan sa kanya. Hirap na hirap na ‘yung tao tapos ngayon mo pa tataluhin.”

Mas lalong nagsalubong ang kilay ni Mason sa mga sinabing iyon ni Nile. “Hindi ko maintindihan.”

Muling umiling si Nile. “Nakita ko kayo ni Louie na magkasayaw kanina.”

“Wala ‘yun,” tipid na sagot naman niya. Ayaw ni Mason na sabihin kay Nile na tinataguan ni Louie ang kaibigan nila at naging daan siya upang matulungan ang dalagang layuan si Ray.

“Anong wala? Halos magkayakap kaya kayo kanina,” pagdidiin pa ni Nile. “Pre naman. Isipin mo naman ‘yung nararamdaman ng katropa natin. Pasalamat ka, madilim kanina at ako lang yata ‘yung nakapansin na ikaw ‘yun dahil halos katabi niyo lang kami ni Vera. Pa’no na lang kung may ibang nakakita sa inyo? Mabilis na kakalat ‘yun sigurado.”

Datapwat labag sa kalooban niya, mabilis na inilabas ni Mason ang telepono at kinalikot iyon. Batid naman niyang marunong magtago ng sikreto ang matalik na kaibigan. Pero maganda na ring makasiguro. “And I don’t expect any rumors to start from you,” kalmado subalit may halong pagbabanta niyang tugon sa kaibigan bago iniharap ang telepono dito.

Kitang-kita niya kung paano nanlaki ang mga mata ni Nile at hinablot pa nito ang cellphone ni Mason upang makitang mabuti ang litrato ni Charlie na naka-gown. “Shete pare. Ang ganda niya.”

Sabi na nga ba’t ganoon ang magiging reaksiyon ng kaibigan. Paano na lang kung nakita niya ang kapatid sa personal at ganoon ang suot?

Sinubukan ni Mason na kunin ulit ang telepono subalit iniiwas iyon ni Nile at dagliang ipinadala ang larawan sa sariling cellphone sa pamamagitan ng Bluetooth. Saka lamang nito ibinalik iyon nang matagumpay na naipasa ang larawan ng kapatid.

 

Habang unti-unting nagsisitayuan ang mga estudyante mula sa kani-kanilang mga mesa, nagsimula na rin ang mga intermission number. Nagmadali pang kumain sina Nile at Aaron at ang dalawa pa nilang kabanda sapagkat sila na pala ang susunod na magpe-perform. Kasunod nito ay ang isang dance number mula sa mga estudyanteng nasa una at ikalawang taon.

Kasabay nito ay ang pagtungo ni Mason sa registration booth upang kamustahin ang mga volunteers na naroroon. Papalapit na sana siya sa kanila nang marinig ang paksa ng kanilang usapan.

“Nabilang niyo na ba ‘yung balota?” tinig iyon ni Ms. Leyn.

“Opo, ma’am. Landslide win. Prom King si Kuya Mason. Kainggit naman, sana ako nalang ang Prom Queen, hihihi.”

Napaatras tuloy siya nang hindi oras. Isa sa mga pinakaayaw niya ay ang mapunta sa spotlight dahil lang sa walang-kwentang bagay. Tulad na lamang ng napipintong paghirang sa kanya bilang Prom King. Apat na taon niyang naiwasan ang Mr. & Ms. Intramurals dahil nga suplado siya at matipid magsalita. Sa katunayan, nagsimula lamang siyang ngumiti paminsan-minsan noong nanalo siya sa pagka-Vice President ng Student Council noong nakaraang taon. At dahil bawal maging kalahok ang mga officers, nakaiwas din siya sa pageant na iyon.

From A DistanceWhere stories live. Discover now