Ang Makikintab na Kamay ni Inay

68 1 0
                                        


Pantay na ang mata ng araw. Inihahasik ang walang awang init sa buong sitio. Kung mapagmamasdan ang bubungan ng kalapit-bahay ay masasabing makapagluluto na ng itlog sa tindi ng init. Ang singaw ng lupang maagang nabilad sa araw at ang usok ng mga sasakyan ay nagtatalik sa kawalan.

Walang magtatangkang makipagbuno sa katanghalian. Kaya't ang halos lahat ng tao sa aming lugar ay may bitbit na pamaypay o hindi kaya'y isang lampin na pamunas na, pantaboy pa ng init.



Ngunit may isang hindi nagpapatinag. Binibirahan ng kuskos ni Inay ang mga labahin sa kabila ng nangangaing sikat ng araw. Wala siyang pakialam kung dagsain ang kanyang hita, likod, batok, leeg at noo ng daan-daang butil ng pawis. Mas mahalagang makatapos siya agad at makapagpatuyo. Maaga siyang hihintayin ng kanyang mga nilabhan kinabukasan upang sinupin ng plantya.



Maagang nauulila ang kumot at unan ni Inay araw-araw. Kailangan niyang mauna sa aming gumising dahil magluluto pa siya ng aming agahan.

Bago mag-alas singko y medya ay dapat na bumibiyahe na kami pa-Marikina. Kung hindi ay mahuhuli kami sa alas sais na klase.



"Hindi bale nang kayo ang maghintay ng service, kesa naman kayo pa ang hihintayin," paalala ni Inay.



Ayaw na ayaw ni Inay na may maaabalang ibang tao nang dahil sa amin. Lalo na sa usapin ng oras. Kaya sinanay niya kami na maagang naghahanda. Noon ding una'y hindi niya kami pinasasama sa pamamalengke.

Hindi dahil sa ayaw niyang magturo kami ng kung ano-anong laruan, kundi dahil sa bagal naming maglakad.



"Bilisan mo'ng lakad mo. Buhatin mo 'yang mga paa mo. 'wag mong kaladkarin 'yan. Iiwan kita rito."



Kaya naman hindi naglaon, natuto rin kaming magmadali. At gawing normal ang mabilis na lakad. Sa panahon daw ngayon ay hindi na ubra ang pabagal-bagal. "maiiwan sa biyahe ang mabagal," ika nga nila.



Araw-araw, walang ibang hinaharap si Ina kundi pagluluto at pagtitinda ng puto at Maja maliban pa sa paglalaba at pamamalantsa. Masarap magluto si Inay. Kaya naman halos lahat ng aming kapitbahay, kapag may okasyon ay kay Ina nagpapatuwang sa pagluluto.

Bukod pa riyan, malinis din siyang magtrabaho. Ayaw na ayaw ni Inay na makikialam kami sa ginagawa niya. Tila kalkulado ang oras at maging ang dapat na gawin. Nakikita ko lang madalas ang ganitong gawi sa aking guro.

Hanggang sa nalaman ko, ayon na rin sa pagkukwento ni Inay, na siya pala ay tapos sana ng pagiging guro kung hindi lamang pinili ang pagkakataong mangibang bansa.



" Nasa ikatlong taon na ako noon sa kolehiyo. Hindi ko na tinapos dahil ipinadadala na ako ng ante Luning sa Brunei. May Agency kasi sila noon. Kaya dali-dali naman akong nagpunta dito sa Maynila para hintayin ang passport ko. Magandang trabaho ang naghihintay sa akin doon."



Hindi nabanggit sa amin ni Inay kung papaanong napapayag niya sina Lolo Rustico at Lola Corazon na ipagpalit niya ang kanyang napipintong pagtatapos sa edukasyon sa pangako ng matamis na pangingibang bayan. May haka ako na hindi ito ang tunay na dahilan. Naalala kong nabuntis si Inay ng kanyang nobyo kaya't nagtakda ng biglaang kasalan. Ngunit sa kasamaang palad, sa mismong araw ng kasal ay hindi siya sinipot ng lalaki. Marahil, ang bangungot na ito sa kanyang pagkababae at maging ang kahihiyang idinulot nito sa kanya, isama pa ang kanyang nasa sinapupunan ang naging dahilan upang huwag na siyang magpatuloy sa pag-aaral at magtrabaho na lamang sa Brunei pagkaraang makapanganak.



Ngunit hindi rin natuloy ang plano. Sa ilang buwan niyang pagtatrabaho sa Maynila ay nakilala niya si tatay. Naninirahan noon si inay sa isang paupahang bahay sa Antipolo na katapat lang ng bahay ng pamilya ni tatay. Niligawan at nagkamabutihan. Nang aalis na si Inay ay abot langit na pagpipigil ang ginawa ni tatay sa kanya. Sigurista talaga si tatay!

Makikintab na Kamay ni InayStories to obsess over. Discover now