Part 2

46.7K 1.3K 48
                                    

NAKALIGTAS SI Jhun sa mga kuko ng may kahanginang 'prinsesa' ng Davao. Pero hindi sa kanyang supervisor sa Rider's Veranda, ang restaurant bar na pinapasukan niya sa Stallion Riding Club.

"Kabago-bago mo pa lang, ang lakas na ng loob mong magpa-late sa trabaho. Nakita mo ba kung anong oras na? Ang dami-daming trabaho rito sa restaurant at hindi ko kailangan ng mga walang pagpapahalaga sa oras."

Hindi na sumagot si Jhun. May kasalanan naman talaga siya kung bakit siya nahuli sa trabaho. Buwisit naman kasi iyong five-minute habit niya, eh. Iyon ang pahamak sa kanya kahit kailan. Ilang beses na rin siyang nalagay sa alanganin dahil sa kaka-five minutes niyang iyon sa umaga. Kaya nangako na siya sa kanyang sarili na magbabago na. ayaw rin naman niyang masisante sa trabaho niya. Sayang, eh. Doble kasi ang sahod niya rito kaysa sa normal na trabahong makukuha niya kahit saan.

Pero masakit na talaga ang mga paa niya sa kakatayo roon. Kahit kasi pinasakay siya ni Dominique patungo sa club proper, masyado nang mahaba ang nilakad niya kanina bago ito dumating at ngayon ay nangangalay na talaga ang mga binti niya.

"Doon ka sa kusina."

Napaangat ang tingin niya sa kanilang supervisor. "Ha?"

"Doon ka sa kusina. Parusa iyon sa mga gaya mong tatamad-tamad."

"Sandali. Bakit ako sa kusina magtatrabaho? Waitress ang papel ko rito at hindi tagahugas ng mga pinggan."

"Sinusuway mo ako, ganon?" Sa itsura ng supervisor, mukhang hindi nito nagustuhan ang pagsagot niya. 

Pero wala siyang balak na magpasindak. "Ipinapaliwanag ko lang ho na kung parurusahan ninyo ako dahil sa kasalanan ko ngayon, bigyan ninyo ako ng memo. Hindi iyong basta na lang ninyo ako itatambak sa kusina."

"At nagmamarunong ka na rin ngayon. Hoy, babae, baka nakakalimutan mo kung sino ako at kung ano ka lang dito. Kaya wala kang karapatang sagut-sagutin ako ng ganyan."

"Ipinaglalaban ko lang naman ang karapatan ko, Ma'm. Wala sa kontratang pinirmahan ko ang ipadala sa kusina kapag nagkamali ako. At first offense ko pa lang naman ito. Kung isusumbong mo ako sa management, okay lang. Tatanggapin ko ang anomang parusa just as long as naaayon iyon sa batas ng mga empleyado sa Pilipinas."

Napansin niyang napapahinto sa mga gawain nila ang ibang empleyado ng restaurant bar na iyon. At iyon siguro ang dahilan kung bakit tila mas lalong nag-init ang ulo ng supervisor nila. Kapag pinatalsik siya nito sa kanyang trabaho, magsasampa siya ng kaso. Hindi siya papayag na basta na lang mapaalis doon dahil lang sa isang beses niyang pagka-late sa trabaho. Peste! Ginigising ng bruhang ito ang dugo ng lolo kong gerilya na nananalaytay sa aking katawan!

"Mahusay!"

Sabay silang napalingon sa nagsalita. Gino, their head chef and owner of Rider's Verandah, was grinning widely and clapping as he watched them from the other end of the bar. Hindi tulad ng madalas niyang makitang suot nitong chef uniform, isang eleganteng equestrian uniform ng Stallion Riding Club na iyon ang suot nito. Subalit hindi iyon ang ikinagulat ni Jhun kundi ang makita ang pamilyar na mukha ng lalaking kasama nito. Si Eneru. At kung guwapo na ito kanina sa simpleng kasuotan, mas lalo na ngayong suot na nito uniform of the day ng SRC na black jacket, cream breech at black riding boots. Napakakisig. Parang kalaro lang ito ni Prince William sa pangangabayo. Kunsabagay, lahat naman ng miyembro ng SRC ay ganon ang dating. Pero may tila ibang pang-akit sa kanya si Eneru. Basta.

Walang imik si Eneru ngunit mahahalata pa rin ang amusement sa mga mata nito habang nakamasid sa kanya. Darn. Ang guwapo talaga. Kahit na ang katabi nitong si Gino na hindi rin naman pahuhuli sa looks department, hindi na napansin ni Jhun ang kaguwapuhan. Basta nakatutok lang ang mga mata niya sa lalaking minsan nang naging bahagi ng kanyang kabataan.

Stallion Riding Club 2: Eneru Villasis (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon