"P-Paano mo naman nasabing iniisip ko siya? T-Tsaka bakit ko naman siya iisipin?"

"Ayan o, nakasulat sa noo mo ang laki-laki. W-A-R-R-E-N." natatawang biro ni Charles.

Napahawak sa noo niya ang dalaga at paulit-ulit itong kinuskos na animo'y may binubura. Natawa naman lalo ang kapatid sa naging reaksiyon ng babae.

"K-Kuya gusto mo bang ipagbalat kita ng orange?" mabilis na pagligaw ni Lena sa usapan at sabay tungo nito sa katabing mesa ng kama na kinalalagyan ng mga prutas.

"Huwag mong binabago ang usapan. Magkaaway pa rin ba kayo ngayon ni Warren?"

"Magkaaway? Kung makagamit naman kayo ng salita kuya akala mo naman may malapit akong relasyon dun sa tao." sagot ng dalaga habang inilalagay sa platito ang nabalatang prutas.

"Hindi ba? Sa tinginan ninyong dalawa mukhang mas may nadagdag pa nga sa relasyon niyo eh."

"Walang nadagdag. Nagbago meron. Malaking pagbabago... Kumain ka na nga lang kuya." sabay upo ni Lena sa tabi ng kapatid at sinubuan ito ng sunud-sunod upang hindi na ito makapagsalita.

Nang hindi na nang-ungkat pa si Charles ay itinuon ni Lena ang atensyon sa magandang kuwartong kinaroroonan. Pribado. Naka-aircon. May sariling CR, refrigerator at may isang malaking telebisyon sa dingding.

"Kuya, ganito ba talaga mang-spoiled ang Kalaya sa mga taong tinutulungan nila. Hindi kaya sa bayad pa lang dito sa kuwarto mo ay aabutin na ng daang libo ang billing?"

"A-ang pagkakaalam ko marami silang mga sponsors na taga-ibang bansa. S-Siguro maraming sumusuporta sa kanila dahil na rin sa ganitong pagtrato nila sa kanilang mga tinutulungan."

"Hay napakasarap isipin na sana tulungan ka na lang nilang i-settle lahat ng mga kaso mo para tuluyan ka na talagang maging malaya." nangangarap na wika ni Lena.

Nagpalit ng mukha si Charles. Nagseryoso ito at tiningnan ang kaharap ng may kahulugan. Napakunot ng noo ang dalaga sa nakitang hitsura ng kapatid.

"Huwag mong sabihing gagawin nga nila ito? Nagbibiro lang naman ako." mabilis na sambit ng dalaga.

"Yun ang sinabi sa akin ni attorney."

Nanlaki ang mga mata ni Lena sa narinig.

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon