Lumabas na rin ako sa Tanghalang Pang-unibersidad (este kantina pala) pagkatapos kong magmeryenda. Nakita ko sa FB (Fish Bolan ‘yan bilihan ng fishball) ang aking kaklase na dapat kong singilin ng bayad sa test paper kaya nilapitan ko siya. Pagkabigay niya ng bayad, mangiyak-ngiyak niyang sinabing, “Ano ba ‘yan, ubos na ang allowance ko! Ang hirap naman kasing gumawa ng monthly budget plan, ba!” Wow, monthly budget plan…ispel mo nga! Biro lang. Tunay nga namang mahirap gumawa ng monthly…(basta ‘yun), pero mas nakakaloko kapag pinagawa ka ng President eng Republika ng Pilipinas ng National Economic Plan for 2013. Sabihin mong madali  ‘yan at ngayon mismo ay sasaludo ako sa’yo nang nakaluhod. Sinubukan ko na rin kasing isipin ang paggawa ng National Economic Plan for 2013 (para makatulong lang, kako) ngunit diretso sa botika ang tungo ko para sa isang tablet ng paracetamol. Ang sakit sa ulo nun gaya na lang ng pagsakit ng ulo ng kakilala ko dahil umano sa in-can shaped (mas maganda na ‘yun kaysa sa trumpo-shaped) niyang pangangatwiran. Idagdag mo pa rito ang mala-Rocky-Road daw niyang pagmumukha. (Lahat ng paglalarawan na ginamit ay hango sa makatotohanang paglalarawan mismo ng aking kaibigan sa kanyang sarili – inuulit ko lang.) Ang payo ko sa kanya noon, itago na lang iya lahat ng salamin sa kanilang bahay kung masyado niyang pinoproblema ang kanyang pisikal na kaanyuan dahil kahit ano namang novena ang kanyang daluhan, ipinagkaloob pa rin ng Diyos ang lahat ng iyon sa kanya ng may dahilan at hindi na ito mababago. Kung baguhin man niya ito, binago na rin niya mismo ang obra maestro ng Diyos.

Sa wakas, nasingil ko na rin lahat ng dapat kong singilin sa araw na iyon kaya nagtungo na ako sa isa ko pang kaklase upang minsanan nalang ibigay ang buong bayad sa ‘ming titser. Nagulat na lang ako ng sabihin niyang, “Kulang ‘to! Palibhasa hindi kayo marunong making sa ‘kin eh!” Hala, ako pa ba ang may kasalanan kung bakit walang nakikinig sa kanya? (Teka, anong kaugnayan nun sa bayad ng test papers?) Bakit, nagawa nab a niyang making sa ibang tao tulad ng paghahangad niya sa mga sandaling iyon na may making sa kanya? Samantala, nasa tabi ko rin ng mga oras na iyon ang kanyang emoterang matalik na kaibigan. Inusisa ko siya kung bakit hindi man lang siya umimikmatapos pagsalitaan ng ganoon ng kanyang kaibigan—gayong halos lumapa na ako ng tao ng mga sandaling iyon. Sagot niya, “Iiwasan ko na lang ang magsalita para hindi na ako makasakit.” Hay naku, pinoproblema niya ang magiging reaksyon ng mga tao sa mga gawain niya. E, kahit wala naman siyang gawin o sabihin ay mayroon at mayroon pa rin namang masasabi ang mga pakialamera sa tabi-tabi. Sabay-sabay nating alalahanin s iPresident Noy, hindi dahil sa problema niya sa nalalagas buhok kundi ang hindi pagtigil ng media (kasama ng buong sambayanang Pilipino) sa kakasubaybay sa bawat pagbisita niya sa bahay ng nililigawan, pagbili ng mamahaling kotse at maging ang susunod na season ng pag-eebs niya. Asar ‘yun (lalo na ‘yung huli), ‘di ba?

Pauwi na sana akonang may tumawag sa ‘king pangalan, kaya lumingon ako’t nakita ko ang aking kaibigan (take note: marami akong kaibigan) na nais raw makisabay sa pag-uwi. Hinaing niya, huwag naman daw sana ulit siyang mapaupo sa maliit na upuan sa loob ng sidecar ng tricycle dahil hindi ito komportable. Kung hindi siya komportable, anong tawag niya kay Manong drayber na hindi na sumasayad ang pwetan sa upuan ng minamanehng sasakyan dahil sa dalawa pang pasahero sa may backride—komportable?

Nasa bahay na ako nang may tumawag sa ‘kin kaya dali dali ko itong sinagot. Paano ako nagmadaling sagutin ang tawag na ‘yun? Aksidente ko lang naman nahiwa ang daliri ko habang nagbabalat ng kalabasa, natapilok, nauntog sa pader tapos agad dampot sa telepono gamit ang duguang daliri sa pag aakalang nasagot na  ng kaibigan ko ang problema ng mundo sa Climate Change, kurapsyon sa Pilipinas, giyera sa Libya at nawawalang Dragon Balls. Tinawagan pala ako ng aking kaibigan para ipabigay alam na nasa Level 24 na siya ng Angry Birds Rio nang lumabas sa screen ang mga titik na G-A-M-E-O-V-E-R matapos ng ilang sandalig pangangamot niya sa nangangating daliri sa paa. Ang laki ng pasasalamat ko sa kaibigan kong ‘yun dahil tumaas ng isang pang level ang SAPI ko ng araw na ‘yun.  Tapos na.

Sa madaling salita huwag, huwag mo sanang hayaan na masira ang iyong araw nang dahil lamang sa maliliit na kumplikasyon sa ‘yong trabaho at pamumuhay. Pakiusap, iwasan mo ang papasan sa problema ng sanlibutan at buong galaxy. Ang malimit na kamalian nating mga tao’y taoy mismo ang gumagawa ng sarili nating problema kula sa mga maliliit na pagkakamaling nakikita o nararanasan natin. Iikot pa rin naman ang mundo may problema ka man o wala kaya’t para hindi mapag iwanan, i-donate na lamang ang mga bagay na dapat ay parte na lamang ng iyong nakaraan at pagsikapang tumakbo kasabay ang agos ng panahon.  Marahil makakatulong din ang pagpapalabas ng sapi sa katawan. Posible ‘yun, dahil nagawa ko na ‘yun at patunay diyan ang akda kong ito. Para mawala ang sapi ko, nagsusulat ako ng kahit anong gusto ko lang—listahan ng utak ko sa Xerox center, recipe ng paboritong ulam, compilation ng mga inspirational text messages at “Beware of Dogs” signage sa gate. Naniniwala akong mas marami kang magagandang naisusulat kapag may malalim kang pinanghuhugutan – ang dahilan ng iyong SAPI.

Kapatid, maraming pag-aaral na ang nagpapatunay na mga taong labis kung mamroblema (‘yung mga taong hindi na magawang kumain, matulog, at ngumit man lang) ay mabilis tumanda’t mamatay. Gusto mo bang makakita ng bagay na nakakamangha’t nakapagpapasaya, damhin mo ang pintig ng iyong puso sa’yong pulso. Tama, ‘yan nga, pinagkalooban ka pa rin ng Diyos ng buhay hanggang sa mga sandalig ito. Hahayaan mo bang masayang lang ang buhay mo dahil sa mga problema mo? Marami ang magandang mangyayari kapag hinarap mo at pinakitunguhan ng may pananalig ang bawat pagsubok sa iyong buhay. Natanong mo na ba sa’yong sariling kung bakit sa kabila ng mga problema nakapalibot sayo’y buhay ka pa rin? Simple lang, maari kasing may mga taong humuhugot ng lakas at insprasyon sa’yong matatamis na ngiti.

Para lalong makatulong, aralin mo kung paano ipaghiwalay ang problema sa hindi problema at ang maliit na problema sa malaking problema. Huli, (oo, huli na ‘yan baka may klase ka pa e) NGUMITI NG MAG-ISA. Ito na ba ang pinaka-nakakalokong payo na narinig mo sa buong buhay mo? Kalimutan mo na ang pangalan ko ngunit wag sana ang payo kong ito. Subukan mo rin…1…2…3. (NGITI na) Epektibo ito, (subok ko na ‘yan) kapag napagtanto mo na kasing nakangiti ka sa kawalan, maiisip mo na marahil nababaliw ka na rin tulad ng may akda. Pagkatapos, susunod na ang malulutong na tawa mula sa kanina’y tigang na labi at basang pisngi.

Sana, napagaan ko ang dalahin mo diyan sa’yong kaloob-looban at pansamantalang NAGAPI ang iyong SAPI. (Paalala; Maari mo rin itong ipabasa sa iyong mga kaibigang may SAPI at para sa mas mabisang epekto ng pag ngiti nang mag isa huwag gagawin nang madalas at kapag nasa mataong lugar.)

SAPIWhere stories live. Discover now