Araw araw galit sila sayo sa hindi mo malamang dahilan. Sinisigawan ka palagi, hindi ka magawang ngitian o kahit kunting pakialam lang sana. Ang sakit isipin na sarili mong pamilya hindi ka gusto.
Bakit ganon? Hindi naman nila ganun itrato yung mga kapatid ko. Ano bang meron sa akin na ayaw nila?
Yan ang mga tanong na hindi ko mabigyan ng sagot. Pero hindi ko inaasahan na isang araw, ay masasagot lahat ng katanungan ko.
April
"Asan ba yang April na yan, at wala dito sa bahay? Bwisit talaga yang babaeng yan. Walang kwenta!" Kararating ko lang sa bahay galing eskwelahan pero masakit na salita na agad ang naririnig ko galing kay nanay.
"Nay nasa eskwelahan po. Diba po nag aaral si ate?" sagot ng kapatid ko kay nanay. Napangiti naman ako ng kaunti. Kung gaano ako kahindi gusto ni nanay may mga kapatid naman ako na kahit papaano ay may pakialam sa akin.
"Bakit ba kasi kailangan pang mag aral ng bwisit na yun. Sayang lang sa pera. Wala namang kwenta" ani nanay. Tumulo ang luha ko. Ano ba naman April, hindi ka pa ba nasanay sa nanay mo?. Kastigo go sa sarili ko. Agad kong pinunasan ang luha ko bago pumasok sa bahay.
"Mano po nay, magandang hapon po" ako. Pero hindi ko pa man naaabot ang kamay ni nanay ay iwinaksi na nya ito sabay sampal sa akin na ikinasalampak ko sa sahig. "Walang maganda sa hapon. Punyeta kang babae ka! Bakit ngayon ka lang? Napakaraming gawaing bahay, pero yang pag aaral pa ang inuuna mo!" sigaw ni nanay sa akin.
Tuluyan na akong napaiyak sa harap nya. "Nay sorry po. Pero kailangan ko pong mag aral. Saka po maraming gawain sa eskwela kaya ngayon lang po ako nakauwi" paliwanag ko kay nanay habang umiiyak. "Wala kong pakialam! Kung bakit ka pa kasi nag aaral eh samatalang napakabobo mo naman! Hala tapusin mo yang mga dapat mong trabaho dito sa bahay! Malandi! Walang kwenta!" litanya ni nanay bago ako iwan.
Tumakbo ako sa silid ko at doon nag-iiyak. Bakit sya ganon? Anak rin nya ako diba? Bakit hindi nya ako magawang ituring gaya ng kung paano nya ituring ang mga kapatid ko? Yan ang mga tanong na matagal ko nang gustong malaman ang kasagutan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin masagot.
Tinuyo ko ang mga luha ko at nagpalit ng damit bago lumabas ng silid para gawin ang mga pinapagawa sa akin ni nanay. Ng matapos ko ang mga gawain ko ay nagsimula na akong magluto ng hapunan. Mag-aalas sais na ng gabi ng matapos akong magluto.
Sa pagpatak ng alas syete ay hinanap ko si nanay para tawagin dahil kakain na kami. Pagkalabas ko ng bahay ay nakita ko si nanay na kausap si aling Nida. Lumapit ako para sana tawagin si nanay pero hindi sinasadyang narinig ko ang usapan nila at ang pangalan ko kaya hindi muna ako umimik at nagkubli sa isang puno para pakinggan ang usapan nila.
"Ewan ko ba mare, sa tuwing nakikita ko yang si April umiinit agad ang ulo ko. Ni hindi ko sya magawang titigan dahil kumukulo ang dugo ko at naaalala ko lahat ng ginawa ng tatay nya". ani nanay.
"Linda naman, walang kasalanan yung bata. Hindi nya kasalanan ang nagawa ni Ronaldo noon. Kung galit ka man, kay Ronaldo ka dapat magalit dahil sya ang nagkamali" tugon ni aling Nida.
Hindi ko alam kung anong sinasabi ni Aling Nida na pagkakamali ni tatay. At kung anong kinalaman ko doon. Magsasalita na sana ako para tawagin si nanay pero may sinabi sya na ikinagimbal ko....
"Hay naku Nida kahit ano pang sabihin mo hindi ko makakalimutan ang ginawang iyon ni Ronaldo sa akin. Kung ano ang galit ko noon sya pa rin hanggang ngayon. At sa araw araw nakikita ko ang bunga ng kataksilang ginawa nya ay nangingibabaw pa rin ang sakit at galit dito sa puso ko" ani nanay.
"Pero Linda kaytagal na ng pangyayaring yun. Panahon na siguro para magpatawad ka. Kahit man lang sana ituring mong anak si April kawawa naman yung bata. Simula ng mamatay si Ronaldo ay hindi na sya nakadama ng pagmamahal ng isang magulang" ani Aling Nida kay nanay.
"Ah basta! Kaylan man ay hindi ko matatanggap ang bunga ng kasalanan. Para sa akin anak lang sya sa labas. Bunga ng kataksilan ni Ronaldo at ng kerida nya! Bwisit sya. Kung bakit pa kasi inuwi yan ni Ronaldo dito. Pwede naman nyang ipaampon noon. Kaya't pagdusahan nya ang ginawang kataksilan ng ama nya at ng kerida nyang ina!" sigaw ni nanay na nagpatulo ng tuluyan sa mga luha kong kanina ko pa pinipigilan.
Kaya pala....kaya pala ganun na lang ang alit sa akin ni nanay. Dahil bunga lang pala ako ng kasalanan at kataksilan....a-ng sakit, ang sakit sakit na malaman ang katotohanan. Kaya pala hindi nya ako mgawang mahalin.... kaya pala.......kaya pala.
END
