Isang Araw sa Sementeryo

Start from the beginning
                                    

Kahit hindi naging kami ni Daisy Joy, siya lang ang babaeng minahal ko mula noon hanggang ngayon. At hindi ko alam ang gagawin ko ngayong wala na siya.


PAGKALIPAS ng mahigit isang taon...

Bago ako tumungo sa sementeryo upang dalawin ang puntod ng yumao kong mga mahal sa buhay, dumaan muna ako sa isang flower shop upang bumili ng mga bulaklak para sa kanila. Kaagad kong namataan ang mga puting rosas na naka-display.

Bakit ba ang mga iyon kaagad ang una kong nakita? Siguro dahil ang mga iyon ang gusto kong makita, ang mga iyon ang hinahanap ko. Siguro dahil iniisip ko si Daisy Joy. Paborito niya kasi ang mga white roses. Sumisimbolo raw kasi iyon ng malinis at purong pag-ibig. An everlasting love—a love stronger than death, an eternal and undying love. Tulad ng pag-ibig ko para sa kanya.

Nang sinabi sa akin ni Franco noon na wala na si Daisy Joy, kaagad akong nagdesisyon na umuwi sa Pilipinas mula sa Australia. Nagtrabaho ako bilang systems analyst sa isang kompanya roon. But I resigned and went back to the Philippines. Naisip ko noon na sa Pilipinas na lamang maghanap ng trabaho o hindi kaya ay magnegosyo. Na sana ay noon ko pa ginawa. Kung ginawa ko iyon noon pa, nakasama ko sana nang matagal si Daisy Joy. Hindi iyong umuwi ako dahil wala na siya. Limang taon din ako sa abroad at mula noon ay hindi na ako nagbakasyon sa sariling bansa. Nakapanghihinayang ang mga sandaling dapat sana ay nakausap ko siya at nakasama nang personal. Kahit hindi bilang kami. Kahit bilang magkaibigan lang.

Hindi ko siya sinisisi pero siya ang dahilan kung bakit umalis ako noon, kung bakit tumungo ako sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Gusto kong layuan siya noon dahil gusto kong kalimutan ang nararamdaman ko para sa kanya. Kasi kapag nakikita ko siya at alam kong malapit lang siya ay lalong tumitindi ang pag-ibig ko para sa kanya. Tila hindi ako makahinga nang maayos kapag naiisip ko na magkasama sila ni Franco, ang mga puwede nilang gawin bilang magkasintahan. Isa pa, gusto kong kalimutan ang pag-ibig ko para kay Daisy Joy. Kaya umalis ako. Umalis ako na ako lang ang nakakaalam. Umalis ako nang walang paalam.

Nang nandoon na ako sa Australia ay saka ko pa lang sinabi na wala na ako sa Pilipinas. Inilihim ko ang pag-a-apply ko patungo roon. Ewan ko nga ba sa akin. Siguro, pinairal ko lang ang masamang ugali ko. O masama talaga ang ugali ko. Sinabi ko lang noon sa sarili ko, bahala na. Bahala na sila kung ano ang iisipin nila. At least, nasabi ko naman sa kanila na umalis ako.

Pero kahit nasa malayo na ako noon, kahit ano ang gawin ko, hindi ko talaga kinayang kalimutan si Daisy Joy. Nakipagrelasyon din ako sa ilang mga Pinay at Australiana roon pero wala. Walang nangyari. Si Daisy Joy pa rin ang hinahanap-hanap ko, si Daisy Joy pa rin ang gusto kong makasama. Para siyang permanenteng tattoo na hindi na matanggal sa isip ko. Hanggang ngayong mahigit isang taon nang wala siya ay hindi siya nawala sa puso ko.


HULI KONG pinuntahan ang puntod ni Daisy Joy pero doon ako nanatili nang matagal. Kaninang umaga ay dumalaw rin si Franco kasama ang bagong nobya nito. May kaunti nga akong galit kay Franco dahil napakadali nitong napalitan sa puso nito si Daisy Joy. Pero naintindihan ko naman si Franco. Alam kong malungkot din ito pero hindi na nito maibabalik pa ang buhay ni Daisy Joy.

Masaya na rin siguro si Daisy Joy dahil masaya na uli ang lalaking mahal niya. Pero ako, kahit hindi kami naging magkasintahan ni Daisy Joy, hindi ko pa rin kayang palitan siya sa puso ko. Until now, I was in agony. Tila napakalalim ng sugat sa puso ko dulot ng pagkawala ni Daisy Joy. Hanggang ngayon ay hindi pa rin iyon naghihilom.

Tinawagan ako kanina ni Franco at sinabing sabay na lang daw kami na dumalaw sa puntod ni Daisy Joy pero sinabi ko na mauna na lang sila. Nang hapong iyon ako pumunta. Unti-unti nang nababawasan ang mga taong dumadalaw sa kani-kanilang mahal sa buhay na nakalibing doon. Patapos na naman ang undas.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Where stories live. Discover now